SA kauna-unahang pagkakataon, pagkatapos niyang maoperahan noong 2008, nag-order ang peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas ng beer in can sa cocktails ng awards night ng ika-6 na Cinemalaya Independent Film Festival sa Main Theater ng Cultural Center of the Philippines noong Linggo.
Inamin ni Dennis na naunsiyami siya sa kawalan ng parangal na natanggap ng pelikulang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” ni Mario O’Hara na inilahok ng direktor sa Cinemalaya 2010.
“For the first time, ngayon lang uli ako maglalasing. Hindi ko matanggap na wala man lang nakuhang award ang pelikula,” pahayag ni Adobas habang binubuksan ang lata ng serbesa sa harap namin nina Ibarra Mateo at Art Tapalla, dalawa sa peryodistang pampelikulang nanood ng gabi ng parangal.
Inaasahan ni Dennis na mananalo ang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” kahit na Best Film o Best Director pero natapos at natapos ang awards night ay bokya ang obra ni Mario.
“Anong nangyari? Mario O’Hara ‘yan pero kahit isang award, wala. Sobra naman,” reklamo ni Adobas.
Kahit nga ang peryodistang pampelikulang si Will Proviño ay umasa na mananalo ang pelikula ni O’Hara bago ang awards night.
“Malaki ang pag-asa ng ‘Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio.’ Ibang klase siyang pelikula,” pahayag ni Will.
Pati na ang propesora at manunulat na si Aurora Yumol ay namag-asa na ang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” ang mananalong Best Film.
Ito ay pagkatapos na ipahayag ang mga nauna nang kategorya sa Directors Showcase ng Cinemalaya 2010 kung saan nakapasok ang lahok.
“Sa ‘Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio’ na ‘yan,” wika ni Aurora nang ibigay na sa “Two Funerals” ang Special Jury Award at ilan pang teknikal na parangal.
Gayundin, naparangalan na ang “Donor” bilang pinagkunan ng Best Actress (Meryll Soriano), Best Actor (Baron Geisler), Best Supporting Actress (Carla Pambid), Best Production Design samantalang naihatag na rin ang Best Editing sa “Pink Halo-Halo” at Best Screenplay kay Eric Ramos para sa “Two Funerals.”
Kaya nadismaya rin sina Will at Yumol.
Malaki ang paniniwala ni Dennis sa kahusayan ng pelikula hindi lang dahil kasama siya sa paggawa nito kundi naniniwala siya sa birtud ng obra.
“This is unbelievable,” panaghoy ni Adobas.
Bukas ay ilalahad namin sa inyo ang mga dahilan ng dalawang hurado sa awards night ng kawalan ng award ng “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio.”
No comments:
Post a Comment