Sunday, May 2, 2010

Mga sidelights sa ika-33 Gawad Urian… Precious Lara Quigaman at Marco Alcaraz, larawan ng mga sabik na kakakasal lang

KAUNA-UNAHANG pagsasapubliko ng kanilang pagiging opisyal na mag-asawa ang paglabas bilang mga presenter ng tambalang Precious Lara Quigaman at Marco Alcaraz sa ika-33 gabi ng Gawad Urian sa University of the Philippines Film Institute Cine Adarna sa Diliman sa Quezon City kamakailan.

Larawan sila ng walang kamatayang pananabik sa isa’t isa.

Ang kanilang pagsasama sa ibabaw ng entablado ay testimonya ng kanilang pagmamahalan.

Kulang na lang ay buhatin ni Marco sa kanyang kandungan ang Miss International.

Nang nagbabasa na si Precious Lara ng mga nominado sa isang kategorya ay gayon na lang ang pagkakatitig sa kanya ni Marco at wari’y sinasabing “mahal, ang ganda-ganda mo talaga. Ang ganda talaga ng misis ko.”

***

Walang puknat ang pagkakatingin ni Alcaraz kay Quigaman at kahit alam niyang sa kanya na nang lubusan ang beauty queen ay naniniguro ang aktor na silang dalawa ang magsasama sa walang hanggan, sa hirap at ginhawa, sa lungkot at saya, sa tag-ani at taglagas.

Ang kagandahan naman ni Precious ay talagang mistulang sanhi ng kanyang pakikipag-ibigan sa kanyang kasintahan nang hindi pa natatagalan bagamat parang sila ay pinagtiyap ng mga karanasan at pagkakataon.

Magpapatuloy sa showbiz ang dalawa kahit na sila ay mag-asawa na.

Ipagpapatuloy rin ni Lara ang kanyang mga gawaing panlipunan bilang isa sa mga responsibilidad ng isang beauty queen.

Samantala, ang pagganap sa pelikula at telebisyon ay hindi mawawala sa sistema ni Marco na nagtapos sa San Sebastian College.

Varsity player si Alcaraz bago napadpad sa showbiz at sa pelikula at telebisyon, nagpakita ng angking kamachuhan at kagandahang lalaki ang bituin.

***

Nagtilian naman nang walang humpay ang mga tao sa paglabas nina Coco Martin, Piolo Pascual, Sam Milby at Jason Abalos sa pagpi-presenter.

Parang kung kailan lang nang si Coco ay isang nagkukumahog na baguhan na walang pumapansin nang dahil sa pagganap sa kakaunti pa lang na nanonood ng mga independent o indie films.

Nakulong sa trapiko sina Piolo at Sam kaya hindi agad nakarating sa gabi ng parangal.

Ayon kay Butch Francisco, isa sa mga aktibong kasapi ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino na namimigay ng Urian award taun-taon, isa-isang dumarating ang mga hunk sa pagtitipon dahil sa mahigpit na trapiko kaya idini-delay niya ang pagsasalita nila ni Gelli de Belen bilang mga emcee ng palatuntunan.

***

Ang unang balak ni Brillante Mendoza na sumaglit sa Urian awards night bago magbalik sa Tribeca International Film Festival sa New York ay hindi na natuloy.

Talagang inapura na siya ng mga taga-Tribeca na bumalik sa international film festival na inorganisa ng mahusay at premyadong Hollywood actor na si Robert de Niro.

Kaya alas singko pa lang ng hapon ay nagbibiyahe na patungong Ninoy Aquino International Film Festival si Brillante para makahabol sa flight papuntang Amerika.

Ipapahid man lang sana ni Mendoza parang ipot ang kanyang sarili sa Urian at kahit manalo o matalo siya, makikibahagi siya sa pagtitipon pero ayon nga sa kanyang anak na si Angelica Mendoza, na siyang tumanggap ng tropeyo ng karangalan ng kanyang ama para sa Best Director sa pelikulang “Kinatay (The Execution of P),” “limang buwan na pong natanguan ni Papa ang kanyang mga commitment sa ibang bansa.”

Tatlong taon nang magkakasunod na hindi nakakapunta si Dante Mendoza sa Gawad Urian upang tanggapin ang kanyang mga tropeyo.

“Para na siyang si Vilma Santos. Thrice in a row na siyang nananalo at sila lang ang ganyan sa Manunuri ng Pelikulang Pilipino,” pahayag ni Butch.

Pagkatapos sa Tribeca ay pupunta naman si Dante sa Europe at sa Israel kung saan ay bibigyan siya ng tribute at retrospective sa bansang ito para sa kanyang kahusayan sa pagdidirek.

Star Patrol (for Saksi, May 2, 2010)

Boy Villasanta

Naunsiyami ang mga plano ni Brillante Mendoza sa ika-33 gabi ng parangal ng Urian Awards at iba pang kaganapan sa backstage

NAKAKALOKA ang mga eksena sa ika-33 Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino na idinaos sa University of the Philippines Film Institute Cine Adarna.

Bawat gabi ng parangal nga ay maraming nagaganap na mga sorpresa.

Hindi kumpleto ang isang awards night kung walang mga di-inaasahang mga tagpo ng kontrobersya, istorya at simpleng kaganapan sa buhay ng isang tao, artista man o hindi.

Tulad na lang nang biglang pag-apir nina Precious Lara Quigaman at Marco Alcaraz bilang mga presenter sa awards rites ng mga kritiko ng Pilipinas.

Hindi nga ba’t kakakasal lang nina Precious Lara at Marco sa ibang bansa?

Kaya nga’ ang kanilang pagdalo sa Urian awards night ay isang hindi makakalimutang karanasan ng bagong kasal at ng publiko sa pangkalahatan.

***

Larawan sila ng walang kamatayang pananabik sa isa’t isa.

Ang kanilang pagsasama sa ibabaw ng entablado ay testimonya ng kanilang pagmamahalan.

Kulang na lang ay buhatin ni Marco sa kanyang kandungan ang Miss International.

Nang nagbabasa na si Precious Lara ng mga nominado sa isang kategorya ay gayon na lang ang pagkakatitig sa kanya ni Marco at wari’y sinasabing “mahal, ang ganda-ganda mo talaga. Ang ganda talaga ng misis ko.”

***

Walang puknat ang pagkakatingin ni Alcaraz kay Quigaman at kahit alam niyang sa kanya na nang lubusan ang beauty queen ay naniniguro ang aktor na silang dalawa ang magsasama sa walang hanggan, sa hirap at ginhawa, sa lungkot at saya, sa tag-ani at taglagas.

Ang kagandahan naman ni Precious ay talagang mistulang sanhi ng kanyang pakikipag-ibigan sa kanyang kasintahan nang hindi pa natatagalan bagamat parang sila ay pinagtiyap ng mga karanasan at pagkakataon.

Magpapatuloy sa showbiz ang dalawa kahit na sila ay mag-asawa na.

Ipagpapatuloy rin ni Lara ang kanyang mga gawaing panlipunan bilang isa sa mga responsibilidad ng isang beauty queen.

Samantala, ang pagganap sa pelikula at telebisyon ay hindi mawawala sa sistema ni Marco na nagtapos sa San Sebastian College.

Varsity player si Alcaraz bago napadpad sa showbiz at sa pelikula at telebisyon, nagpakita ng angking kamachuhan at kagandahang lalaki ang bituin.

***

Maaasahan talaga si Piolo Pascual pa gang pagdalo sa mga makahulugang selebrasyon ang pag-uusapan.

Alam ba ninyo na kahit hindi nominado sa Piolo mismo sa Urian para sa kanyang mga nagawang pelikula ng 2009 ay bale-wala sa kanya dahil naniniwala siya sa kredibilidad ng MPP?

Kaya nga lang ay naipit siya sa matinding trapiko kaya naman hindi agad siya nakarating sa venue.

Paisa-isa ang dating ng mga artistang malalaki nang dahil sa malakas na buhos ng ulan kaya nagkandabuhul-buhol ang trapiko.

“Marami pang hunk ang nakulong sa traffic,” pahayag ni Butch Francisco na isa sa mga emcee ng programa katambal si Gelli de Belen na nagwagi nang Best Actress sa Urian noong 1994 para sa pelikulang “The Secrets of Sarah Jane” ng Regal Entertainment.

***

Mas naunang dumating ang na-traffic ding si Sam Milby na game na game sa kanyang gawaing pagpapahayag sa mga nominado at panalo sa isang kategorya.

Si Sam pa nga ang umalalay kina Rustica Carpio at Anita Linda nang manalo ang dalawang beteranang aktres sa pagka-Best Actress sa kanilang epektibong pagganap bilang mga lola sa “Lola” ng Centerstage Productions at Swift Productions.

Parang boy scout si Milby sa pag-akay sa matatandang artista na nahihirapan nang umakyat sa entablado.

Pinagkaguluhan din ang pagdating ni Jason Abalos na isa ring hunk.

Pati na ang pagdalo nina Iza Calzado, Ketchup Eusebio, Eppie Quizon at marami pang iba ay nagbigay ningning sa gabi ng Urian na itinuturing ng marami na siyang pinakakapani-paniwalang award-giving body sa bansa sa kasalukuyan.

***

Ang unang balak ni Brillante Mendoza na sumaglit sa Urian awards night bago magbalik sa Tribeca International Film Festival sa New York ay hindi na natuloy.

Talagang inapura na siya ng mga taga-Tribeca na bumalik sa international film festival na inorganisa ng mahusay at premyadong Hollywood actor na si Robert de Niro.

Kaya alas singko pa lang ng hapon ay nagbibiyahe na patungong Ninoy Aquino International Film Festival si Brillante para makahabol sa flight papuntang Amerika.

Ipapahid man lang sana ni Mendoza parang ipot ang kanyang sarili sa Urian at kahit manalo o matalo siya, makikibahagi siya sa pagtitipon pero ayon nga sa kanyang anak na si Angelica Mendoza, na siyang tumanggap ng tropeyo ng karangalan ng kanyang ama para sa Best Director sa pelikulang “Kinatay (The Execution of P),” “limang buwan na pong natanguan ni Papa ang kanyang mga commitment sa ibang bansa.”

Tatlong taon nang magkakasunod na hindi nakakapunta si Dante Mendoza sa Gawad Urian upang tanggapin ang kanyang mga tropeyo.

“Para na siyang si Vilma Santos. Thrice in a row na siyang nananalo at sila lang ang ganyan sa Manunuri ng Pelikulang Pilipino,” pahayag ni Butch.

Pagkatapos sa Tribeca ay pupunta naman si Dante sa Europe at sa Israel kung saan ay bibigyan siya ng tribute at retrospective sa bansang ito para sa kanyang kahusayan sa pagdidirek.

Boy Villasanta (for Bomba, May 3, 2010)

Patay na ang isa sa mga respetadong manghuhula ng showbiz na si Jojo V. Acuin

PARANG kung kailan lang nang si Alma Moreno ay samahan ng peryodistang pampelikula at kanyang talent manager na si Nene Riego sa klinika ni Jojo V. Acuin, ang itinuturing na Nostradamus ng Asya.

Parang kung kailan lang nang dagsain si Jojo ng kanyang mga popular na kliyente sa panghuhula na sina Marcelo Fernan at Joseph Estrada.

Hindi pa presidente, hindi pa bise-presidente noon si Joseph kundi isang sandor pa lang nang anyayahan siya ng namayapa na ring peryodistang pampelikula na si Gil E. Villasana sa isang salu-salong pangkumpleanyo ni Acuin sa may Biak-na-Bato sa may Santol sa Quezon City, ang isa sa mga kauna-unahang bahay at klinika ni Jojo.

Pati na si Vina Morales ay nakiisa sa pagtitipong ‘yon.

Ngayon ay alaala na lang ang mga bakas na ‘yon sa pagpanaw ni Acuin.

***

Sumakabilang-buhay si Jojo, Jose Ma. Acuin sa tunay na buhay, nang dahil sa komplikasyon sa kanyang mga pangunahing organo sa katawan.

Pero ayon kay Rommel Orsolino, isa sa mga pinagkakatiwalaang kawaksi ng manghuhula sa maraming taon, isang buwan at tatlong linggong naratay sa banig ng karamdaman sa Philippine Heart Center sa Quezon City si Jojo bago nalagutan ng hininga.

Isinugod si Jojo sa ospital noong mga panahong ‘yon nang dahil sa naghihirap na siyang humingi.

Gayundin, may tubig na siya sa kanyang baga.

Ayon kay Rommel, parating nagrereklamo si Jojo sa kanyang kalusugan.

Gayunman, nang malaman ng mga doktor na may tubig ang baga ng manghuhula ay pinayuhan na itong huwag nang uminom ng alak.

Mahilig kasi sa brandy at white wine kundi man red wine ang Nostradamus ng Asia.

Natuklasan din ng mga manggagamot na may diabetes ang manghuhula ng showbiz.

Naku, parehong-pareho sila ng isa sa mga naging sakit ng kanyang kaibigang movie reporter na si Kuya Gil, ang pagkakasakit ng diabetes.

***

Namatay si Jojo noong Huwebes ng tanghali sa gulang na sixty four.

Magdiriwang pa naman siya ng kanyang kaarawan sa ika-30 ng Mayo, 2010 pero hindi na nga siya makapagseselebra ng kanyang kapanganakan dahil ang kamatayan ang siyang kumitil nito.

Pero alam ni Acuin sa kanyang diwa at kaluluwa na sa dako pa roon ay makapagsasaya siya sa kanyang kaarawan.

Hindi nga ba’t maraming alam si Jojo na mga metapisikal na manipestasyon ng buhay?

Kung ating matatandaan, si Jojo rin ang nag-predict na ang kaluluwa noon ng masirang progresibong direktor na si Lino Brocka ay naglalayag pa sa kalawakan o sa purgatoryo dahil aniya’y marami pang hindi tapos na mga nais gawin ang mahusay na filmmaker.

Ngayon ay si Acuin naman ang naglalayag ang kaluluwa sa himpapawid para gabayan at tingnan ang kanyang mga kaibigan sa showbiz na kinabibilangan naming mga peryodistang pampelikula na sina Obette Serrano, Art Tapalla, Ohgie Ignacio, JC Nigado, Andy Garcia, Lito Mañago, Roland Lerum at marami pang iba.

***

Ayon kay Rommel, darating ang mga kapatid ni Jojo na nasa ibang bansa upang makipaglamay sa kanilang mahal na kaanak samantalang ang mga pamangkin ng namatay at ang kanyang staff na kinabibilangan din nina Marivic, Tess at Rex ay nag-aasikaso na sa Doña Eusebia Subdivision sa San Pablo City kung saan nakahimlay ang mga labi ng manghuhula.

Matagal ding nanilbihan sina Tess Fuentes, Orsolino, Marivic at Rex kay Jojo sapol pa nang nasa San Pablo City pa ang klinika at upisina ng psychic.

Ngayon ay magkakanya-kanya na ang mga kawaksing ito ni Acuin sa mahabang panahon.

Maiiwan din ni Jojo ang kanyang mga mahal sa buhay na malaki ang parte sa kanyang eksistensiya.

***

Sinabi ni Orsolino na kahit na noong nabubuhay pa ang kanyang pinaglilingkuran bagamat nasa ospital ito ay marami nang mga kliyente ang nagtatawagan para magpahula.

“Pero ayaw ipasabi noon ni Jojo na nasa ospital siya kaya nagtitiyaga ang mga ‘yon sa paghihintay,” pahayag ni Rommel.

Nagulat nga ang mga kliyente nang mapanood nila sa balita sa GMA Network na nawala na si Jojo.

“Ang dami pong naghahanap sa kanya. ‘Yon pala ay namatay na siya,” wika ni Rommel.

Mananatiling buhay na buhay sa aming alaala ang mga imahen at gawain ni Jojo.

Maligayang paglalakbay sa dako pa roon, Jojo!

Star Patrol (for Saksi, May 3, 2010)

Boy Villasanta

Mami-miss ng mga taga-showbiz ang kawalan ni Jojo V. Acuin sa sirkulasyon

HINDI na naabot man lamang ng tinaguriang Nostradamus ng Asya na si Jojo V. Acuin ang kanyang kaarawan sa pagsapit ng ika-30 ng Mayo, 2010 dahil wala na siya sa materyal na mundong ibabaw na ito.

Namatay si Jojo noong Huwebes, ika-29 ng Abril, 2010 sa ganap na ikalabing-isa at kalahati ng umaga sa Philippine Heart Center sa Timog Avenue sa Quezon City.

Isang masaklap at luksang umaga ang naranasan ng mga kaanak at kasama sa trabaho ni Acuin.

Lahat sila ay nasa PHC ng umagang ‘yon kabilang ang sekretarya niyang si Tess Fuentes.

Gayunman, ang karamihan sa mga kapatid ni Jojo ay nasa ibang bansa at ayon sa isa pang katiwala ng manghuhula na si Rommel Orsolino, darating ang mga kapatid ni Jojo at iba pang pamangkin mula sa ibayong-dagat upang makapiling sa mga huling sandali ang mahal na kaputol ng pusod.

***

Nagluluksa rin ang showbiz sa trahedyang ito dahil malapit na malapit sa kanila si Jojo.

Hindi nga ba’t si Jojo ay manghuhula rin ng showbiz tulad nina Madame Suzette Arandela, Madam Auring, Madam Rosa, Rene Mariano at marami pang iba?

Kaya nga hindi makakalimutan ang mga nakaraang kasaysayan ni Jojo sa piling ng mga celebrity na nawili at bumilib sa kanya.

Parang kung kailan lang nang si Alma Moreno ay samahan ng peryodistang pampelikula at kanyang talent manager na si Nene Riego sa klinika ni Jojo na noon ay nasa Maynila pa lang.

Parang kung kailan lang nang dagsain si Jojo ng kanyang mga popular na kliyente sa panghuhula na sina Marcelo Fernan at Joseph Estrada.

Hindi pa presidente, hindi pa bise-presidente noon si Joseph kundi isang sandor pa lang nang anyayahan siya ng namayapa na ring peryodistang pampelikula na si Gil E. Villasana sa isang salu-salong pangkumpleanyo ni Acuin sa may Biak-na-Bato sa may Santol sa Quezon City, ang isa sa mga kauna-unahang bahay at klinika ni Jojo.

Pati na si Vina Morales ay nakiisa sa pagtitipong ‘yon.

Ngayon ay alaala na lang ang mga bakas na ‘yon sa pagpanaw ni Acuin.

***

Isang buwan at tatlong linggong naratay sa banig ng karamdaman si Jojo at malubhang-malubha ang kanyang katayuan.

Nagsimula siyang sumama lalo ang pakiramdam nang matuklasan ng mga doktor na may tubig ang kanyang baga.

“Ang lagi niyang inirereklamo na hindi siya makahinga. Tapos, hinang-hina siya,” sabi ni Orsolino.

“’Yon pala, ang dami-dami na niyang tubig sa lungs. May diabetes pa nga siya, di ba?” pahayag ni Rommel.

Nang malaman ng mga manggagamot na may masamang kondisyon sa baga si Jojo ay pinagbawalan na itong uminom ng anumang nakakalasing na likido.

Mahilig kasi si Jojo sa brandy at red at white wine pero nang matuklasan ngang may tubig na sa kanyang baga ay pinayuhan na siyang magpahinga at tumigil sa pag-inom.

Dahil ang oryentasyon din naman ni Acuin sa mga brandy at wine ay gamot kaya kampante siya sa pagtungga ng mga ito.

Tumalima naman siya nang malaman ang siyentipikong epekto nito sa katawan ng taong may sakit.

***

Magkakanya-kanya na ngayon ang mga kawaksi ni Jojo sa kanyang klinika na nakasama niya nang matagal tulad nina Marivic, Tess, Rommel, Rex at iba pa.

Maiiwan din ni Jojo ang kanyang mga mahal sa buhay na malaki ang parte sa kanyang eksistensiya tulad ng mga peryodistang pampelikula na sina Roland Lerum, Art Tapalla, Ohgie Ignacio, Obette Serrano, Lito Mañago, JC Nigado, ang inyong lingkod at marami pang iba.

Marami ring mga taga-showbiz na hahanap-hanapin siya sa pang-araw-araw na buhay sa mundong ito.

***

Sinabi ni Orsolino na kahit na noong nabubuhay pa ang kanyang pinaglilingkuran bagamat nasa ospital ito ay marami nang mga kliyente ang nagtatawagan para magpahula.

“Pero ayaw ipasabi noon ni Jojo na nasa ospital siya kaya nagtitiyaga ang mga ‘yon sa paghihintay,” pahayag ni Rommel.

Nagulat nga ang mga kliyente nang mapanood nila sa balita sa GMA Network na nawala na si Jojo.

“Ang dami pong naghahanap sa kanya. ‘Yon pala ay namatay na siya,” wika ni Rommel.

Mananatiling buhay na buhay sa aming alaala ang mga imahen at gawain ni Jojo.

Maligayang paglalakbay sa dako pa roon, Jojo!

No comments:

Post a Comment