NGAYONG tuluy-tuloy na ang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” ng Cinemalaya Indepedent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines para sa Open Category nito na pang mga beteranong direktor, tiyak nang si Alfred Vargas ang lalabas at gaganap na Andres Bonifacio sa isang napakagandang obra na ididirek ni Mario O’Hara.
Bihira lang magdirek si Mario pero pag siya ay sumabak sa kanyang paglikhang-sining, tiyak na marami ang namamangha sa kanyang kaekselentehan.
Kaya inaasahang magiging maganda at makabuluhan din para sa mga Filipino at sa lipunang ito ang kanyang pelikula para sa CCP.
Nang unang planuhin ang proyektong ito, si Alfred na talaga ang nasa isip O’Hara para gumanap na Andres.
At tumulong pa nga si Robbie Tan ng Seiko Films at Laurice Guillen, bilang mga pasimuno ng Cinemalaya para mapadali ang pagkuha kay Vargas.
Nakakontrata kasi sa kumpanya ni Robbie ang aktor kaya naman hindi na nahirapan ang mga taga-produksyon.
***
Kaya lang ay nagkaproblema nga sa katuwang na prodyuser ng CCP ang nakuhang tagapaglagak ng karagdagang puhunan sa pag-andar ng pelikula.
Nabitin sa balag ng alanganin ng obra pero nitong mga huling araw, bago lang mag-eleksyon ay iniligtas ni Boy Abunda ang pelikula sa tuluyang pagkaunsiyami nito.
Ngayon ay nabuhayan na ng loob at dugo si Mario kaya nagsu-shooting na nga siya at si Alfred pa rin ang Bonifacio.
Kaya masasabing dobleng tagumpay ito ni Vargas dahil mula sa panananalo sa pagiging konsehal ng Quezon City ay heto pa ang isang tagumpay na kanyang tinatamasa.
Doble ang pagdiriwang ng bituin sa bahaging ito ng taon.
***
Samantala, ang inaasam-asam ni O’Hara na gaganap ng Emilio Aguinaldo ay matutupad na rin marahil dahil inaasikaso na ni Dennis Adobas bilang katulong sa produksyon ni Mario na si Dennis Trillo ang makuha nilang gaganap sa unang pangulo ng republika ng Pilipinas.
Tungkol kasi sa intrigahan nina Bonifacio at Emilio ang pelikula na ginawan ng dulang pampelikula ni Janice O’Hara, pamangking buo ni Mario.
Maraming ebidensiya si Mario sa pagsulat at pananaliksik tungkol sa paglago ng iskrip ng “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio.”
Tuwang-tuwa nga si Brillante Mendoza, ang 2009 Palm d’Or Best Director sa Cannes International Film Festival, sa pagkakatuloy ng pelikula ni Mario para sa Cinemalaya.
***
Noong una ay si Coco Martin ang nakatakdang gumanap sa papel ni Aguinaldo pero ngayong may bago nang prodyuser na sasagot sa karagdagang gastos sa produksyon ay iba na ang iskedyul ng paggawa ng pelikula.
Hindi na kaya ni Coco ang mga araw na kailangan para sa pagsu-shoot ng pelikula.
Kaya naghahanap na sina Mario at Dennis ng kapalit ni Martin at si Trillo nga ang nasa isip nila.
“’Yon ang gusto ni Mario, ewan ko lang kung puwede si Dennis,” pahayag ni Adobas.
Sana naman ay wala nang bulilyaso sa pagsasapelikula ng “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” dahil kailangan ito sa pag-unlad ng lipunan at bansa natin.
Star Patrol (for Saksi, May 16, 2010)
Boy Villasanta
Dobleng selebrasyon ni Alfred Vargas sa pagganap kay Bonifacio at pananalo sa eleksyon
HINDI maitatangging ang isa sa malalaki at pinagkakatiwalaang aktor sa kasalukuyan ay ang macho at guwapitong si Alfred Vargas.
Kabi-kabila ang kanyang mga proyekto at kulang nga ang kanyang oras para sa mga ito.
Kumandidato pa nga siya sa pagkakonsehal ng Lunsod ng Quezon at nagwagi kaya naman lalo pang madaragdagan ang kanyang mga gawain sa panahong ito.
Saan na ilalagay ni Alfred ang kanyang sarili?
Nakaparami pa namang tao na umaasa sa kanyang pagiging artista at lingkod-bayan.
Pero walang problema ‘yan.
Noon ngang kasagsagan ng kampanya sa eleksyon ay napakahigpit ng kanyang mga iskedyul pero napatunayan niyang kaya niyang makaalpas sa kahigpitan ng kanyang mga gawain.
***
Ngayon pa namang tuloy na tuloy na ang pagsasapelikula ng “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” ng Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines.
Nanalo ang likhang-sining na ito na nasa iskrip pa lang sa bagong dibisyon ng timpalak na Open Category para sa mga bateranong direktor sa pelikula.
Kay Mario O’Hara ang proyektong ito ay nanguna sa pag-apruba ng mga taga-Cinemalaya sa pagsasapelikula.
Si Alfred na talaga ang kauna-unahang Andres Bonifacio na gaganap rito.
Kaya lang ay nagkaproblema sa kasukob na mamumuhunan ang pelikula dahil umatras ang disin sana’y magdaragdag ng puhunan sa pelikula.
P600,000.00 lang kasi ang mailalagak ng CCP at Cinemalaya sa proyekto kaya kailangan pa ang karagdagang pera sa pagpapatuloy ng pelikula.
Naunsiyami si Vargas dahil wala na siyang katuwang na prodyuser para maipagpatuloy ang kanyang pagkabida sa isang historikal na drama tungkol sa intrigahan nina Bonfacio at Emilio Aguinaldo.
***
Hanggang sagutin nga ni Boy Abunda ang kalahati ng cost of production ng pelikula.
Sina Robbie Tan ng Seiko Films at Laurice Guillen, ang dalawa sa mga utak sa likod ng Cinemalaya, ang nag-asikaso na maayos ang pagpapatuloy ng obra.
Ngayon ay masasabi ni Mario na tuluy-tuloy na ang pagsasapelikula nito at si Vargas pa rin ang Bonifacio.
Doble ang selebrasyon ni Alfred dahil nanalo rin siyang konsehal ng Quezon City.
Ngayon pa lang ay hindi na maipaliwanag ni Vargas ang kanyang nararamdaman sa mga postibong nagaganap sa kanyang buhay.
Nagsisimula na nga siyang mag-shooting ng pelikula kasabay ng magandang balita ng kanyang tagumpay sa pulitika.
***
Samantala, nananalangin si Mario at si Dennis Adobas, ang katu-katulong sa produksyon ni O’Hara na makuha nila ang serbisyo ni Dennis Trillo bilang Emilio Aguinaldo.
Naniniwala si Mario na si Dennis ang makapagbibigay ng katarungan at katuturan sa papel na kanyang nilikha sa pamamagitan ng dulang pampelikula ng kanyang pamangking si Janice O’Hara.
Kaya lang ay walang kasiguraduhan ang iskedyul ni Trillo samantalang sa Hulyo na ang pagpapalabas ng obra.
Gayunman, nagpupursigi sina O’Hara at Adobas na makamtan ang kanilang mga pangarap na si Dennis ang manalo sa papel na dating gagampanan sana ni Coco Martin.
***
Nang hindi pa nagbibitiw ang katuwang na prodyuser ng pelikula ay handang-handa na si Coco sa pagganap bilang Aguinaldo.
Ipinagmamalaki pa nga ni Martin sa kung kani-kanino ang kanyang kapayagan na mabigyang-buhay si Emilio pero nang mawalan ang unang katuwang na namumuhunan ay biglang naunsiyami ang mga balak ng popular na aktor na anila’y sumikat sa indie films pero ang sabi naman namin ay talaga sisikat si Coco sa anumang larangan at pormat ng aliwan.
Nang si Boy na ang katuwang na prodyuser ay hindi na puwede ang iskedyul ni Martin kaya naghahanap sina Mario at Dennis ngayon ng kanyang kapalit.
Sana ay pumuwede si Trillo para ayos ang buto-buto.
No comments:
Post a Comment