IBA ang kanyang pangalan, ang baybay, ang tunog, ang dating.
Frencheska Farr.
Imagine, iba ang pangalan niya, Frencheska.
Hindi Francesca na tunog-Pranses o Italian kundi may pagka-French ang spelling—Frencheska?
O, laban ka?
Tapos, Cheska naman ang huling dalawang pantig na parang Arabo o Hindu o bastat simpleng pa-bagets lang na parang pangalan ni Cheska Diaz o Cheska Iñigo, ang isa sa mga naging artista ng Viva Entertainment noong 1980s at 1990s.
Sino nga ba si Frencheska Farr at bakit nagtiwala agad ang Film Development Council of the Philippines at Cultural Center of the Philippines na pagbidahin agad siya sa isang pelikula?
***
Si Frencheska Farr ang nanalong kampeyon sa “Who Will Be the Next Big Star?” ng GMA Network na hindi pa natatagalan.
Mataginting kasi ang boses ni Frencheska at naiiba ang kanyang dating kaya naman siya ay nagwagi at ngayon ay napili ni Chito Roño para maging bida at gampanan ang papel ni Amelia, isang taga-Ilocos na namasukan sa palasyo ng isang Sheik sa Middle East bilang caregiver ng asawang buntis ng mayamang Arabo.
Hanggang magsilang ng anak ang asawa ng Sheik na pinangalanang Ahmed ang sanggol hanggang magbinata ay si Amelia ang nag-alaga.
Kaya natutong magsalita ng Ilocano at Tagalog si Ahmed at natutunan ang maraming kulturang Filipino sa kanyang pakikipamuhay sa pag-aalaga ng Overseas Filipino Worker.
***
Napakaganda ng pakita o trailer ng “Emir” na isang musical na ang pitumpung porsyento ay kinunan sa Morocco.
Nagpunta sa bansang ‘yon si Frencheska kasama sina Chito, Sid Lucero, Dulce, Beverly Salviejo, Julia Clarete, Kalila Aguilos, Liesl Batucan at Melanie Dujunco at ginawa ang maraming eksena.
Ang kailangan ni Roño ay mga artistang bukod sa nakakanta ay nakakaarte kaya naman hindi siya naghirap kina Dulce.
Bigay-todo sina Dulce lalo na si Dulce mismo dahil matagal na siya sa showbiz.
May tagpo pa nga na magsasayaw habang kumakanta sina Farr, Dulce, Beverly, Julia, Kalila, Liesl at Melanie at sa tulong ng choreographer na si Douglas Nierras at lalo pang lumutang ang kahusayan ng mga alagad ng sining na ito.
***
Ayon kay Vangie Labalan nang kanyang ipagdiwang ang kamatayan ng kanyang namayapang mister, siya ang nag-coach sa pag-arte kay Frencheska.
“Mahusay ‘yong bata. Napaka-mestisa niya sa personal pero eksotika siya sa screen,” pagpuna ni Vangie na hangang-hanga sa proyektong ito ng FDCP at CCP.
Si Labalan din ang nagturo ng pag-arte sa dalawang batang gumanap na Ahmed, sa edad na 7 at 12, kina Joshua Elias Price Hourani at Mahdi Yadzian Varjani, respectively.
“Mahuhusay rin silang dalawang bata,” papuri pa ni Labalan na beteranang tagapagturo sa mga baguhan.
***
Kasama pala sa “Emir” si Antonio Vidal Aguilar, kilala rin sa tawag na Tony Aguilar, isang bihasang production designer, direktor sa pelikula at tanghalan at short filmmaker.
“I have a cameo role in the film. Kailangang bantayan ninyo nang mabilis na mabilis,” pahayag ni Tony.
Aktibo si Aguilar ngayon sa maraming TV show kabilang ang “Ina, Kasusuklaman Ba Kita?” ng GMA Network at “Pidol’s Wonderland” ng TV5.
Palabas bukas, Linggo, ika-23 ng Mayo ang “Pidol’s Wonderland” ni Dolphy kung saan kaaway ni Matet de Leon si Antonio sa mga eksena.
“Nag-method acting ako, kafatid,” pahayag ni Tony na mabuti naman at aktibung-aktibo ngayon sa kanyang showbiz career.
Matagal ding walang ginawa ni Aguilar kaya natutuwa kaming abala na naman siya.
Good luck, Tony!
Star Patrol (for Saksi, May 22, 2010)
Boy Villasanta
Champion sa “Who Will Be the Next Big Star?” ng GMA Network, bida sa musical ni Chito Roño; Tony Aguilar, makikipagsabunutan kay Matet de Leon
NAGING lagusan ng kanyang tinig at tulay sa kanyang karera sa showbiz ang “Who Will Be the Next Big Star?” ng GMA Network kaya nang manalo bilang tsampyon ng programa, marami na ang naghihintay na mga pinto ng magagandang kapalaran kay Frencheska Farr.
Frencheska Farr?
Kaibang pangalan.
Hindi naman siyento porsyentong dayuhan pero kaiba at tunog-kolonyal ang kanyang pangalan, pinaghalong pa-French, pa-Arab at pa-Italian ang Filipinang ito na hinangaan sa kanyang pagkanta at pagporma sa “Who Will Be the Next Big Star?” na hi-nost noon ni Regine Velasquez.
Ngayon ay bida na si Frencheska.
Bida at wala nang iba.
Ang laki at higanteng pelikula pa ang kanyang ikinakasa, ang “Emir” ng Film Development Council of the Philippines at Cultural Center of the Philippines.
***
Hindi babaguhin ang screen name o tunay na pangalan ni Frencheska kesehodang magkandapili-pilipit ang pagbigkas ng mga tao sa kanyang pangalan.
Nagtataka nga si Vangie Labalan, isang respetadong character actress na nagbigay ng acting workshop kay Frencheska.
“Nakakapagtaka. Filipina naman si Frencheska pero mestisa siya sa personal pero pag pinanood mo ang ‘Emir,’ exotic na exotic siya. Parang hindi siya ang artista,” sabi ni Vangie na namamangha.
Pati si Antonio Vidal Aguilar, kilala rin sa tawag na Tony Aguilar, isang premyadong short filmmaker, production designer at direktor, ay namangha at bumilib kay Farr.
Iba rin ang apelyido ng batang ito, Farr, parang galing sa Italy o sa isang European na bansa.
Ayon kay Antonio, napakaganda ni Frencheska at sana ay magklik sa kanyang kauna-unahang pagbibida.
“Ethnic ang beauty ni Frencheska. Iba pa ang tunog ng name,” namamangha ring pahayag ni Aguilar.
***
Napapag-usapan na rin lang si Tony.
Alam ba ninyo na pagkatapos ng maraming taon ay nagbabalik siya sa pag-arte sa pelikula at telebisyon?
Pag-arte naman talaga ang kinamulatan niya nang siya ay magsimula sa Philippine Educational Theater Association o PETA.
Kasabay niya ang mahuhusay na direktor, manunulat at bituin ng PETA na sina Joel Lamangan, Maryo J. de los Reyes, Soxie Topacio, Evelyn Vargas, Khryss Adalla at marami pang iba kaya naman iba ang kamalayan ng alagad ng sining na ito.
Siya man ay naging kontrobersyal din nang makaladkad ang kanyang pangalan sa umano’y pakikipagromansa kay Rio Locsin nang hawakan niya ang aktres sa stage play na “Ready Na Ako, Direk” na itinanghal sa Philamlife Auditorium noon.
May maikling partisipasyon si Aguilar sa “Emir” at puring-puri niya si Frencheska at ang lahat ng bumubuo ng obra.
Kasama niya sa isang eksena ang mahusay at premyado ring scriptwriter na si Racquel Villavicencio.
***
At huwag isnabin dahil artista na rin sa telebisyon si Tony.
“Nagsimula ang reactivation ng acting career ko sa ‘Emir.’ Mula noon, ang dami nang kumukuha sa akin,” sabi ni Aguilar.
Bukas ng gabi, sa ganap na alas sais y medya ay mapapanood siya sa “Pidol’s Wonderland” na pinagbibidahan ni Dolphy sa TV5.
Kaaway ni Matet de Leon ang papel na ginagampanan ni Tony.
“Nag-method acting ako, kafatid,” pahayag ni Tony at alam niyang sa pagkabeterana na ni Matet sa pag-arte ay alam na nitong sayawan at sakyan ang atake ng aktor sa harap ng kamera.
Lumabas din si Tony sa “Ina, Kasusuklaman Ba Kita?” ng GMA Network.
***
Samantala, bilib na bilib si Vangie sa pag-arte ni Farr at ng dalawang baguhang batang aktor na gumaganap na Ahmed, ang batang inalagaan ng yayang si Amelia na mula sa Ilocos, bilang pito at labindalawang taong gulang na Ahmed, sina Joshua Elias Price Hourani at Mahdi Yadzian Varjani, respectively.
“Magagaling ang dalawang bata. We had three weeks of acting workshop,” pahayag ni Labalan na nagdiwang ng araw ng kamatayan ng kanyang mister kamakailan sa kanyang kubo sa may Samar Avenue, malapit sa ABS-CBN.
“Si Frencheska, mestisang-mestisa siya sa personal pero exotic siya sa screen,” sabi ni Labalan.
Kaya nga gulat na gulat sina Tony at Vangie sa transpormasyon ng bituin mula sa tunay na buhay tungo sa pinilakang tabing.
***
Hindi madali ang pagpili sa mga artista ng “Emir” dahil napakaselan ng pangangailangan ni Chito Roño sa kanyang mga pagagalawin sa harap ng kamera.
Para sa bihasang alagad ng sining, ang kanyang mga artista bukod sa marunong umarte ay kailangang magaling ding kumanta.
At ang mga aktor at aktres ay hindi matatawaran ang talento kabilang sina Dulce, Jhong Hilario, Julia Clarete, Kalila Aguilos, Beverly Salviejo, Sid Lucero, Liesl Batucan, Melanie Dujunco, Gigi Escalante at marami pang iba.
Inspirado si Douglas Nierras na magturo ng sayaw at pagkilos sa harap ng kamera sa mga yaya na ginagampanan nina Dulce, Julia, Kalila, Beverly, Liesl, Melanie at Frencheska.
Alam na naman ninyo si Dulce at ang kanyang kakayahan sa pag-arte at pagkanta.
Idagdag pa ang mga kabataang talento sa katauhan nina Julia, Kalila, Liesl at Melanie, aba’y para tayong tumama sa sweepstakes.
***
Ang “Emir” ay kuwento ni Amelia na taga-Ilocos na nagtungo sa Middle East para maging Overseas Filipino Worker nang maging tagapag-alaga siya sa buntis na asawa ng Sheik.
Nang manganak ang misis ng Sheik ay siya rin ang yaya ng bata na si Ahmed hanggang sa ito ay magbinata.
Maraming yaya sa loob ng palasyo at si Dulce ang mayordoma samantalang tauhan si Farr.
Sa pagsasama nina Amelia at Ahmed ay maraming natutunan ang huli sa mga kulturang Filipino kabilang ang mga lengguwahe ng Tagalog at Ilocano na natutunan ng Arabo kaya naman nagtataka ang mga kaanak ng dugong-bughaw na tin-edyer kung bakit ang daming alam na mga kulturang Pinoy ng anak ng Sheik na malaki ang papel na ginampanan ni Amelia.
Ang pitumpung porsyento ng pelikula ay kinunan sa Morocco dahil mas madali at mas bukas ang bansang ito sa pagsu-shooting na wala nang marami pang rekotitos na mga kaekekan gaya ng permiso at paggamit ng mahahalagang bagay sa paligid na hindi makakasakit sa sensibilidad ng mga katutubo sa Saudi Arabia.
No comments:
Post a Comment