HINDI na nga maiisnab sa buong mundo ang produktong Filipino sa showbiz.
Dahil kabi-kabila ang pananalo ng mga lokal na pelikula sa pandaigdig na paligsahan ng pagandahan sa pelikula.
Kamakailan ay nag-uwi ng karangalan ang pelikula ni Gina Pareño.
Si Gina Pareño na talagang pinag-aagawan sa lahat ng sulok ng showbiz mula sa Channel 2 hanggang sa mga produksyon ng pelikula.
Dahil magaling namang talaga si Gina at hindi lang sa Pilipinas napapansin ang kanyang kahusayan kundi maging sa ibang bansa.
Noon lamang ika-1 ng Agosto, 2010 ay nagwagi ang pelikula ni Pareño sa isang international film festival, sa ika-7 Skip City International D-Cinema Festival sa Kawaguchi, Japan.
O, di ba, sa Japan pa nakakakuha ng malalaking gantimpala ang kanyang mga pelikula pagkatapos na purihin at kumita sa Pilipinas.
Sosyal, di ba?
***
Hindi maipaliwanag ang kaligayahang nadarama ni Gina sa muling paghakot ng “Bakal Boys” ni direktor Ralston Jover ng mga premyo sa mga banyagang pagtatanghal.
Nagwagi ng Best Screenplay ang pelikula ni Ralston na kanyang sinulat kasama si Nestor Burgos sa Skip City.
Ayon kay Jover, mahigpit ang mga kalaban.
“Naku, ibang klase. Matindi ang labanan sa full-length feature. Sampu kaming naglaban at talagang wala kang itulak-kabigin sa mga naglaban. Nanliliit ako pag naaalala ko ang mga kalaban ko,” pahayag ni Ralston isang araw pagkatapos niyang umuwi mula sa Japan.
Bukod sa Japan, ang kanyang katunggali ay ang Australia, Korea, England, Iraq, Turkey, Norway at marami pang iba mula sa mga kani-kanilang kapital ng aliwan sa buong daigdig.
“Ang nakakagulat sa Japan, nagbukas pa sila ng dalawang malalaking sinehan para pagpalabasan ng mga pelikulang digital. May market na talaga ang digital films sa ibang bansa.
“Kaya nga dapat sa Pilipinas ay simulan na ang paggawa ng mga malalaking digital films o kahit na ang mga small-budget films na digital na magaganda at maipagkakapuri sa ibang bansa para kumita na muli ang pelikula natin.
“Sa Japan, welcome na welcome ang mga digital films dahil ang daming nanonood. Ang daming mga kabataan, professional, film buffs at lahat ng mga klase ng tao sa Japan, nanonood ng digital films,” pahayag ni Jover na kapatid ng dating aktres sa TV ng “Flordeluna” na si Rosanna Jover at bituin ni Lino Brocka sa “Hot Property.”
***
Bukod sa sertipiko ng paglahok at tropeyo, nag-uwi rin ng 500,000 yen sina Ralston nang magwagi ang kanilang pelikula sa kategoryang Best Screenplay.
Malaking tulong na rin ang 500,000 yen sa prodyuser na gumawa ng pelikula kahit na ito ay hindi masyadong nagkaroon ng komersyal na pagtatanghal sa Pilipinas.
Nabigyan na ng karangalan ang bansa ay nagkaroon pa ng grasya na magpapatubo o kaya naman ay puwedeng magpagawa muli ng bagong obra kung hindi man kay Ralston ay sa ibang mga direktor at filmmaker.
Tuwang-tuwa nga si Jover sa kapalarang dumarating sa kanyang pelikula.
***
Kasama ni Ralston, kilala rin sa tawag na Joel at iskriprayter din ng pamoso at premyadong direktor na si Jeffrey Jeturian sa “Kubrador” at ni Brillante Mendoza sa “Tirador” at “Foster Child.”
O, di ba, bongga talaga si Jover?
Dati siyang may kaugnayan sa premyado ring screenwriter na si Lynda Casimiro ng bantog na bantog na “Lola.”
Nakagawa na rin si Joel ng pelikula bilang direktor at ito ay sa “Marlon” na nagwagi sa 2008 Cinemanila International Film Festival ni Tikoy Aguiluz.
Kaya sanay na sanay na rin siya.
Kasalukuyang miyembro si Ralston ng Monitoring Team ng ABS-CBN, ang sangay ng istasyon na nanonood at nag-i-evaluate ng mga programang pan-TV ng lahat ng himpilan lalo na ng soap opera kaugnay sa mga kalabang palatuntunan at kung paano makapagpapaunlad ng mga produktong tatangkilik at magpapasok pa ng pera sa lukbutan ng mga may-ari ng istasyon.
***
Nagsimula ang 7th Skip City International D-Cinema Festival noong ika-23 ng Hulyo at nagtapos noong ika-1 ng Agosto, 2010 sa isang awards night sa Skip City Audio-Visual Hall na may kapasidad ani Ralston ng 500 katao at punumpuno ito.
Kasama ni Jover sa paglalakbay ang prodyuser ng obra na si Bessie Badilla, ang taga-Tondo na naging sikat na aktres at fashion model na nakaribal ni Hilda Koronel sa pag-ibig.
Talagang ang buhay ay sanga-sanga at ang mga tao ay naliliitan lang sa mundo.
No comments:
Post a Comment