Wednesday, April 21, 2010

Batambatang nabuntisan ng kamamatay na 76-year old na si Palito, nakakabawi na

TULUYAN nang hindi nakapasok sa Loyola Memorial Chapels sa Guadalupe sa Makati City ang batambatang kalaguyo ni Palito nang huling araw ng lamay sa komedyante.

Naghihimutok si Cecille Cinco, trenta y tres anyos na dalaga na taga-Tacloban City sa Leyte dahil sa hindi siya pinayagan talaga ng pamilya ni Palito na makita ang mga labi ng kanyang mahal.

Nag-live in nang pitong taon sina Cecille at Palito at biniyayaan sila ng mag-aapat na anak.

Tatlo ngayong mga babaing bata ang anak ng dalawa na sina Rachelle, 6; Rey-Ann, 5 at Rhian, 2.

Anim na buwan naman ang dinadala ni Cecille sa kanyang sinapupunan na ginawa nila ni Palito nang wala pang grabeng sakit ang komiko.

***

Nang maghintay si Cecille sa labas ng Loyola, luha lang ang kanyang kapiling habang nagpapalahaw sa iyak si Rachelle sa loob ng punerarya.

Nakipag-usap naman nang masinsinan ang isa sa mga anak na lalaki ni Palito, Reynaldo Hipolito sa tunay na buhay, na si Jhune kay Cecille.

Ngayon ani Alma Cinco, kapatid na bunso ni Cecille, okey na ang kanyang kaputol ng pusod.

“Mabuti na po ang pakiramdam ni Ate Cecille. Nakakapagsalita na siya nang mahusay,” pahayag ni Alma.

“Nakakabawi na siya pero talagang malungkot na malungkot siya nang mamatay si Kuya Palito,” pagtatapat ni Alma.

***

Matagal sa isang tindahan sa may labas ng Loyola si Cecille na nag-anbatay sa kanyang tatlong anak.

Nang makalabas ang mga bata, dumiretso na sila sa Pook Maligaya, ang kinatitirikan ng kanilang bahay na pinag-live-in-nan nila ni Palito nang pitong taon.

“Okey na rin sa kanya na ang mga bata na lang ang nakakita sa kanilang ama,” sabi ni Alma.

“Kasi, baka nga magkagulo pa sa Loyola, e, marami pang mag-iskandalo,” sabi ni Alma.

***

Natutulog nang mahimbing sa silid ng punerarya ang tunay at unang asawa ni Palito na si Remedios Hipolito.

Matagal na nakahimlay si Aling Remedios kaya wala siyang kamalay-malay na nandoon ang mga anak na paslit ni Palito.

Nagkakila-kilala naman ang kanyang mga anak na sina Jhune, Arvin, Ardy at Arlene at ang mga batang wala pang muwang.

Tanggap na tanggap naman nila ang anak ng kanilang ama sa batambatang si Cecille.

Si Kent Ramirez nga na isang musikero at miyembro ng banda ay anak din ni Palito sa ibang babae pero kapisan ito nina Jhune, Arvin at Remedios sa Malagasang 2 sa Imus, Cavite.

***

Ang iniintindi na lang ngayon ni Cecille ay ang pagkuha ng pamasahe nilang mag-iina.

Babalik na lang anya siya sa Tacloban at doon ay magsisimula ng bagong buhay.

Sana nga anya ay makatulong sa kanya si Vicky Morales, ang host ng public affairs show na “Wish Ko Lang” ng GMA Network.

Si Vicky rin at ang pangasiwaan ng Channel 7 ang gumastos sa burol at pagki-cremate kay Palito.

Nananalangin din si Cinco na maawa sa kanya ang iba pang may ginintuang puso para maipagpatuloy nila ang kanilang buhay na mag-iina sa malayong lalawigan na tahimik at walang iistorbo sa kanila.

Star Patrol (for Saksi, April 21, 2010)

Boy Villasanta

33-year old na nabuntisan ng kamamatay lang na 76-year na si Palito, nais nang umuwi sa Leyte

HINDI na nga ipagtatanong pa ang tindi at tinik ng tinaguriang dakilang bangkay ng showbiz na si Palito.

Kamakailan ay talagang ginampanan na niya ang tunay na papel ng isang patay sa tunay na buhay nang siya ay kitlan ng hininga ng Panginoong Diyos nang dahil sa malubhang sakit sa baga.

Namatay si Palito sa gulang na pitumpu’t anim at ang kanyang kalaguyo na si Cecille Cinco ay tatlumpu’t tatlong taong gulang naman.

Pitong taon ding nagsama sa ilalim ng isang bubong si Palito at si Cecille at biniyayaan sila ng mag-aapat na anak.

Anim na taon ang edad ng panganay nina Palito at Cecille na si Rachelle samantalang limang taong gulang ang pangalawa, si Rey-Ann at dos anyos naman ang pangatlo na si Rhian.

Kagampan naman si Cecille ngayong mga araw na ito at anim na buwan din ang kanyang tiyan.

***

Ayon sa kapatid na bunso ni Cecille na si Alma Cinco, nakakabawi na an kanyang kapatid.

“Okey na po siya. Nakakapagsalita na siya,” pahayag ni Cecille.

Ito ay hindi katulad noong kamamatay lang ni Palito at nakahimlay ang mga labi nito sa Loyola Memorial Chapels sa Guadalupe sa Makati City.

Talagang nagpupuyos sa sama ng loob si Cecille dahil may parating na balita sa kanya na hindi siya puwedeng dumalaw sa burol ng kanyang mahal na si Palito, Reynaldo Hipolito sa tunay na buhay.

“Sana naman, kahit na ‘yong mga anak man lang namin, makadalaw,” pakiusap ni Cecille.

Pero talagang ayaw pumayag ng mga Hipolito.

Ayon sa isa sa mga tunay na anak ni Palito, nagalit ang mga Hipolito kay Cecille dahil sa pagti-text nito sa kanila ng masasamang salita.

Pero nagpaliwanag na si Alma tungkol dito.

Para sa amin, hindi rin magagawa ni Cecille ang ibinibintang sa kanya dahil wala naman itong cellphone at mabait naman siyang tao.

Ang pinaghihinalaan ngayon ay ang mga pareho ring mga impostor at impostora nina Kris Aquino, Jericho Rosales, Robin Padilla at John Prats na nagsabi sa text na tutulong sila sa pagpapagamot ni Palito pero hindi naman totoo.

***

Nang payagan na ang mga anak nina Palito at Cecille na makabisita sa lamay ay naiwan sa labas ng Loyola ang kanilang nila.

Naghintay lang sa isang tindahan na may bubungan si Cecille at tumatangis lang siya nang marubdob at tahimik sa kanyang loob.

Walang kamalay-malay ang mga taong nagdaraan sa labas ng Loyola na ang babaing malungkot ay ang kalaguyo ni Palito.

Sa loob ng punerarya ay nagpalahaw sa iyak si Rachelle, ang malapit na malapit kay Palito samantalang lumuluha rin si Rey-Ann pero hindi malakas at si Rhian ay nakatingin lang sa bangkay ng kanyang ama.

Si Jhune ang nakipag-usap nang masinsinan kay Cecille sa labas ng punerarya at naintindihan naman ng babae ang sitwasyon.

***

Naghahanda na si Cecille para makalikom ng kanilang pamasaheng mag-iina pabalik ng Tacloban City sa Leyte.

Ang maganda nito ay tumutulong sa kanila ang kanyang bunsong kapatid na si Alma.

Si Alma nga ang isa sa mga daan para matuloy ang pagdalaw ng mga paslit na anak ni Palito sa punerarya.

Si Alma rin ang tinutuluyan ng mag-iina nang hindi na makabayad si Cecille sa entresuwelong kanilang inuupahan ni Palito.

“Sana naman ay matulungan ni Vicky Morales ang Ate Cecille ko at ang mga anak niya. Kasi, walang-wala talaga sila. Paano sila makakauwi sa Tacloban ay wala man lang silang pamasahe?

“Sana, maawa ang ‘Wish Ko Lang’ at bigyan sila ng pamasahe. Kasi, nais nang mamuhay nang tahimik ng kapatid ko,” pahayag pa ni Alma na pursigido na magmakaawa sa mga may ginintuang puso na bigyan ng suporta nag kanyang kaputol ng pusod.

No comments:

Post a Comment