Wednesday, June 9, 2010

Gaano karapat-dapat sina Boy Abunda at Dingdong Dantes sa gobyerno?


NAKAKATAWA ang mga taong nagsasabi na kailangang mag-aral muna ang mga artista bago mabigyan ng puwesto sa serbisyo publiko o kaya ay maglingkod sa pamahalaan.

Isa si Fr. Oscar Cruz sa mga ito.

Oo nga’t kailangan talagang mag-aral pero ang sapat na pagmamahal at pagkalinga sa mamamayan ay malalaking katangian para magtagumpay ang isang lingkod-bayan.

Sinabi pa ni Fr. Cruz na mabuti at nagbabalik-eskuwela si Ai Ai de la Alas para sa preparasyon sa kanyang pagsabak sa pulitika sa 2013.

Pero napakasimplistiko at napakababaw na bastat nag-aral ay magiging mabuti nang tagapaglingkod dahil ang edukasyon ay hindi naman sapat na batayan ng magandang liderato.

Tingnan ang napakaraming nagtapos ng kolehiyo na mga taga-showbiz na nasa gobyerno at masasabing hindi naman talaga naakapag-ambag para tumimo ang ating buhay.

O marahil ay proseso lang ito ng kasaysayan?

Pero ang kasaysayan ay tayong mga mamamayan, kabilang ang mga pulitiko, ang gumagawa.

***

Ngayong may balitang gagawing kalihim ng Kagawaran ng Turismo si Boy Abunda, maraming mga komentaryo, pabor at hindi pabor sa balakin ng sinumang nakaisip na iluklok siya sa puwesto, si Benigno Simeon C. Aquino III man siya o mga galamay niya.

Wala namang masama kung si Boy ay hiranging sekretaryo ng Department of Tourism dahil marami siyang alam at may kredentisyal siya gabineteng ito.

Gayunman, may paghamon na puwedeng ihain kay Abunda o kung sinuman na mauupo sa puwestong ito at ito ay ang paghawan sa mas malawak na ibig sabihin ng turismo.

Tradisyunal at kinamulatan nang pawang kawili-wili at kaiga-igaya ang mga tanawin na ipapamarali o ibebenta ng turismo na talagang karapat-dapat lamang.

Pero ang hamon ay ang paghahain ng mga pangit na tanawin sa bansa pero nakunan at isinalin sa makabuluhan at magandang sining.

Ang halimbawa ay ang mga pelikula ni Brillante Mendoza na tumatalakay sa kahirapan sa lipunang Filipino at pagpapakita ng katotohanan sa bansa at lipunang Filipino na idinaan sa sining na nagwawagi, pinupuri at pinararangalan sa ibang bansa.

Napakahalaga na itaguyod ng turismo ang mga larawang ito ng Pilipinas upang ipakita ang talento ng mga Filipino sa sining na isa sa mga susi ng makabuluhang turismo.

Mula sa ganitong mga larawan ay maiimbestigahan ang ugat ng pangit na mga katotohanan na ginagad ng sining.

Kaya bang gawin ito ni Abunda para sa higit na nakararaming Filipino at hindi lang para paligayahin ang kanyang mga boss o mga amo o pangkaraniwang konsepto ng turismo?

***

Malakas din ang bulung-bulungan na si Dingdong Dantes ay kunin o italaga bilang tagapangulo ng National Youth Commision.

Maganda rin ang layuning ito dahil maraming mga tagahanga si Dingdong na sumusunod sa kanyang mga halimbawa at modelo.

Karaniwan nang mga palaro o mga gawaing sibiko o party ang itinotoka sa isang kabataan na ang simulain ay paunlarin ang buhay ng mga nasa kanyang hanay.

Pero kaya ba ni Dingdong na umalsa sa higit pang adhika na makapaglingkod sa higit na nakararaming kabataan lalo na sa hanay ng mahihirap at ito ay ang paghahain sa mga ito o sa publiko ng mga proyekto na magmumulat sa tunay na katuturan o kabukuhan ng pagiging tin-edyer o kabataan sa pag-unlad ng isang bansa?

Ang isang halimbawa nito ay ang pagdaragdag ng kaibang kamalayan ng love story o teen life sa mga soap opera ni Dingdong o sa kanyang mga pelikua na madalas lang ay pagpapakiliti sa romansa o pag-iwas sa mas mahahalagang responsibilidad sa lipunan o sa pagiging escapist ng mga ito.

Star Patrol (for Saksi, June 9, 2010)

Boy Villasanta

Ang mga hamon sa posibleng pagsabak nina Boy Abunda at Dingdong Dantes sa serbisyo publiko

WALANG masama kung ang mga taga-showbiz ay magiging mga tauhan sa gobyerno dahil ang sistema ng pamahalaan ay sistema rin ng showbiz.

Paglilingkod rin sa kapwa o sa lipunan ang isa sa mga layunin ng showbiz tulad rin ng sa gobyerno.

Ang mga TV show at pelikula o kaya ay record album ay para maging repleksyon ng buhay sa ating lipunan at ito ang una at huling layunin ng showbiz dahil ikalawa lang dapat at sana ang pagtubo bilang negosyo.

Pero kabaligtaran nga ang nagaganap sa pamahalaan at sa showbiz.

Pagkita lang ng mga pulitiko sa kanilang puwesto ang nangyayari sa pamamagitan ng mga kontrata o padulas sa pag-apruba sa mga programa subalit hindi naibabahagi ang mga kinita nang pantay at patas sa taumbayan kundi naibubulsa lang ng mga nasa poder o kaya ay mag-ambon lang ng katiting sa mga proyekto na pang-agrikultura, kultura, sibiko, panlipunan o anumang pampalubag-loob.

Hindi talaga naipapatupad ang tunay na paglilingkod-bayan kundi pansarili lang.

Tulad rin sa showbiz na hindi naman nagpapakita ng katotohanan ng lipunan at kung paano masosolusyunan ang mga problemang ito na inihahain ng mga TV show at pelikula kung sakali man, ang napapanood natin sa telebisyon o pelikula kundi pampalimot lang sa mga suliranin at hindi para kumprontahin at lutasin ang ugat ng mga problema.

Dahil edukasyon at impormasyon din ang ibig sabihin ng showbiz at hindi lang pagtubo sa negosyo.

***

Ito ang maaaring hamon kina Boy Abunda at Dingdong Dantes na nababalitang itatalaga sa mga posisyon sa pamahalaan ng Pilipinas.

Si Boy ay sinasabing ilalagay bilang sekretaryo ng Department of Tourism.

At si Dingdong naman ay nababalitang ilalagay bilang tagapangulo ng National Youth Commission.

Magagandang pangitain ito mula sa hanay ng mga taga-showbiz na

minamaliit o pinagdududahan ang kakayahan na makapamalakad sa mga tanggapang pangmadla.

Kahit nga ang kritikal na si Fr. Oscar Cruz ay nagsabing “hit the books first…” para sa mga artista bago sumabak sa pulitika.

Sinabi niyang si Ai Ai de las Alas ay nais magtapos ng kanyang pag-aaral bago tumugpa sa pulitika sa 2013.

Pero nagpapahaging si Fr. Cruz na walang nagagawa ang mga taga-showbiz pag naluklok na sa kapangyarihan pero ito ay isang malaking kasinungalingan dahil marami ring taga-showbiz na malaki ang partisipasyon sa pagbabago sa lipunan tulad ng ilang mga progresibong nagtatrabaho sa National Commission for Culture and the Arts at kahit sa Cultural Center of the Philippines na mga taga-showbiz din pero nag-iisip at nag-iimplentar ng mga makabuluhang pagbabago sa lipunan.

***

Kahit sina Boy at Dingdong ay may karapatan ding ipakita ang kanilang birtud sa pamamahala kung tatanggapin ang mga alok sa kanila.

Pero may mga hamon na kailangang harapin at pagsumikapang matupad nina Boy at Dingdong.

Ang paghamon na puwedeng ihain kay Abunda o kung sinuman na mauupo sa puwestong ito at ito ay ang paghawan sa mas malawak na ibig sabihin ng turismo.

Tradisyunal at kinamulatan nang pawang kawili-wili at kaiga-igaya ang mga tanawin na ipapamarali o ibebenta ng turismo na talagang karapat-dapat lamang.

Pero ang hamon ay ang paghahain ng mga pangit na tanawin sa bansa pero nakunan at isinalin sa makabuluhan at magandang sining.

Ang halimbawa ay ang mga pelikula ni Brillante Mendoza na tumatalakay sa kahirapan sa lipunang Filipino at pagpapakita ng katotohanan sa bansa at lipunang Filipino na idinaan sa sining na nagwawagi, pinupuri at pinararangalan sa ibang bansa.

Napakahalaga na itaguyod ng turismo ang mga larawang ito ng Pilipinas upang ipakita ang talento ng mga Filipino sa sining na isa sa mga susi ng makabuluhang turismo.

Mula sa ganitong mga larawan ay maiimbestigahan ang ugat ng pangit na mga katotohanan na ginagad ng sining.

Kaya bang gawin ito ni Abunda para sa higit na nakararaming Filipino at hindi lang para paligayahin ang kanyang mga boss o mga amo o pangkaraniwang konsepto ng turismo?

***

Maganda rin ang layunin na pamunuan ni Dante sang NYC dahil maraming mga tagahanga ang aktor na sumusunod sa kanyang mga halimbawa at modelo.

Karaniwan nang mga palaro o mga gawaing sibiko o party ang itinotoka sa isang kabataan na ang simulain ay paunlarin ang buhay ng mga nasa kanyang hanay.

Pero kaya ba ni Dingdong na umalsa sa higit pang adhika na makapaglingkod sa higit na nakararaming kabataan lalo na sa hanay ng mahihirap at ito ay ang paghahain sa mga ito o sa publiko ng mga proyekto na magmumulat sa tunay na katuturan o kabukuhan ng pagiging tin-edyer o kabataan sa pag-unlad ng isang bansa?

Ang isang halimbawa nito ay ang pagdaragdag ng kaibang kamalayan ng love story o teen life sa mga soap opera ni Dingdong o sa kanyang mga pelikua na madalas lang ay pagpapakiliti sa romansa o pag-iwas sa mas mahahalagang responsibilidad sa lipunan o sa pagiging escapist ng mga ito.

No comments:

Post a Comment