NANG sundan ng talent scout sa commercial na si Reggie Picayo na isa ring dating peryodistang pampelikula sa Sta. Lucia Eastwood si John Lloyd Cruz para gawing artista, ang pag-aaral ang isa sa nais matapos ng aktor.
Pero napasok na nga sa showbiz si John Lloyd at naisaisantabi niya ang kanyang pag-aaral hanggang sa tuluyan nang maging abala ang kanyang pang-araw-araw na buhay sa pag-arte sa pelikula at telebisyon kaya wala na siyang panahon sa pormal na edukasyon.
Impormal na pag-aaral na lang sa paaralan ng buhay ang inatupag ni Cruz.
Kaya nga nang tanggapin niya ang parangal na Pinakamahusay na Aktor para sa ika-8 Gawad Tanglaw o Gawad Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw para sa pelikulang
”In My Life” ng Star Cinema sa Jose Rizal University sa Shaw Boulevard kamakailan, nangalisag na naman ang mga balahibo ng bituin sa pagpasok pa sa lang sa kampus.
Kasabay niyang umentra sa school grounds ang mag-inang Vilma Santos at Luis Manzano na tumanggap din ng parangal bilang Best Actress at Best Supporting Actor, respectively, para sa pelikulang “In My Life.”
***
“Alam naman po ninyo na hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral kaya pag nagpupunta ako sa mga eskuwelahan na tulad ng JRU ngayon, naaalala ko na kailangan kong magtapos ng pag-aaral pero kulang na ang oras ko.
“Kaya nasisiyahan ako pag ganito. Pag binibigyan ako ng award na tulad nito, nagkakaroon ako ng chance na makapasok sa school kahit na for a short period of time lang,” pahayag ni John Lloyd.
Kaya palakpakan ang mga manonood lalo na ang mga estudyante.
“Mabuhay ang mga Rizalians,” sigaw ni Cruz sa lahat ng mga mag-aaral ng pamantasan.
Hiyawan na naman ang mga kabataan at kahit ang mga may edad nang makiisa si John Lloyd sa kanila.
***
Samantala, ang pangulo naman ng JRU na si Vicente Fabella ay naglantad na siya ay kaklase ni Ralph Recto sa De La Salle University.
Ang mga Fabella ang may-ari ng JRU at ayon naman sa katabi kong si Chris Cajilig, talent manager nina Nicoleyala at Christsuper, mga disc jockey ng Love Radio, at ng mang-aawit na si Myrus, nasusukat ang kagalingan ng isang paaralan kung ang may-ari nito ay roon din nag-aaral.
Gaano nga ba katotoo ang obserbasyong ito?
Nang magsalita naman si Vilma ng kanyang acceptance speech ay nag-“Animo La Salle” pa ang aktres bilang pagkilala sa pinagsamahan ng kanyang asawa at ng mga nangangasiwa ng JRU.
***
Umapak namang muli si Roderick Paulate sa lupain ng JRU kung saan siya nagtapos ng kanyang mababa at mataas na paaralan.
“Dito rin sa entabladong ito ako binigyan ng Outstanding Student Award kaya hindi ko ito makakalimutan,” pahayag ni Roderick na nagwaging Best Supporting Actor para sa pelikulang “Dead na si Lolo” ng APT Entertainment na direksyon ni Soxie Topacio.
Sinabi ni Paulate na lagi niyang isasaisip ang mga alalaa ng JRU sa kanyang puso at utak dahil sa magagandang kontribusyon nito sa kanyang buhay.
Masayang-masaya si Dick sa kanyang panananalo at pagkatanggap niya ng award ay pinuntahan niya sa isang sulok si Vilma na kanyang matalik na kaibigan upang yumakap at halikan ito.
Star Patrol (for Saksi, March 8, 2010)
Boy Villasanta
Obsesyon sa edukasyon ang kasintahan ngayon ni John Lloyd Cruz
IKINUWENTO ng talent scout at dating peryodistang pampelikula na si Reggie Picayo na nang makilala niya si John Lloyd Cruz sa Sta. Lucia East Mall sa may Cainta, Rizal ay may problema sa pananalapi ang pamilya ng aktor.
Humina na ani Reggie ang negosyo ng ama ni John Lloyd kaya apektado ang moral ng angkan.
Pati pag-aaral ni Cruz ay apektado rin.
Kaya tiyempo ang pagkikilala ng dalawa dahil ipapasok ni Picayo ang batambatang simpatiko sa showbiz.
Hindi nga nagkabula ang prediksyon ni Reggie na sisikat ang kanyang alaga.
Pero nang lumaon ay nawala si John Lloyd kay Picayo at nagpatuloy sa paglalayag sa komplikadong dagat-dagatan ng buhay.
Kaya lang, hindi na naipagpatuloy ng bituin ang kanyang pag-aaral nang dahil sa kaabalahan na sa showbiz.
***
Kaya nang umakyat sa entablado ng 8th Gawad Tanglaw o Gawad Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw si John Lloyd ay baon niya ang mga alaala ng kanyang kabataan kahit hindi siya sa eskuwelahang ito nag-aral.
Sinabi ni John Lloyd na hinahanap-hanap niya ang pag-aaral lalo na sa mga panahong napapasyal siya sa mga institusyong pang-akademya.
“Alam naman po ninyo na hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral pero pag nabibigyan ako ng parangal na ganito mula sa mga eskuwelahan ay nasisiyahan ako.
“Maraming salamat po sa JRU sa parangal na ito. Mabuhay ang mga Rizalians!” hiyaw ni John Lloyd.
Bagamat hindi ang JRU ang nagbigay ng parangal kay Cruz kundi ang mga miyembro ng Gawad Tanglaw na mula sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo sa buong bansa, parang ang JRU na rin ang naghatag ng medalya ng karangalan at sertipiko ng pagkilala kay John Lloyd dahil sa paaralang ito ginawa ang pagtitipon.
Kaya ngayong walang katipan si Cruz na babae, ang edukasyon ang kanyang obsesyon at nais makamtan, isang bagay na kapuri-puri para sa mga binatang tulad niya.
***
Pinagkaguluhan si John Lloyd sa kanyang pagpasok sa JRU ng awards rites.
Sukat ba namang pagitnaan nila ni Luis Manzano ang tinaguriang Star for All Seasons na si Vilma Santos.
Talangang parang magigiba ang mga gusali ng JRU sa pagsigaw at paghiyaw ng mga manonood sa loob at labas ng pamantasan.
Hindi mawala ang tensyon sa tatluhang paglabas nina Cruz, Santos at Manzano.
Best Actress si Vi para sa pelikulang “In My Life” ng Star Cinema samantalang Best Actor sa pareho ring pelikula si John Lloyd at Best Supporting Actor naman si Luis para sa obra ring ito ni Olivia Lamasan na nanalong Best Director.
Isa rin sa mga Best Film ang “In My Life” kasama ang “Lola” ng Centerstage Productions at Swift Production at “Dukot” ng ATD Entertainment.
Nang magtalumpati si Ate Vi ng kanyang pasasalamat, nag-“Animo La Salle” pa siya dahil nga ang president eng JRU na si Vicente Fabella ay kaklase ni Ralph Recto sa DLSU.
Kaya naman ipinagmamalaki ni Santos ang kanyang mister.
***
Sa kauna-unahang pagkakataon pagkatapos magtapos ni Roderick Paulate sa JRU ay nagbalik muli ang aktor para naman tanggapin ang kanyang Best Supporting Actor para sa pelikulang “Dead na si Lolo” ng APT Entertainment.
Ayon kay Roderick, isang hindi makakalimutang pangyayari sa kanyang buhay ang makaapak muli sa lupain ng JRU na pmanday sa kanyang kamalayan.
“Dito rin sa entabladong ito ako binigyan ng Outstanding Student Award kaya hindi ko ito makakalimutan,” pahayag ni Roderick.
Nag-graduate si Dick ng kanyang mababa at mataas na paaralan sa JRU kaya naman hindi niya makakalimutan ang eskuwelahang ito na kung kantiyawan ng mga estudyante mula sa St. Martin Technical Institute, ngayon ay University of Life noon ay “hopia.”
No comments:
Post a Comment