NGAYONG tapos na tapos na ang kontrobersyal na pelikulang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” ng ika-6 na Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines, naipalabas na ito sa isang special screening sa Dream Theater ng CCP kamakailan.
Dumalo sa pagtatanghal ang bida ng pelikula na si Alfred Vargas na gumaganap bilang Andres Bonifacio.
Naisingit ni Alfred sa kanyang mahigpit na iskedyul para masaksihan ang makasaysayang pagkakagawa ni Mario O’Hara ng obra.
At hindi nagdalawang-isip si Vargas na sabihing “the movie is great.”
Talaga namang dakila ang buhay ni Bonifacio at ang mga paglalarawan sa kanya sa sining ay isa ring kadakilaan.
***
Ngayon ding konsehal na si Alfred sa Lunsod ng Quezon, marami na siyang magagawa para sa pag-alsa ng kamalayan ng mga tao sa pulitika at kultura.
Para kay Vargas, marami siyang natutunan sa pelikula lalo na ang pagkakawatak-watak ng mga pelikula sa pagkakamit ng kaunlaran at kapayapaan.
Ang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” ay nagpapakita ng pangmamaliit ng mga paksyon ng Magdalo ni General Emilio Aguinaldo sa kapwa nila rebolusyunaryo na mga Magdiwang na kampon ni Bonifacio.
Ayaw nilang maging pangulo ng Pilipinas si Andres dahil mula lang ito sa mahirap.
Ang nais nila ay si Aguinaldo dahil mayaman at kababayan nila ito samantalang taga-Tondo sa Maynila si Bonifacio.
Nang hainan nga si Bonifacio ng kasong rebelyon at sedisyon ng pamahalaang rebolusyunaryo ni Emilio ay moro-moro lang ang paglilitis para lang sabihing siniyasat ang mandirigma pero sa katuusan ay papatayin lang siya.
***
Sinisi ni Vargas ang marumi at walang pagkakaisang pulitika sa mga ugat ng mga problema ng bayan kaya sa panonood ng pelikula ni Mario ay umaasa siyang magigising ang mga Filipino sa pagkakahimlay at pagkakatulog upang makamtan ang tunay na reporma sa lipunang ito.
“Walang unity kaya may mga problema,” pahayag ni Alfred pagkatapos ng pagpapalabas ng pelikula.
Ano ngayon ang kanyang gagawin bilang bagong pulitiko sa Quezon City kung ang namamasdan niya ay walang pagkakaisa at pagkakabuklud-buklod sa pulitika?
“Kailangang matugunan ang poverty alleviation. Ito ang problema sa unity. Maraming mahihirap sa Quezon City at kailangang tulungan sila,” sabi ng aktor.
***
Kaya nga mag-uutos siya na panoorin ng mga mag-aaral lalo na sa kalakhang Quezon City ang obra ni O’Hara.
“Kailangang mapanood ito ng maraming mga estudyante para malaman nila ang tunay na kasaysayan ng ating bansa,” wika ni Alfred.
Ngayon pa lang ay nag-iisip na siya kung paano ibebenta ang pelikula sa mga paaralan.
Marami namang susuporta kay Vargas kung isasakatuparan niya ang mga balak na ito dahil makatao, makadiyos, makabayan at makakalisakan ang kanyang mga hakbang.
Kasali ang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” sa Open Category ng Cinemalaya 6 na magsisimula sa ika-9 ng Hulyo, 2010 sa CCP.
Ang Open Category ay ang seksyon kung saan pumili ng limang bating na direktor na nakagawa na ng tatlong pelikulang naipalabas na sa mga komersyal na sinehan.
Star Patrol (for Saksi, July 8, 2010)
Boy Villasanta
Mga estudyante, papapanoorin ni Alfred Vargas ng “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio”
NAGLALAKBAY sa kalawakan ng kaligayahan ang diwa ni Alfred Vargas.
Ito ay lalo na nang mapanood niya sa wakas at sa kauna-unahang pagkakataon ang kanyang pelikulang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” na nilikha ng bating na direktor na si Mario O’Hara.
Kasama ang obra sa Open Category ng ika-6 na Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines na idaraos sa Biyernes, ika-9 ng Hulyo, 2010.
Nananabik na rin si Alfred na ipalabas na sa mas maraming manonood ang kanyang pinagbibidahang produkto.
Ito ay kasunod ng espesyal na pagtatanghal na ginanap sa Dream Theater ng CCP kamakailan kung saan dumalo rin bukod kay Alfred, ang kanyang kabituing si Lance Raymundo na gumaganap bilang General Emilio Aguinaldo sa kasaysayang pampelikula.
***
Hindi maalis sa katauhan ni Vargas ang pagsasaya dahil maganda ang pelikula at puring-puri niya ito mula simula hanggang wakas ng eksposisyon.
Kahit nga ang mga peryodistang pampelikula na sina Jocelyn Dimaculangan, Art Tapalla, Dennis Adobas at William Reyes ay nagustuhan din ang pelikula bagamat hindi na natapos ito nang lubusan ni William dahil nakatakda siyang manood ng “Virgin Labfest” sa katabing sinehan sa CCP tungkol sa mga dulang dumaan sa palihan bago bigyan ng bagong anyo sa presentasyon.
Iba rin ang paghahain kasi ni Mario ng kanyang piyesa sa publiko.
Makabago ang kanyang taktika lalo na ang pagkakaroon ng narrator na ibon, ang Ibong Adarna na ginagampanan ni Mailes Kanapi.
Isa itong instrumento para lalong maintindihan ng mga manonood ang kanilang sinasaksihang pelikula.
Sa unang pag-arangkada pa lang ng pelikula ay magagapi ka na sa mga intresanteng elemento ng panoorin lalo na ang makukulay na damit at eksena ng moro-moro at komedya.
May moro-moro at komedya dahil si Andres ay isang aktor sa tanghalan.
***
Sumasagisag din sa lutong-Macao at moro-morong imbestigasyon ang nangyari kay Bonifacio nang siya ay litisin ng Consejo de Guerra ng mga panahong si Aguinaldo ang presidente ng Pilipinas.
Nang dahil sa pagtutol ni Andres na si Emilio ang maging pangulo ng rebolusunaryong pamahalaan ng Pilipinas at sa hinalang pababagsaksin niya ang pamahalaan ni Aguinaldo, sinampahan siya ng kasong sedisyon, treason at rebelyon.
Ito ang buod ng kuwento ng pelikula na bagamat nakatatak na sa mga history books at sa kasaysayan ay ginawang bago ang hitsura at ang ideyang nais ihain ng direktor sa taumbayan upang suriin ang ating nakaraan at ihambing ito sa kasalukuyang nagaganap na mga kalakaran at pagkakataon sa ating kapaligiran kabilang ang pulitika at pamamahala sa sambayanan.
Nang dahil sa aral na ito ng kasaysayan ay naliligayahan si Vargas na matanto ng tao na ang hindi pagkakasundu-sundo ng mga lider at pulitiko ng ating bayan ang ugat ng mga problema.
***
“Walang unity kaya may mga problema,” pahayag ni Alfred pagkatapos ng pagpapalabas ng pelikula.
Ano ngayon ang kanyang gagawin bilang bagong pulitiko sa Quezon City kung ang namamasdan niya ay walang pagkakaisa at pagkakabuklud-buklod sa pulitika?
“Kailangang matugunan ang poverty alleviation. Ito ang problema sa unity. Maraming mahihirap sa Quezon City at kailangang tulungan sila,” sabi ng aktor.
Kaya nga mag-uutos siya na panoorin ng mga mag-aaral lalo na sa kalakhang Quezon City ang obra ni O’Hara.
“Kailangang mapanood ito ng maraming mga estudyante para malaman nila ang tunay na kasaysayan ng ating bansa,” wika ni Alfred.
Ngayon pa lang ay nag-iisip na siya kung paano ibebenta ang pelikula sa mga paaralan.
Marami namang susuporta kay Vargas kung isasakatuparan niya ang mga balak na ito dahil makatao, makadiyos, makabayan at makakalisakan ang kanyang mga hakbang.
No comments:
Post a Comment