Tuesday, May 4, 2010

Sam Milby, mapagmahal sa mga senior citizen

ANG isang nakakalugod na katangian ni Sam Milby ay ang pagiging maasikaso niya sa kapwa artista.

Alam ba ninyo na kahit siya ay hindi maasikaso bastat nakapag-aasikaso lang siya ng kanyang kapwa ay okey na kay Sam?

Kaya wala siyang cheche-bureche, hindi tulad ng mga maaarteng bagets, mapalalaki man o mapababae, sa kasalukuyang henerasyon kaya naman marami ang pumupuri kay Milby sa ganitong aktuwasyon niya samantalang siya ay sikat na sikat sa estado ng pagiging malaking bituin.

Nang imbitahan nga siya ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino para maging presenter sa ika-33 Gawad Urian ng MPP ay hindi nagdalawang-salita ang mga organizer ng awards night para makasali ang aktor sa programa.

Kahit na ma-traffic ay nagtiyaga si Sam na suungin ang mahigpit na daloy ng trapiko makarating lang sa University of the Philippines Film Institute Cine Adarna sa Diliman sa Quezon City.

***

Hindi nga ba’t napakalakas ng buhos ng ulan ng gabing ‘yon sa maraming panig ng Metro Manila pero hindi ito inalintana ni Sam bagkos ay matapang niyang tinugpa ang baha at putik ng kalsada?

At nang isalang na siyang mag-isa sa rostrum ay kampanteng-kampante lang si Milby na kung ilarawan ni Butch Francisco, isang aktibong kasapi ng MPP at emcee ng gabing ‘yon na isang hunk.

Muli rin, napatunayan ni Sam na siya ay mapagmahal sa mga senior citizen natin tulad nina Anita Linda at Rustica Carpio na nagwagi ng tabling Best Actress award para sa pelikulang “Lola” ni Brillante Mendoza.

Sa kabataan ng young star ay namumutiktik na agad ang pagmamahal sa kapwa kaya paano naman siya iisnabin sa kanyang pamamaraan?

***

Samantala, kuwela naman si Eugene Domingo sa kanyang paepek sa Gawad Urian.

Kasisimula pa lang ng palatuntunan nang dumating si Eugene sa UPFI.

Kahit umuulan ay hindi rin natinag si Eugene para ipakitang bilib na bilib siya sa Urian at sa kapasidad nito na makapagbahagi ng mga karangalan sa mga karapat-dapat.

Ngumiti siya sa amin ng isa sa mga aktibong miyembro ng Young Critics Circle na si Nonoy Lauzon na nagbabantay pa ng mga ibang artistang darating sa awarding ceremony.

Tuluy-tuloy si Domingo sa loob at agad siyang isinalang sa presentasyon para sa pagpapahayag ng Pinakamahusay na Pangalawang Aktres na pinanalunan ni Marissa Sue Prado ng “Himpapawid” ni Raymond Red.

Nagpatawa agad si Eugene nang magtungo siya sa may sentro ng entablado at hanapin ang mga yellow marker ng produksyon pero wala siyang makita.

Idinaan ng komedyante ang kanyang obserbasyon sa pagpapatawa na ikinahagalpak ng tawa ng mga manonood.

Ayon kay Domingo, nagpapasalamat siya at nominado siya sa Urian pero paano kung hindi siya manalo, anya?

***

Napakaganda at puting-puti ng suot ni Iza Calzado sa kanyang presentasyon.

Larawan ng isang mahinhin at kontento nang aktres si Iza na laging nag-iisip ng kadakilaan para sa kanyang kapwa.

Ngayon ay lalo pang nagsisikap na maging premyado si Calzado.

Kaya naman hanging-hanga sa kanya si Dr. Nestor de la Rosa na nagdiriwang sa araw na ito ng kanyang kumpleanyo.

Star Patrol (for Saksi, May 4, 2010)

Boy Villasanta

Walang pakialam si Sam Milby kung mapagkandili man siya sa matatanda

KUNG may mananalong artista na may malawak na pang-unawa sa kabutihan at kadakilaan ng mga beterano at beteranang aktres, ito ay walang iba kundi si Sam Milby.

Kahit na si Sam ay batambata at nasa katanghaliang-tapat ng kanyang buhay, may puwang ang kanyang puso sa matatanda.

Kahit na sa batambata pa ring aktres na si Anne Curtis siya nahuhumaling ay hindi niya binabale-wala ang mga may edad at lalo itong napatunayan ni Milby nang dumalo siya sa ika-33 na taon ng Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino.

Hindi nangimi si Sam na alalayan ang mga de-kalidad at senior citizen nang bituing sina Rustica Carpio at Anita Linda na tabling nagwaging Best Actress sa panlasa ng mga Manunuri para sa pelikulang “Lola” ng premyadong direktor na si Brillante Mendoza.

***

Lalo pang hinangaan si Sam nang siya mismo ang kumuha at umalalay kina Rustica at Anita mula sa ibaba ng entablado ng University of the Philippines Film Institute na Cine Adarna.

Kahit na kailangan sa stage ay hindi nagdalawang-isip si Milby na alalayan ang mga senior citizen na artista para mas madaling makaakyat ng tanghalan.

Hindi nga ba’t ito ay bihira nang matagpuan sa hanay ng mga kabataang artista?

Kokonti na ang may ganitong kamalayan sa mga may edad na taga-showbiz kaya nga’t kung kailangan ang modelo para sa patalastas na may kinalaman sa mga beterana ay perpektong aktor si Sam at wala nang iba pa.

***

Kung pag-uusapan naman ang kakuwalahan sa pagpapatawa at pang-aaliw sa mga manonood, perpekto ang layon at presensiya ni Eugene Domingo.

Mula pa sa kanyang pag-entrada sa bulwagan ay nakay Eugene na ang kahusayan sa pagpapatawa.

Nang makita niya kami ng aktibong kasapi ng Young Critics Circle na si Nonoy Lauzon na nasa labas ng teatro ay nagpalipad agad ng ngiti sa amin si Domingo at dire-diretso na siya sa loob.

Nais pa nga ng isang palatuntunang pantelebisyon na makapanayam ang komedyana pero humingi siya ng despensa at sinabing “sandali lang” dahil inaasahan ng mga Manunuri na siya ay presenter sa pagkakataong ‘yon.

***

Nagsabog ng komedya si Eugene sa loob at harap ng tanghalan gaya na lang nang siya ay tawagin na para mag-present ng Pinakamahusay na Pangalawang Aktres.

Tinagubilinan siya ng production staff na tumayo sa marker pero nang nasa gitna na siya ng entablado ay wala siyang makitang yellow marker kaya nagtaray-tarayan siya.

Sinabi rin niyang umaasa pa rin siya hanggang sa mga kahuli-hulinang sandali na mananalo sa Pinakamahusay na Aktres dahil lagi siyang sablay sa kategoryang ito.

“Di bale na lang,” sabi ni Domingo sabay ismid-ismiran kay Butch Francisco na isang aktibong kasapi ng MPP at maestro ng palatuntunan ng gabing ‘yon.

“Alam mo, Eugene, ikaw ang ibinoto ko no’ng isang taon,” sabi ni Butch na inirap-irapan lang nang pabiro ng komedyante.

Sa acceptance speech naman ni Marissa Sue Prado na siyang iprinoklamang Pinakamahusay na Pangalawang Aktres para sa pelikulang “Himpapawid” ng Pelikula Red ni Raymond Red, pinormahan ni Eugene ang nagwaging aktres ay inorasan sabay sa pagtingin sa kanyang relo dahil natatagalan na ang pananalita ni Marissa Sue kaya tawanan ang lahat.

Walang nakakainip na sandali para kay Domingo.

***

Napakaganda at puting-puti ng suot ni Iza Calzado sa kanyang presentasyon.

Larawan ng isang mahinhin at kontento nang aktres si Iza na laging nag-iisip ng kadakilaan para sa kanyang kapwa.

Ngayon ay lalo pang nagsisikap na maging premyado si Calzado.

Kaya naman hanging-hanga sa kanya si Dr. Nestor de la Rosa na nagdiriwang sa araw na ito ng kanyang kumpleanyo.


No comments:

Post a Comment