Friday, July 2, 2010

Noel Cabangon, ipinagkakapuri namin siya

MATAGAL na rin sa showbiz si Noel Cabangon, ang sikat na mang-aawit na nagpasikat ng kanyang “Kalungan,” ang piyesa na nagsasaad ng “pana-panahon, ang pagkakataon…” na naibigan ng krus-seksyunal na bahagi n gating lipunan.

Nagsimula ang showbiz career ni Noel sa Philippine Educational Theater Association o PETA at noon pa man ay kababakasan na ng makabayan at makadiyos na nilalaman at melodya ang kanyang musika.

Umarte rin noon si Cabangon sa PETA kaya naman halos buung-buo na ang kanyang kamalayan sa lipunan at sa buhay sa pangkalahatan.

Naging asawa ni Noel si Beng Cabangon na isa ring tagapamahala ng PETA at matiyagang itinaguyod ang mga adhikain ng ahensiyang ito.

Ngayon ay pinagsasaluhan nina Cabangon at Beng ang mga biyaya ng kalikasan ng dula at ng tunay na drama ng buhay.

***

Malayo na nga ang nararating ni Noel dahil lalo pang tumataas ang antas ng kanyang mga awitin.

Hindi lang siya umaawit ng tungkol sa paghahandog ng gumamela sa isang iniibig kundi ang bayan bilang pangunahing pinaglilingkuran ang kanyang opisyong pinagkakaabalahan.

Nakay Noel ang makatotohanang sistema at taktika ng sining ng musika.

Kaya naman nakakasakay siya sa lahat ng klase ng tao na hindi nawawala ang kanyang makataong paniniwala kahit na sa pulitikal na pananaw.

Saksi kami sa pag-akyat sa tugatog ng tagumpay ni Noel.

***

Nakakapanindig-balahibo ang kanyang pagtatanghal sa inagurasyon ni Presidente Benigno Simeon C. Aquino III sa Quirino Grandstand noong Miyerkules.

Marami siyang inawit na sukat na nakapagtimo sa puso at isip ng mga manonood at tagapakinig lalo na ang kanyang pagpapanumpa sa lahat sa isang mabuting Filipino.

Napatindig at napanumpa nga niya kahit na si Noynoy at sina Jojo Binay, ang Bise-Presidente ng Pilipinas at kahit na ang mga dating pangulo ng bansa na sina Joseph Estrada at Fidel Ramos.

Kahit na si Mercedita Carpio-Morales, ang associate justice na nagpanumpa kay Aquino sa katungkulan ay tumayo rin para sumumpa kasama si Noel.

O, hindi nga ba’t talagang showbiz na showbiz ang lahat ng kaganapan sa ating pulitika.

Showbiz na showbiz hindi dahil sa kaplastikan o kaaliwan ng larangang ito kundi showbiz na showbiz dahil malalim, malawak, matunggali, makulay, madrama, madula, maningning at matalinhaga ito.

***

Kung kailan lang ay nakakasabay natin sa dyip si Noel papuntang upisina ng PETA nang ang organisasyong pandulaan ay nag-uupisina pa sa may Cubao.

Dala ang kanyang gitara, walang pakialam si Cabangon na makipagbungguang-balikat sa mga pangkaraniwang tao dahil siya ay isa sa kanila at ang kanyang arte ay sumasalalim sa buhay ng ordinaryo.

Naaalala pa namin nang nagraradyo pa kami sa DZXQ, isang AM radio kung saan nagtatampok kami ng mga pang-araw-araw na panauhin at isa si Noel sa nagpaunlak na makapanayam namin at mapatugtog ang kanyang plaka ng mga sandaling ‘yon.

Isang maipagmamalaking alagad ng sining ng showbiz si Noel na malayo pa ang mararating sa kanyang musika.

Star Patrol (for Saksi, July 2, 2010)

Boy Villasanta

Noel Cabangon, isang maipagmamalaking mang-aawit

SA hanay ng mga mang-aawit sa ating bansa, isa lang si Noel Cabangon sa kakaunting nagsasabog ng liwanag sa musikang Filipino para magsilbing gabay sa ating pang-araw-araw na buhay.

Dahil ang musika bilang isang bagay ay mahalaga sa buhay at nagtuturo sa atin ng mga kahalagahan sa buhay tungo sa magandang pagdedesisyon.

Dahil ang musika ay kailangang isinasapuso at isinasadiwa gayundin, isinasaisip at hindi lang ito aliwan kundi kadluan ng mga inspirasyon at aspirasyon sa buhay.

Ito ang mga bagay na nais patunayan ni Noel sa showbiz.

***

Nagsimula ang karera ni Cabangon sa showbiz nang siya ay sumali sa Philippine Education Theater Association o PETA.

Isang makabayan, makatao at makadiyos na tao si Noel kaya naman repleksyon ang mga ito ng kanyang likhang-sining.

Hindi lang basta naggigirata o kumakanta si Canangon kundi isinasalin niya sa kanyang arte ang mga karanasan ng isang Filipino lalo na ang mga eksperyensiya ng mga ordinaryong tao.

Nakakapanindig-balahibo nga ang kanyang kanta sa inagurasyon ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa pagkapresidente ng Pilipinas sa Quirino Grandstand noong Miyerkules dahil sa kanyang kanta ay malinaw na nasabi niya ang mayayaman sa Pilipinas ay lalong yumayaman samantalang ang mahihirap ay lalong naghihirap.

Tiyak na maraming mga tao ang tinamaan sa kanyang kanta dahil ang lipunang ito nga ay nagpapasasa ang mayayaman sa pawis ng iba at walang patas na pagkilala sa trabaho at sa bayad na inilalaan sa obrerong ito.

***

Si Noel ay matagal na sa showbiz at ang kanyang sanligan sa PETA ay malaking suporta sa kanyang paniniwalang pulitikal na kultura.

Ang mga simulain ng PETA para sa paglilingkod sa bayan ay naisapuso na rin ni Cabangon kaya naman lagi siyang malinaw ang landas na tinatahak.

Mabuti at sila ni Beng Cabangon ang nagkatuluyan sa totoong buhay dahil nagsasanib ang matatayog na mga katotohanan at kahalagahan ng buhay sa kanilang pagsasama.

May mataas ding katungkulan si Beng sa PETA at ang mga bisyon ng ahensiyang ito ay ang pananaw din sa buhay ng mag-asawa.

Habang kumakanta si Noel sa panunumpa ni Noynoy ay napatindig niya ang mga lider ng bansa para manumpa sa kanya at sa magandang pagsisimulang muli ng isang Filipino.

Kahit na sina dating pangulong Fidel V. Ramos at Joseph Estrada ay napatayo ni Noel para makiisa sa kanyang panawagan ng mabuting Filipino.

Pati na rin sina Noynoy at Jejomar Binay, ang nagwaging bise-presidente ng Pilipinas ay nakibahagi sa pagpapanumpa ni Noel para sa makatuturang pagbabago sa lipunang ito.

***

Kahit na si Mercedita Carpio-Morales, ang associate justice na nagpanumpa kay Aquino sa katungkulan ay tumayo rin para sumumpa kasama si Noel.

O, hindi nga ba’t talagang showbiz na showbiz ang lahat ng kaganapan sa ating pulitika.

Showbiz na showbiz hindi dahil sa kaplastikan o kaaliwan ng larangang ito kundi showbiz na showbiz dahil malalim, malawak, matunggali, makulay, madrama, madula, maningning at matalinhaga ito.

***

Kung kailan lang ay nakakasabay natin sa dyip si Noel papuntang upisina ng PETA nang ang organisasyong pandulaan ay nag-uupisina pa sa may Cubao.

Dala ang kanyang gitara, walang pakialam si Cabangon na makipagbungguang-balikat sa mga pangkaraniwang tao dahil siya ay isa sa kanila at ang kanyang arte ay sumasalalim sa buhay ng ordinaryo.

Naaalala pa namin nang nagraradyo pa kami sa DZXQ, isang AM radio kung saan nagtatampok kami ng mga pang-araw-araw na panauhin at isa si Noel sa nagpaunlak na makapanayam namin at mapatugtog ang kanyang plaka ng mga sandaling ‘yon.

Isang maipagmamalaking alagad ng sining ng showbiz si Noel na malayo pa ang mararating sa kanyang musika.

No comments:

Post a Comment