Saturday, May 29, 2010

Vilma Santos, gulat na gulat sa balitang tuluyan nang nawalan ng boses si Nora Aunor


HANGGANG ngayon talaga ay hindi maihihiwalay sina Nora Aunor at Vilma Santos sa isa’t isa.

Napuna nga ng masugid na Vilmanian na si Willie Fernandez na palagi anyang pag sinusulat namin si Vilma ay laging kakabit si Nora.

“Gano’n talaga ‘yon,” paliwanag namin kay Willie.

“Hanggang nand’yan si Vilma ay nand’yan si Nora at vice-versa,” pahayag pa namin.

“Kasi nga ay simbolo sila ng proseso ng kasaysayan ng lipunang Filipino,” dagdag pa namin.

Kasaysayan ng lipunang Filipino?

Sobra naman yata ‘yon, marahil ay maitatanong ninyo, samantalang mga artista lang ang mga ‘yan o kung nagpupulitika man ay nasa probinsiya si Santos at natalo naman sa Camarines Sur si Aunor.

Aba, mga kaibigan, huwag lalang-langin ang mga artista dahil may mga representasyon sila sa lipunang ito, may pangalan man o wala.

***

Ito ngang balitang tuluyan nang nawalan ng boses sa pagkanta si Guy ay nakagulantang kay Vi.

Sa pagdiriwang ng victory party ni Santos-Recto sa Lalawigan ng Batangas ay usap-usapan ang pagkawala ng tinig ni Nora.

Sinabi ni Tess de Vera, isa sa mga aktibong Noranian na sila man ay nabigla sa balita.

“Nabalitaan din namin ‘yan. Kaya lang, hindi kami makapaniwala. Kasi, ang alam namin, pinayuhan na talaga si Ate Guy ng kanyang doktor na ipahinga ang kanyang boses dahil makakaapekto nga sa kanya.

“Pero nalaman naming itinuloy pa rin niya ang kanyang concert sa Canada kaya natuluyan siyangmawalan ng boses. Nakakalungkot nga po, e,” pahayag ni Tess na nagsabing huwag nang isama ang kanyang pangalan sa mga write up.

Pero hindi kami papayag.

Mahalaga siya bilang isang Noranian at ang kanyang papel ay isa sa maituturing na nagpapaandar sa buhay ni Nora kahit na ngayon lang pumapailanglang ang pakikisangkot ni Tess sa kapwa mga Noranian.

Lahat ng Noranian, anuman ang estado sa buhay at antas ng pakikisangkot sa buhay ni La Aunor ay napakahalaga sa kasaysayan.

***

Tulad rin ng mga Vilmanian na mahahalaga rin buhay ni Vilma.

Kahit nga sa pagdiriwang ni Santos ng kanyang pagiging gobernador muli ng Lalawigan ng Batangas ay nandoon at kapiling niya ang mga Vilmanian dahil ang mga ito ay mga mamamayan din ng Batangas kahit hindi sila tagaroon dahil ang nagluklok kay Vi ay ang kanyang personal na kasaysayan sa buhay kaya kasama rin doon ang mga Vilmanian.

Sinabi ni Vi na “hindi ako naniniwala sa balitang ‘yan na nawalan na ng boses si Nora.”

Kumareng buo ni Vilma si Nora at nalulungkot ang una sa mga nababalitaan kaugnay sa huli.

“Tsismis lang ‘yan. Walang katotohanan ‘yan. ‘Wag tayong ganyan kay Guy. Please, ipanalangin natin siya na hindi totoo ang balitang ‘yan,” pagdidiin pa ng aktres.

***

Pati na si Christopher de Leon, ang dating asawa ni Ate Guy ay napapailing nang makarating sa kanya ang balita.

“Ganon? Ano ang kaugnayan no’n sa pagpapaopera ni Nora. I don’t think so. I don’t believe so,” pagtatapat ni Christopher na nasa victory party rin ni Vi.

Nagwagi kasing bokal si de Leon sa Batangas kaya naman nakikiisa rin siya sa selebrasyon ng bituin.

Lalo namang hindi naniniwala si Tirso Cruz III sa ulat na ito dahil una na’y wala pa siyang nababalitaan tungkol dito.

“Ngayon ko lang nabalitaan ‘yan, a. Naku, maitanong nga. Nakakaintriga ‘yan, a. Mabuti at nasabi mo sa akin ‘yan,” sabi pa ni Tirso na matagal ding naging ka-loveteam at kasintahan ni Guy.

Star Patrol (for Saksi, May 29, 2010)

Boy Villasanta

Sa balitang tuluyan nang nawalan na ng boses si Nora Aunor, natigagal si Vilma Santos

NAGDIRIWANG si Vilma Santos, kilala rin sa tawag na Vilma Santos-Recto sa kanyang panananalo muli ng pagkagobernadora sa Lalawigan ng Batangas nitong nakaraang eleksyon.

Pati ang pagkapanalo ni Ralph Recto na kanyang esposo sa pagkasenador ay ipinagdiriwang din ng aktres.

Kaya nga noong Martes ay nagkaroon ng palatuntunan sa Kapitolyo ng Batangas sa Batangas City kung saan pinarangalan si Vi ng kanyang mga tagasuporta sa buhay kabilang sa showbiz at sa pulitika.

Ipinapalakpak ng mga Vilmanian—mga botante man o hindi bagamat maraming hindi papayag na ang bumoto kay Vilma ay Vilmanian pero ano naman ang masama roon samantalang totoo namang ang bumoto kay Vilma ay Vilmanian—ang tagumpay na ito ng aktres.

Ano ba?

Paandarin naman natin ang ating imahinasyon.

***

Hindi lang sa showbiz mai-a-apply ang pagiging Vilmanian sa pagsuporta ng isang tao kay Vilma bilang gobernadora.

Sa pang-araw-araw na buhay ay puwede rin dahil halimbawang sinusuportahan at kinabibiliban natin ang isang tao, halimbawa’y si Maria o si Juan, puwede tayong tawaging maka-Maria o maka-Juan o Marian o Juanian kung maganda ang tunog o puwedeng ikabit ang hulaping nian o ian sa bagay o taong pinatutungkulan.

Hindi nga ba’t ang buhay ay showbiz at ang showbiz ay buhay?

Ang ginawa ngang victory party sa Batangas Provincial Capitol ay pagpapakita ng pagka-Vilmanian ng mga sumusuporta sa pulitika ni Vilma.

***

Mainit na paksa sa victory party ni Vi ang pagkawala ng boses ni Nora Aunor.

O bakit naman nasingit si Nora Aunor?

Dahil kontradiksyon nga sina Nora at Vilma.

Dayalektiko sila.

Mahalagang bahagi sila ng kasaysayan ng lipunang Filipino.

Kung walang Nora, walang Vilma.

Kamakailan ay nabalitang tuluyan nang naglaho ang ginintuang tinig ni Aunor dahil ayon nga sa kanyang masugid na tagasubaybay na si Tess de Vera, “nagulat din po kami sa nangyari. Kasi, nagtuloy pa pala si Ate Guy sa kanyang concert sa Canada samantalang pinayuhan na siya ng kanyang doktor na ipahinga ng anim na buwan ang kanyang boses. Kaya lang, nando’n na ‘yon.”

Sinabi ni Tess na huwag nang isulat o ilagay pa ang kanyang pangalan sa mga lathalain pero mahalaga ang isang tagahangang tulad niya sa buhay ng mga idolo na tulad ni Nora dahil sila ang nagbibigay-kahulugan sa eksistensiya ng mga idolo.

***

Maging si Vi ay hindi mapaniwala na wala nang boses ang mahigpit niyang katunggali sa popularidad at pag-arte.

“Hindi ako naniniwala na mangyayari ’yan kay Nora. Tsismis lang ‘yan. Wala ‘yang katotohanan. Hindi dapat mangyari ‘yan,” pahayag ni Vilma sa kalagayan ni Nora.

“Ipanalangin natin na hindi ‘yan totoo. Saan ba naman nanggaling ang balitang ‘yan. Sobra naman ‘yan,” paliwanag pa ni Vi sa aming eksklusibong panayam sa kanya sa Kapitolyo ng Batangas.

Gulat na gulat ang arch rival ng Superstar sa kapalaran ngayon ni Nora.

Ayon kay Tess, magdedemanda si Ate Guy laban sa klinikang nagsagawa ng pareretoke sa kanyang mukha sa Japan.

***

Samantala, hindi rin makapaniwala si Christopher de Leon sa naganap kay Guy.

Si Christopher na naging mister ni Nora sa mahaba-haba ring panahon.

Nasa Batangas Provincial Capitol si de Leon dahil nanalo siyang bokal sa lalawigang ito at nakikibahagi siya sa pagdiriwang ng kanyang ka-love team sa pelikula.

“Ganon? Ano ang kaugnayan no’n sa pagpapaopera ni Nora. I don’t think so. I don’t believe so,” pagtatapat ni Christopher na nasa victory party rin ni Vi.

Nagwagi kasing bokal si de Leon sa Batangas kaya naman nakikiisa rin siya sa selebrasyon ng bituin.

Lalo namang hindi naniniwala si Tirso Cruz III sa ulat na ito dahil una na’y wala pa siyang nababalitaan tungkol dito.

“Ngayon ko lang nabalitaan ‘yan, a. Naku, maitanong nga. Nakakaintriga ‘yan, a. Mabuti at nasabi mo sa akin ‘yan,” sabi pa ni Tirso na matagal ding naging ka-loveteam at kasintahan ni Guy.

No comments:

Post a Comment