Saturday, May 15, 2010

Mga artistang sinuwerte, sinusuwerte at malas sa eleksyon

HINDI lahat ay pinagpapala.

Ito ang katotohanan ng isang timpalak.

May buwenas, may malas.

Alam ito ng mga artista dahil sila man ay bahagi ng mga tunggalian sa paligsahan kabilang ang nakaraang halalan.

Ngayon ay tingnan natin ang kinahihinatnan ng mga kapalaran ng mga taga-showbiz na lumaban sa botohan.

Unahin muna natin ang mga natatalo, mas malamang na talagang matalo o tuluyang talo.

Ayon sa isang news reporter ng GMA Network, sinawimpalad si Ara Mina na hindi makalusot sa eleksyong ito bilang konsehala ng Lunsod ng Quezon.

Ito ay sa kabila ng bonggang pagpailanglang sa kampanya ni Ara kahit na may mga intriga laban sa kanya lalo na ang paglabas ng kinuha sa Internet o video na mali-mali ang Ingles ng aktres o ang kanyang impresyon at masasabi sa private army.

***

Hindi rin nagkapalad sina Ricky Davao, Glenda Garcia at Arnell Ignacio sa konseho ng Quezon City—sila na mga kampon ni Annie Susano sa kanyang partido.

Sinabi ni Maria Isabel Lopez, dating kandidata sa pagkakonsehal kasama sina Ricky, Glenda at Arnell na siya ay nagbitiw o umatras sa laban nang dahil sa kakulangan ng oras at iba pang kalimitahan.

Lost din ani Maria Isabel si Cesar Montano bilang gobernador ng Bohol.

Hindi rin matunog ang mga pangalan nina Ogie Diaz at Dan Alvaro bilang miyembro ng papasok na konseho sa Kyusi.

Si Aiko Melendez ay hindi rin pinalad na masungkit ang pagka-bise alkalde ng lunsod at si Jaime Fabregas ay wala ring palad sa kanyang pagka-konsehal.

***

Natalo rin si Joey Marquez sa pagka-mayor ng Parañaque City samantalang si Rey Malonzo ay minalas sa pagka-pangalawang punong-bayan ng Caloocan City samantalang noon ay nag-mayor siya bagamat nagsimula rin ang kanyang pulitikal na karera sa pagkakonsehal at pagka-bise alkalde.

Talo rin si Rico J. Puno sa pagka-vice mayor ng Makati City.

Hindi rin nagkapalad si Bimbo Bautista sa pagka-gobernador ng Lalawigan ng Cavite.

Si Loren Legarda ay nag-concede agad sa pagka-bise presidente ng Pilipinas nang lumalamang na sina Mar Roxas at Jojo Binay sa puwesto.

Umalis agad sa Maynila si Edu Manzano sa gabi rin nang pagsisimula ng bilangan ng boto at si Jay Sonza ay ikalawa sa kulelat sa pagka-bise-presidente.

***

Samantala, bongga ang pagkakahalal muli kay Vilma Santos bilang gobernadora ng Batangas Province at si Lani Mercado ay kongresista na sa Cavite.

Mayor muli ng Bacoor, Cavite si Strike Revilla at panalo na naman bilang mga konsehal ng Manila City Hall sina Yul Servo, Robert Ortega at Lou Veloso, Jr.

Nakamtan namang muli ni Isko Moreno ang pagka-vice mayor ng Maynila at si Herbert Bautista ay mayor na ngayon ng Quezon City.

Nangunguna sa pagkasenador sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada, Tito Sotto at Lito Lapid.

Nananalo si Gina de Venecia sa pagkakongresista ng Pangasinan at si Maybellene de la Cruz ay konsehala na sa Dagupan City samantalang bokal na sa Ikalawang Distrito ng Lalawigan ng Quezon.

Masayang-masaya na si Angelica Jones dahil sa wakas ay pulitiko na rin siya pagkatapos na siya ay matalo noong 2007 sa pagka-board member din ng Ikatlong Distrito ng Laguna.

At oo, si Dan Fernandez ay congressman muli ng Unang Distrito ng Laguna at nananalo rin ayon sa mga taga-Laguna si ER Ejercito bilang gobernador ng probinsiya.

Samantala, bise-gobernador ng Bulacan si Daniel Fernando at naghihintay naman ng resulta ng kanyang kandidatura sa konseho ng Caloocan City si Marjorie Barretto.

Panalo ang anak ni Rico na si Tosca Puno at ang tae kwon do champion at action star na si Monsour del Rosario ay konsehal na ng Makati City.

Tinalo naman ni Barangay Valenzuela sa Makati na si Romulo “Kid” Peña si Rico at Jobelle Salvador.

Nanalo si Lucy Torres sa pagka-congressman ng Ormoc City, Leyte at maligayang-maligaya si Richard Gomez na na-disqualify sa pagkakongresists ng distrito at pumalit nga sa kanya ang misis na si Lucy.

Panalo sina Alfred Vargas, Roderick Paulate at Precious Hipolito sa pagkakonsehal ng QC.

Ihahatid pa namin sa inyo ang iba pang resulta ng botohan sa mga artista.

Star Patrol (for Saksi, May 15, 2010)

Boy Villasanta

Sino’ng nananalo at natatalo sa mga artista ngayong eleksyon?

ANG pamumumulitika ay hindi lang monopolisado ng mga pulitiko sa labas ng showbiz kundi maging ang mga pulitiko sa loob ng showbiz ay namumulitika rin hindi lang sa pagkandidato sa eleksyon o pamamahala ng gobyerno kundi sa pakikisalamuha sa iba’t ibang klase ng tao sa iba’t ibang isratipikasyon ng lipunan dahil ang buhay nga, sa loob at labas ng showbiz, sa araw-araw ay pulitika.

Kaya ang nakaraang eleksyon ay isa lang sa ibig sabihin ng pakikisangkot ng mga taga-showbiz sa pulitika.

Hindi napuwera ang mga taga-showbiz sa pagyakap sa pulitika ng buhay sa loob at labas ng pamahalaan.

Paano nga naman maitataguyod ng mga taga-showbiz ang kapakanan ng mga sarili nila o ang kagalingan ng kapwa nila sa isa pang mas mataas at mas matayog na adhikain kung hindi sasama sa agos ng pulitika kung hindi man makikisangkot sa serbisyo publiko ng sosyo-pulitikal na gawain.

***

Ngayong halalang ito ay ilalahad natin ang mga taga-showbiz na kumandidato sa iba’t ibang posisyon at ang kapalarang nakamtan nila sa pagkandidatong ito.

Sinu-sino ang mga natatalo at nananalo, ang mga opisyal nang naiproklama at nakabitin pa sa balag ng alanganin ang mga kandidatura?

Unahin muna natin ang mga talunan.

Hindi sinuwerte si Rico J. Puno at si Jobelle Salvador sa pagka-bise alkalde ng Lunsod ng Makati at ang Barangay Captain ng Barangay Valenzuela sa Makati City na si Romulo “Kid” Peña ang nakatalo sa kanila.

Talo rin si Aiko Melendez sa pagka-vice mayor ng Quezon City samantalang talo rin sa pagkakonsehal sina Ricky Davao, Arnell Ignacio, Ara Mina, Glenda Garcia, Jaime Fabregas, Ogie Diaz at Dan Alvaro sa konseho ng lungsod.

Walang nagawa ang kabonggahan ng pangalan ni Ara at kahit na sagana siya sa publisida ay mukhang nakasira sa kanya ang pagsulpot ng masamang video laban sa kanya na nagsasabing payag siya sa private army at ito ay nagbabadya na siya ay walang alam sa gramatika.

Pero ang lahat ng ito ay bahagi lang ng pulitika ng buhay sa pangkalahatan at pulitika pa rin ng buhay sa partikular.

***

Talo si Rey Malonzo sa pagka-bise alkalde ng Caloocan City samantalang nag-mayor din siya ng siyudad ng maraming taon at termino kabilang din ang pagsisimula sa pagkakonsehal at pagka-bise alkalde ng lunsod.

Hindi rin maganda ang kapalaran ni Joey Marquez sa pagkandidato niyang muli sa pagka-punong bayan ng Parañaque City.

Laglag din sa kanyang kandidatura sa pagka-gobernador ng Bohol si Cesar Montano.

Ayon nga sa aktres at Binibining Pilipinas-Universe na si Maria Isabel Lopez, lost si Cesar at natalo rin anya si Edu Manzano sa pagka-pangalawang presidente ng bansa.

Nasa huling puwesto rin sina Kata Inocencio at Alex Tinsay sa pagkasenador gayundin sina Imelda Papin at sa pagka-bise alkalde naman na si Jay Sonza ay natatalo rin.

Nag-concede na si Loren Legarda sa pagka-bise presidente ng Pilipinas nang lumamang na sa kanya nang milya-milya sina Jojo Binay at Mar Roxas.

***

Sa hanay naman ng mga panalo, bise-alkalde muli si Teri Onor sa kanyang bayan sa Abucay, Bataan samantalang si Maybellene de la Cruz ay batambatang konsehala na sa Dagupan City sa Pangasinan.

Sa Pangasinan pa rin, kongresista na si Gina de Venecia, ang isa sa mga tagapagmana ng Sampaguita Pictures ng mga Vera at Perez.

Naiproklama na nang marangal at maringal si Vilma Santos ng Lalawigan ng Batangas samantalang si Lani Mercado ay kongresista na ng Lalawigan ng Cavite.

Mayor pa rin hanggang ngayon si Strike Revilla at First Lady pa rin ng Lalawigan ng Rizal si Jun Ynares na asawa si Andrea Bautista.

Ang kapatid ni Andrea na si Bong Revilla ay nangunguna sa pagka-senador gayundin si Jinggoy Estrada.

Hindi matatawaran na nasa Magic 12 ng Senate si Lito Lapid.

Si Tito Sotto ay hindi rin nawawala sa sirkulong ito.

Samantala, panalo bilang konsehal ng Maynila sina Lou Veloso, Jr., Yul Servo at Robert Ortega.

Sa Quezon City naman, sa wakas, sa unti-unting pagpupursigi ni Herbert Bautista ay alkalde na siya ng Lunsod ng Quezon samantalang panalo sa konseho sina Roderick Paulate, Alfred Vargas at Precious Hipolito.

***

Board member na sa Second District ng Quezon Province si Gary Estrada pagkatapos ng dalawang beses na pagkandidato bilang mayor ng San Antonio, Quezon.

Mas lumawak na ngayon ang teritoryo ni Gary dahil nasasakop na niya sa kanyang pagkabokal ang mga bayan ng San Antonio, Dolores, Tiaong, Candelaria, Sariaya at Lucena.

Gayundin, bokala ng Ikatlong Distrito ng Lalawigan ng Laguna si Angelica Jones samantalang malamang kaysa hindi ay manalo si ER Ejercito bilang gobernador ng lalawigan at si Dan Fernandez ay kongresista pa rin ng Unang Distrito ng Laguna.

Sa Bulacan naman ay bise-gobernador si Daniel Fernando.

Sa susunod ay ia-update natin ang mga nananalo at natatalo at opisyal nang panalo sa hanay ng mga taga-showbiz sa pulitika ng gobyerno at sa pulitika ng pangkalahatang buhay.


No comments:

Post a Comment