MARAHIL ay magtatanong o magtataka kayo kung sino na naman itong si Lupita Aquino Kashiwahara kahit na madalas na siyang nasusulat at naibabalita.
Si Lupita Aquino Kashiwahara ay kapatid ni dati at namayapang senador Benigno Aquino, Jr. na ama ng nangunguna ngayon sa pagkapreseidente na si Benigno Aquino III.
Si Lupita Aquino Kashiwahara ay ang dating si Lupita Concio na nagdirek ng mga pelikulang “Minsa’y Isang Gamu-Gamo” at “Babae” na kapwa ginampanan ni Nora Aunor na pareho ring ginawa sa Premiere Productions.
Si Lupita Aquino Kashiwahara ay dating asawa ni Cesar Concio na asawa naman naman ngayon ni Charo Santos-Concio.
Nakipaghiwalay nang pormal at legal si Aling Lupita kay Mang Cesar at anak nila ang media woman din na si Mia Concio.
Nag-asawa muli si Lupita at Japanese naman ang kanyang mister ngayon.
***
Si Lupita Aquino-Kashiwahara ang nag-iisip ng imahe ngayon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Siya ang kasa-kasama ngayo ni Gloria sa maraming lakaran lalo na at may kaugnayan sa sining at kultura dahil nakatutok naman si Cecil Guidote-Alvarez sa National Commission for Culture and the Arts.
Sa katunayan, si Lupita ang kasama ni Macapagal-Arroyo nang magtungo ang pangulo ng Pilipinas sa Kingdom of Bahrain kung saan ay sinalubong sila ng hari sa pamamagitan ng isang masaganang tanghalian.
Doon nila nasaksihan at narinig ang isang bagets na lalaki na matatas mag-Filipino at mag-Ilocano samantalang anak ng hari ng Bahrain at isang Arabo kaya naman namangha sina GMA at Aquino-Kashiwahara sa husay ng lalaking ito na magsalita n gating mga wika.
***
Nagkasundo sina Gloria at Lupita na gawan ng pelikula ang buhay ng lalaking bagets na anak ng hari dahil natuklasan nilang ang nagturo sa bagets ng Filipino at Ilocano ay isang Filipina.
Ito ang ugat ng pelikulang “Emir” na handog ng Film Development Council of the Philippines at Cultural Center of the Philippines.
Naglabas si GMA ng P50M sa kanyang President’s Social Fund at ginastos sa paggawa ng “Emir” na may premiere showing mamayang gabi sa Cinema 9 ng SM Megamall.
Nagkamali si Art Tapalla sa paglalabas ng aming kolum para ngayon.
Ang nabasa ninyo kahapon na si PGMA ang bisitang pandangal sa premiere night ng “Emir” mamaya ay dapat ngayong araw na ito lumabas kaya heto at nagsulat uli kami ng bagong pitak para sa araw na ito na tungkol din sa “Emir.”
***
Dapat ay gumawa muli si Lupita ng pelikula dahil marami siyang ideya na puwedeng ipamarali sa publiko kaugnay sa kanyang mga karanasang makukulay hindi lang sa pulitika kundi sa maraming larangan ng buhay.
Kailangan ang isang tulad ni Aquino-Kashiwahara para maging mas malawak at mas malalim an gating pananaw sa sining ng showbiz dahil pamangkin din niya si Kris Aquino.
Showbiz na showbiz din ang dating ni Lupita hindi lang dahil siya ay nagdirek na ng pelikula at telebisyon kundi makulay, madrama, madula, masalimuot, malalim, malawak, matunggali at komplikado rin ang kanyang modernong buhay, mga katangian ng showbiz na showbiz.
***
Ipinagmamalaki ni Lupita na ang “Emir” ay malaking pelikula na yayanig sa showbiz at sa bansa sa mga pagkakataong ito.
Agad na ipinatawag si Chito S. Roño para magdirek ng obra at ipinatawag din sina Rody Vera at Gary Granada para sumulat ng musika at liriko ng mga ito.
Excited na excited naman si Dulce sa kanyang magandang papel at alam ba ninyo na malanding yaya ang karakter ni Julia Clarete sa pelikulang ito.
Nagagalingan si Tony Aguilar, isa sa mga may mahahalagang papel sa pelikula, kay Jhong Hilario at kay Sid Lucero na kasama sa panooring ito.
Itinataya ni Lupita ang kanyang kaalaman sa magandang pelikula sa pamamagitan ng “Emir.”
Star Patrol (for Saksi, June 7, 2010)
Boy Villasanta
Nora Aunor at Lupita Aquino-Kashiwahara, bagay magsama muli
HINDI nga ba’t lumikha ng kasaysayan ang pagsasama sa pelikula at telebisyon nina Nora Aunor at Lupita Concio?
Nang gawin nila ang halaw sa Philippine Educational Theater Association o PETA o ang PETA ang humalaw sa “Minsa’y Isang Gamu-Gamo,” talagang naiba ang kasaysayan ng kultura sa Pilipinas sa panahon ng Martial Law.
Naging palaban si Nora at si Lupita.
Sino nga ban si Lupita Concio?
Si Lupita Concio ay kapatid ni Benigno Aquino, Jr., ang tatay nina Kris Aquino at Benigno Simeon Aquino III.
Noong ginawa nina Lupita at Nora ang “Minsa’y Isang Gamu-Gamo,” si Cesar Concio pa ang asawa ng direktora.
Pagkatapos ay naghiwalay nang pormal at legal sina Aling Lupita at Mang Cesar.
Pagkuwan ay si Charo Santos naman ang napangasawa ni Mang Cesar kaya Charo Santos-Concio siya ngayon.
***
Kahit na kung saan-saan pumupunta ang diskusyon natin ay mahahalaga ang mga detalyeng ito sa pag-uulat.
Hanggang sa naiba ang personal na kasaysayan ni Lupita.
Nakapag-asawa siya ng isang Hapones kaya ang pangalan na niya nang magbalik siya sa Pilipinas ay Lupita Aquino-Kashiwahara.
Naidirek muli ni Lupita si Nora nang magbalik siya sa Pilipinas sa pamamagitan ng “Babae” na mula rin sa Premiere Productions at mula noon ay naging aktibo na si Aquino-Kashiwahara sa maintriga ring larangan ng pulitika sa bansa.
Kaya nga kung magbabalik si Guy sa Pilipinas ay mas maigeng gumawa muli sila ni Lupita ng pelikula.
Bagay na bagay pa rin sila bilang tambalan sa malikhaing sining ng showbiz.
***
Si Lupita ngayon ang madalas kasa-kasama ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at makasaysayan nang magtungo sila sa Kingdom of Bahrain mga ilang taon na ang nakakaraan.
Binigyan sina Aquino-Kashiwahara at Macapagal-Arroyo ng isang masaganang tanghalian ng hari ng Bahrain.
Sa mga sandaling ito ay nagulat at napatda sina Gloria at Lupita sa nakita at narinig nilang pagsasalita ng anak na lalaki ng hari.
Ito ay dahil matatas sa Filipino at Ilocano ang bagets samantalang purung-puro namang Arabo ito.
Napag-alaman nina Lupita at Gloria na ang yaya at nagpalaki sa bata ay isang Filipina.
Kaya noon din ay nakaisip ang dalawang kinatawan ng Pilipinas na bakit hindi gawan ng pelikula ang tagpong ito.
Kaya nga naglabas si PGMA ng halagang humigit-kumulang sa P50 milyon para sa produksyon ng “Emir” na pinagbibidahan ni Frencheska Farr na siyang nagwagi sa “Who Will Be the Next Big Star?” ng GMA Network.
Tamang-tama na ang pagsasanib ng kulturang Arabo at Filipino ang ipinamamarali ng obra at ang pagmamalaki sa mga Overseas Filipino Workers.
***
Samantala, alam ba ninyo na nagkamali ang patnugot ng mga pahinang binabasa ninyo na si Art Tapalla sa paglalabas n gaming pitak.
Dapat ay ngayong araw na ito pa lalabas ang kolum na nabasa ninyo kahapon pero ayon nga kay Art, sa dami ng kanyang iniisip, nagkabaligtad ang labas ng mga kolum kaya ngayon ay naglabas kami ng mas bago at sariwang ulat.
Pero si PGMA pa rin ang panauhing pandangal mamaya sa premiere night ng “Emir” sa Cinema 9 ng SM Megamall na mula sa Film Development Council of the Philippines at Cultural Center of the Philippines.
***
Ipinagmamalaki ni Lupita na ang “Emir” ay malaking pelikula na yayanig sa showbiz at sa bansa sa mga pagkakataong ito.
Agad na ipinatawag si Chito S. Roño para magdirek ng obra at ipinatawag din sina Rody Vera at Gary Granada para sumulat ng musika at liriko ng mga ito.
Excited na excited naman si Dulce sa kanyang magandang papel at alam ba ninyo na malanding yaya ang karakter ni Julia Clarete sa pelikulang ito.
Nagagalingan si Tony Aguilar, isa sa mga may mahahalagang papel sa pelikula, kay Jhong Hilario at kay Sid Lucero na kasama sa panooring ito.
Itinataya ni Lupita ang kanyang kaalaman sa magandang pelikula sa pamamagitan ng “Emir.”
No comments:
Post a Comment