NAKAUSAP namin ang bating at batikang direktor na si Mario O’Hara at sinabi niyang tuloy na tuloy na ang pagsasapelikula ng “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio,” ang obrang isinumite niya sa kauna-unahang Open Category ng Ciemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines.
“Ang sabi sa akin ng Cinemalaya, puwede na akong mag-shoot sa last week ng February,” pahayag ng premyadong direktor.
Kauna-unahang digital film ni Mario ang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” kaya naman pinagtatagni-tagni niya ang mga elemento ng isang proyektong independent o indie sa ngalan ng paggawa ng pelikula.
Ginagamay pa ni O’Hara ang lahat ng rikotitos sa indie filmmaking kaya tanong siya nang tanong kung kani-kanino.
Nang magmiting nga sila ng kontrobersyal na direktor na si Jowee Morel mga ilang araw bago bumalik ito sa London para mag-aral, nagtanong siya nang nagtanong kung magkano ang renta ng mga ilaw at tunog na gagamitin sa shooting.
Nagtanong din si Mario kay Jowee kung anong klaseng mga lente at instrumento ang kailangan sa pag-iilaw at pagtutunog gayundin ang mga tamang tao na makapapamahala nito.
***
Pero kung mga huling linggo ng Pebrero ang shoot ni O’Hara ng kanyang obra, hindi uubra ang iskedyul ni Morel na pinisil ni Mario na maging cinematographer niya.
Sa Abril pa kasi puwedeng makapag-shoot si Jowee dahil sa kalendaryo ng kanyang pag-aaral sa City University of London.
Gustung-gusto pa naman ni Morel na makasama sa isang pelikulang gawa ng isang Mario O’Hara dahil subok na ang galing at talino ng alagad ng sining na ito ng Pilipinas.
Maingat naman si Mario sa pagsisimula ng kanyang proyekto at nais niyang bagong gumiling ang kanyang kamera ay nasa ayos ang lahat nang walang pakpak.
Kahit nananabik siya sa obrang ito ay hindi sapat ‘yon kundi pakiramdaman at siguruhing nasa tamang kalagyan ang lahat.
***
Kumpleto na halos ang mga artista ni Mario para sa “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio.” Kung si Alfred Vargas ang napili niya sampu nina Robbie Tan at Laurice Guillen bilang Andres Bonifacio, si Coco Martin naman ang napipisil nilang gumanap na Emilio Aguinaldo.
Ayon kay O’Hara, nakay Coco ang mga katangian ng isang Emilio sa pelikula.
Masyadong matunggali sina Andres at Aguinaldo sa tunay na buhay kaya ang pagtatapat nina Alfred at Martin ay isang maksaysayang pagpapaarte sa dalawang bituin.
***
Aminado si Mario na kinonsidera nila ni Diether Ocampo para sa papel na Aguinaldo at nakakapanabik nga’t mahusay umarte si Diether at taga-Cavite pa mismo pero sa bandang huli ay napag-isip-isip nina O’Hara, Robbie at Laurice na hindi na mukhang beynte anyos si Diether.
Nasa ganitong edad kasi si Aguinaldo nang siya ay maproklamang presidente ng Pilipinas.
Gayundin, si Bonifacio ay nasa kanyang dadalawampuing taong gulang pa lang ng mga panahong ‘yon.
Pagdinig sa hukuman ang laging lugar at panahon ng kuwento batay sa tunay na mga dokumento kung kalian at saan ay santambak ang mga ito sa bahay nina Mario.
Star Patrol (for Saksi, February 10, 2010)
Boy Villasanta
Si Coco Martin na ang Emilio Aguinaldo, hindi na si Diether Ocampo
PANAHON na talaga ni Coco Martin.
Mula nang madiskubre siya ni Ihman Isturco ay patuloy na ang pag-akyat ng popularidad ni Coco mula sa kanyang pagiging simpleg tao.
Pati na si Brillante Mendoza ay nahalina sa kanya at binigyan siya ng mahalaga at bidang papel sa “Masahista” na naghatid rin sa direktor ng di-matingkalang grasya.
Matagal na nga naman si Martin sa industriya ng aliw at ang kanyang katanyagan ngayon ay bunga ng kanyang pagpupunyagi kahit na may mga nagdaramdam sa kanya.
Tulad na lang ni Joey B., isang stand-up comedian. Ayon sa kanya, matagal na niyang kasama si Coco sa isang TV drama show na si Deo Fajardo, Jr. ang direktor. Pero tinatawagan anya niya si Coco pero hindi sumasagot.
Ang sabi namin ay baka abala lang ang batang aktor kaya hindi siya maasikaso.
***
Gayunman, patuloy pa rin ang pag-arangkada ni Martin at heto nga’t bukod sa mga palabas ng ABS-CBN ay marami pa siyang pelikula sa loob at labas ng Star Cinema.
Kasama na rito ang alok ng magaling na direktor na si Mario O’Hara na siya ang lmabas na Emilio Aguinaldo sa pelikulang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” na pinasok ni Mario at nakapasa sa kauna-unahang Open Category ng ika-6 na Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines.
Ito ay dahil nga unang naikonsidera si Diether Ocampo para sa papel pero kinalaunan ay napagtanto nina O’Hara kasama ang iba pang taga-Cinemalaya na hindi na kasing-edad ni Aguinaldo si Diether nang maging pangulo ng bansa si Emilio.
Kailangang mukhang beynte anyos ang mukha ng isang artistang gaganap na Aguinaldo.
Taga-Cavite pa naman si Ocampo at mahusay na artista kaya may magandang oportunidad ito sa pagtanggap ng alok.
***
Kaya ang sabi ni O’Hara ay si Coco na ang kinakausap nila para sa papel at ang bituin namang ito ay sanay na sa tinatawag na independent o indie filmmaking.
Hindi nga ba’t sa bakuran ng Centerstage Productions o kay direktor Brillante Mendoza nagsimula si Martin sa pelikulang “Masahista” na isang indie film?
Mula noon ay naghari na sa mga indie films si Coco hanggang mapunta siya sa malalaking produksyon kasama ang ABS-CBN at ang Star Cinema.
Kaya wala nang problema kung si Martin ang maging Emilio sa indie film ni Mario na sinulat ng kanyang pamangking si Janice O’Hara ang iskrip.
***
Magsisimula na si Mario sa shoot ng pelikula at ayon sa kanya, sinabihan siya ng Cinemalaya na mga huling linggo ng Pebrero ang paggiling ng kanyang mga kamera.
Kauna-unahan itong digital film ni O’Hara kaya naman nais niyang busisiin at nasa wastong kinalalagyan ang lahat bago siya magsimulang magtrabaho.
Tanong nga siya nang tanong sa mga bating at batikang filmmaker ng indie kung paano isinasagawa ang produksyon nito.
Nang magmiting nga sila ng kontrobersyal na direktor na si Jowee Morel mga ilang araw bago bumalik ito sa London para mag-aral, nagtanong siya nang nagtanong kung magkano ang renta ng mga ilaw at tunog na gagamitin sa shooting.
Nagtanong din si Mario kay Jowee kung anong klaseng mga lente at instrumento ang kailangan sa pag-iilaw at pagtutunog gayundin ang mga tamang tao na makapapamahala nito.
***
Pero kung mga huling linggo ng Pebrero ang shoot ni O’Hara ng kanyang obra, hindi uubra ang iskedyul ni Morel na pinisil ni Mario na maging cinematographer niya.
Sa Abril pa kasi puwedeng makapag-shoot si Jowee dahil sa kalendaryo ng kanyang pag-aaral sa Goldsmith College ng University of London.
Gustung-gusto pa naman ni Morel na makasama sa isang pelikulang gawa ng isang Mario O’Hara dahil subok na ang galing at talino ng alagad ng sining na ito ng Pilipinas.
Maingat naman si Mario sa pagsisimula ng kanyang proyekto at nais niyang bagong gumiling ang kanyang kamera ay nasa ayos ang lahat nang walang pakpak.
Kahit nananabik siya sa obrang ito ay hindi sapat ‘yon kundi pakiramdaman at siguruhing nasa tamang kalagyan ang lahat.
No comments:
Post a Comment