KAHIT nag-text pa si Mario O’Hara sa peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas na nag-back out na siya sa “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” para sa kauna-unahang Open Category ngayong taong ito ng 6th Cinemalaya Independent Film Festival dahil sa pag-atras ng kanyang co-producer na nagngangalang Ellen Ilagan nang dahil sa kontrata, hindi pa opisyal na inalis na ng Cinemalaya Foundation at ng Cultural Center of the Philippines ang lahok ng produksyon.
Sa Hulyo pa naman ang pagtatanghal ng 2010 Cinemalaya kaya malaki at mahaba pa ang panahon para magkaroon ng mga katuparan ang mga pangangailangan ni Mario para magawa ang kanyang obra.
Ayon kay Dennis, gawa na ang mga kostyum na isusuot ng mga artista kaya marami nang paunang gawaing pamproduksyon ang nayari kaya sa kahit na anong paraan ay kailangang matuloy ang proyekto.
At maganda at makabuluhang materyal ang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” dahil ito ay tumatalakay sa intrigahan nina Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo sa pamamahala ng rebolusyonaryong gobyerno ng Pilipinas.
Ito ani O’Hara ang magpapatunay na ang magulo at masalimuot na tsismis at intriga sa pamahalaan ay nagsimula sa tunggalian nina Bonifacio at Aguinaldo.
***
Ang isa sa mga hindi nawawalan ng pag-asa na matutuloy pa ang proyekto ay si Coco Martin.
Si Coco ang nakatakdang maging Emilio kaya naman dahil sa kanyang kasabikan na mabigyang-buhay ang karakter ng kauna-unahang presidente ng Pilipinas ay nananalaging siya nang taimtim na may matisod muling katuwang na kapitalista si O’Hara para gawin ang obra.
“Nakakalungkot naman pag hindi natuloy. Nakakapanghinayang. Nakaoo na ako sa role kaya masakit sa loob pag hindi natuloy,” pahayag ni Martin.
Masigasig si Coco sa pagganap sa papel ni Aguinaldo dahil bagay na bagay sa kanya at mahihipan niya nang mahusay ang karakterisasyon nito.
Kaya nga hindi titigil si Martin sa paghahanap din ng solusyon sa abot ng kanyang makakaya dahil abala rin siya sa ibang gawain.
***
P500,000.00 ang iginawad na premyo ng Grassroots Film Productions para sa pre-production at production ng bawat nakapasa sa Open Category at may karagdagang P100,000.00 para sa post-production ng pelikula.
Pero sa kalidad, dating at kahalagahan ng proyekto lalo na at period movie ito, kulang ang halagang ito sa paggawa ng pelikula ni Mario kaya naman nang umoo si Ellen sa isa pang P500,000.00 ay napalukso sa tuwa si O’Hara.
Puwede na nga naman itong mapagkasya para sa isang world-class na pelikula.
Kaya lang ay tumalikod na si Ilagan sa kanyang kompromiso dahil hindi niya naibigan ang ilang probisyon sa kanilang kasunduan.
Kinakatawan ni Mario ang Cinemalaya samantalang nirerepresenta ni Ellen ang sektor ng karagdagang pamumuhunan.
***
Ito ngang si Art Tapalla, ang patnugot ng mga pahinang pang-aliwan nitong Bomba Balita at Saksi sa Balita, ay naghahanap din ng makakaligtas kay Mario sa produksyon.
May kaklase at kaeskuwela si Art na nakakaalwan na sa buhay ngayon at nagtanong sa editor kung magkano ang ginagastos sa paggawa ng digital film.
Gusto rin kasing maging line producer ni Tapalla tulad ng mga ginawa noon nina Boy C. de Guia, Douglas Quijano, Charo Santos-Concio at iba pa na line producing sa malalaking kumpanya ng pelikula.
Ipinadadala na ng kaklase ni Art ang buod ng kuwento ni Mario kaya naman nagkukrus ng mga daliri sina Coco, Dennis, Art, Mario at iba pang dumadalanging matuloy ang pelikula.
Star Patrol (for Saksi, March 15, 2010)
Boy Villasanta
Coco Martin, nananalanging matuloy pa rin ang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” ni Mario O’Hara
HABANG may buhay, may pag-asa.
Ito ang laging binibitawang salita ng mga naghahangad na matupad ang kanilang mga pangarap sa anumang oras, sa anumang lugar, sa anumang tao, sa anumang pagkakataon.
Isa si Coco Martin sa walang humpay ang pananalaging matuloy ang obrang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” ni Mario O’Hara na isa sa mga napiling limang kalahok sa bagong dibisyon ng Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines na Open Category.
Ang pelikula ay pinagkalooban ng halagang P500,000.00 para sa produksyon at P100,000.00 sa post-production mula sa Grassroots Film Productions.
***
Kaya lang ay madalas na kulang ang mga pigurang ito sa paggawa ng isang de-kalidad, importante, pandaigdig at makabuluhang likhang-sining.
Subok na ito sa komunidad ng produksyon ng lokal na mga pelikula.
Kaya naman naghanap si Mario katuwang ang iba pang mga taga-Cinemalaya Foundation ng makakasalo sa paggastos sa karagdagang puhunan ng pelikula.
At ang isang nagngangalang Ellen Ilagan ay napaoo sa pagdurugtong ng pinansiya sa produksyon.
P500,000.00 ang pakakawalan ni Ilagan sakali at natuloy siya sa pakikipagsosyo sa pelikula.
Pero nang makarating na sa kanya ang kontrata ay umatras ang babaing ito nang dahil sa ilang istipulasyon ng kasunduan.
Kaya nang magpasya si Ellen na iwan ang pagtulong kay Mario ay nagpasya rin ang premyadong direktor na umatras din sa proyekto.
Pero hindi pa ito pormal at opisyal.
Dahil una, sa Hulyo pa ang pagbubukas ng ika-6 na Cinemalaya kaya matagal at mahaba pa ang panahon ng preparasyon at paggawa ng pelikula.
Ikalawa’y kailangang magdesisyon nang opisyal at pormal si Mario sa CCP
Kaya marami pa ang namamag-asang matutuloy ang proyektong ito.
***
“Sayang po kasi pag hindi natuloy ito. Malaki at magandang pelikula ito,” pahayag ni Coco.
Ayon sa aktor, bihira lang dumating sa buhay ng isang alagad ng sining ang mga papel na puwedeng gampanang sa pelikulang ito.
Emilio Aguinaldo ang karakter na sana’y bibigyang-buhay ni Martin sa obra kaya naman nais niyang matuloy ang pagsasapelikula nito.
“Iba rin kasi si Mario O’Hara,” sabi ni Coco.
Kaya nga nakikiisa ang sikat na bituin sa pananalangin na makakita pa si Mario ng ibang co-producer para madagdagan ang budget ng pelikula.
***
Ito ngang si Art Tapalla, ang patnugot ng mga pahinang pang-aliwan nitong Bomba Balita at Saksi sa Balita, ay naghahanap din ng makakaligtas kay Mario sa produksyon.
May kaklase at kaeskuwela si Art na nakakaalwan na sa buhay ngayon at nagtanong sa editor kung magkano ang ginagastos sa paggawa ng digital film.
Gusto rin kasing maging line producer ni Tapalla tulad ng mga ginawa noon nina Boy C. de Guia, Douglas Quijano, Charo Santos-Concio at iba pa na line producing sa malalaking kumpanya ng pelikula.
Ipinadadala na ng kaklase ni Art ang buod ng kuwento ni Mario kaya naman nagkukrus ng mga daliri sina Coco, Dennis, Art, Mario at iba pang dumadalanging matuloy ang pelikula.
No comments:
Post a Comment