Thursday, February 4, 2010

Apo Hiking Society, mga sugo ng kapayapaan sa Mindanao


AMINADO si Annabelle T. Abaya, tagapangulo ng Office of the Presidential Adviser on Peace Process o OPAPP, na mahusay ring tagapag-endorso si Robin Padilla ng programa kaugnay sa pagkakamit ng kapayapaan sa Mindanao kaya naman nagandahan din siya ng ideya pero may mga problema rin kaya naghanap na lang ang kanyang upisina ng iba.

At ang Apolinario Mabini Hiking Society o mas pinaikling Apo Hiking Society na rin ang napagkasunduang gawing opisyal na tagapagpahayag ng mga proyekto ng kapayapaan sa Mindanao, isang isla ng Pilipinas na balot na balot sa kaguluhan.

Kaya mula ngayon ay ang Apo na ang makakapagpagiliw sa mga taga-Mindanao para makamtan ang katahimikan.

Makamtan naman kaya?

Tingnan natin.

***

Sinabi ni Danny Javier, isa sa mga aktibong kasapi ng Apo na silang tatlo (kasama sina Buboy Garovillo at Jim Paredes) ay nangangahulugan ng Luzon, Visaya at Mindanao o Luzviminda.

“Ako po talaga ay taga-Leyte at doon nagmula ang aking pamilya kaya ako ay isang Bisaya,” pahayag ni Danny.

“Pero ngayon po ay magtataga-Mindanao na ako dahil ‘yan ang magiging trabaho sa pangangalaga ng kapayapaan sa lugar na ‘yon sa pamamagitan ng Dialogue Mindanaw, isang programa ng pamahalaan kung saan ang tatlong daang mga kinatawan mula sa labindalawang rehiyon sa Mindanao at sa Mamiropa ay magkakasama-sama upang ihayag ang kani-kanilang mga saloobin sa mga problema at katotohanan ng Mindanao na ipaparating sa mga negosyador ng Pilipinas kasama ang isang representante ng Malaysia at sa pagitan ng usapang pangkapayapaan sa panig ng Moro Islamic Liberation Front of MILF.

Sa ika-16 ng Pebrero, 2010, magsisimula ang usapan ng Dialogue Mindanaw.

Samantala, ang Apo naman ay siyang mga modelo sa TV at radio ads ng proyekto.

***

Aminado si Danny na talagang hindi na sila magma-Maynila habang ginagawa ang konsultasyon sa mga pangkaraniwang mamamayan sa Mindanao.

Ito marahil ang ibig sabihin na aalis na sa showbiz sina Javier kaya ang titulo ng kanilang pinakahuling pagtatanghal ay “Huling Valentines nAPO nila” ang magaganap Valentine’s Day.

Samantala, si Buboy ay nagsabing taga-Mindanao pala ang kanyang angkan kaya mahal na mahal niya ang rehiyon at gagawin ang kanyang makakaya para mapagsilbihan ang iniwang lugar.

Si Jim naman ay taal na taga-Maynila kaya kumpleto na ang barkada sa pagrerepresenta sa Luzon, Visaya at Mindanao.

***

Ayon kay Abaya, talagang isinasapuso ng Apo ang paghahanap sa kapayapaan kaya naman ang grupo ang pinal nilang itinali sa kontrata sa programa.

Inilinaw ni Annabelle na hindi debate ang kailangang mamayani sa konsultasyon kundi pagdinig lang sa mga hinaing at alalahanin ng mga taga-Mindanao kaya hindi matapus-tapos ang kaguluhan doon.

Si Abaya ay nakasama namin sa “Action 9” sa Radio Philippines Network Channel 9 kasama sina Angelique Lazo, Ramon Tulfo at Rey Langit.

Ito ay nang umalis sa palatuntunan si Dong Puno at lumipat sa ABS-CBN.

No comments:

Post a Comment