MAS naunang hindi hamak sa pag-arte si Diether Ocampo kay Coco Martin.
Nag-aaral pa lang si Coco ay namamayagpag na si Diether sa showbiz.
Kaya kahit na si Lance Raymundo ay nasa laylayan pa lang ng larangang ito.
Pero dahil nauna na si Ocampo ay idolo na rin siya ni Martin sa pagganap bagamat marami pang mga eskuwelahan ng pagganap ang nakasanayan na ni Coco sa kanyang pakikisalamuha sa mga taga-showbiz kabilang sa premyadong direktor na si Brillante Mendoza na kanyang unang filmmaker at naghulma sa kanya sa pag-arte.
Samantala, si Diet ay nakasalang na sa mahuhusay na direktor kabilang sina Chito Roño, Rody Quintos, Olivia Lamasan, Joel Lamangan at napakarami pang iba.
Kaya naman sila ay ginagagad ni Lance sa pag-arte lalo na ngayong siya ang pormal na napili ni Mario O’Hara para gampanan ang maselang papel ni Emilio Aguinaldo sa pelikulang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” para sa ika-6 na Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines.
***
“Idols ko talaga sila. Kahit hindi pa ako nag-aartista at kumakanta pa lang ako, sila na ang gusto kong maging,” pahayag ni Lance sa isang natatanging panayam sa set ng “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” sa Puerta San Andres sa Intramuros, Maynila kamakailan.
Hindi na nakatkat sa isip at puso ni Raymundo ang kahusayan nina Ocampo at Martin na dapat lang tularan.
“Nagkasama na kami ni Diether sa mga show pero hindi pa kami nagkakaeksena na dalawa. But I regard him as a real actor,” pahayag ni Lance.
Para kay Raymundo ay nakamtan na ni Diet ang mga pasubok na mahalaga sa isang artista.
“Marating ko lang ang kahit kalahati ng kanyang narating, maligaya na ako,” pahayag ni Raymundo na talagang nagtitiyaga sa paghihintay ng magagandang role para sa kanya.
***
Hindi pa rin anya sila nagkakasama sa mga tagpo ni Coco pero napapanood niya ito at bilib na bilib siya kahit na saang anggulo.
“Iba ang atake niya sa pag-arte. Nasa kanya ang emotional intensity ng isang actor. Talagang feel na feel mo ang kanyang mga reactions and actions na hindi mo makikita sa ibang performer,” pahayag ni Raymundo.
Natutuwa nga siya dahil kahit ang kanyang kapatid na si Rannie Raymundo ay lagi siyang kinukumusta sa kanyang trabaho sa araw pag-uwi niya sa bahay.
“Naku, pag uuwi na ako, sasabihin niyan sa akin, ‘o, ano, nasaan ang kamera?’ Tapos, magtatanong siya sa akin how I fared in the shoot. He’s really very concerned about my welfare as an actor,” pahayag ni Lance.
Pati ang kanyang inang dating aktres, si Nina Zaldua, ay ipinagmamalaki ang kanyang anak, ang kanyang dalawang anak kahit na ang bunsong si Lance.
“Basta sa mga premiere nights lang nagpupunta sina Mommy. Gano’n lang ang support niya pero she’s all the way for us,” pagtatapat ni Raymundo.
***
Iki-non-sider din sa pagka-Emilio Aguinaldo si Jake Cuenca.
“Si Jake, magaling din. Nagkasama na kami sa ‘Pieta’ and he’s very good,” pagmamalaki ni Lance.
“Idol ko rin si Jake,” sabi ni Raymundo.
Sayang nga lang anya at hindi nagkasundo ang kampo nina Mario O’Hara at Jake sa pagganap nit okay Aguinaldo.
“Pero hindi ko makakalimutan na siya ay magaling na aktor. Wala ako kung wala siya. Mahusay pa naman siyang aktor. Napapanood ko siya and I can safely say na malayo talaga ang mararating ni Jake,” papuri ng singer na aktor.
Pati ang pinagpiliang si Dennis Trillo ay hindi maiwawaglit sa isip ni Lance.
“I also heard that Dennis was also considered for my role. Nakakahiya naman sa kanila pag hindi ko pa pinagbuti ang aking pagganap dito,” wika ni Raymundo.
“Hindi pa kami nagkakasama sa isang show ni Dennis pero nagkikita na kami nang madalas. Pinakahuli naming pagkikita ay sa States nang magpunta ako lately ro’n. Mabait si Dennis at nagkasundo agad kami sa hilig naming, sa kotse,” pahayag ni Lance.
***
Bilib na bilib naman si O’Hara kay Lance sa pagganap nito bilang Aguinaldo.
“Innate actor si Lance. He has the makings of a good actor,” sabi ni Mario.
Hindi magtataka si O’Hara kung mananalo si Raymundo nang pinakamahusay na aktor sa pelikulang ito.
Kahit ang may katawan mismo ay nagsasabing nais niyang magwagi ng award sa proyektong ito.
“I hope, I hope,” pamamag-asa ni Lance.
Star Patrol (for Saksi, May 26, 2010)
Boy Villasanta
Harold Montano, karagdagang alaga ni Maryo J. de los Reyes
HUMAHABA ang listahan ng mga alaga ni direktor Maryo J. de los Reyes.
Hindi pa nagkasya sa kanyang mahuhusay na aktor tulad ni Yul Servo at ni Isko Moreno at iba pang mga bituin, nadaragdagan pa ang talaan.
Pinakahuli ang mahusay na bituin na nakilala nang siya ay nagpupulupot ng ahas sa kanyang katawan, si Harold Montano.
Si Harold na dating alaga ni Edwin Guiquin.
Si Edwin ang unang nakadiskubre kay Montano at mula noon ay malayo na ang nakamtang papuri ng aktor.
Pero marami ngang ginagawang opisyo ni Guiquin kaya naman ipinasa na niya kay Maryo ang kanyang kaibigan at alaga.
***
Ang peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas ang unang nakatuklas sa bagong kabanatang ito sa buhay ni Harold.
Matatandaan noon na nakaladkad ang pangalan ni Dennis kay Montano nang siya ay paratangan na may crush sa seksing aktor.
Maraming nais itulong si Adobas kay Harold kaya naman nang magsimula nang mag-artista si Harold ay kung may maibibigay lang na trabaho si Dennis ay ora mismo, ilalatag niya ito sa paanan ni Montano.
Gaya na lang nang planuhin ni Mario O’Hara ang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio at ipasok sa bagong dibisyon ng Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines sa Open Category.
Nagustuhan agad ng mga hurado ang obra ni Mario kaya naman inokeyan agad ito ng pamunuan ng Cinemalaya.
Nang mag-casting ay nagpatulong si O’Hara kay Adobas.
Nakapagpasok si Dennis ng maraming artista sa proyekto tulad nina Kristofer King, Alvin Geda at Montano.
Ito ay bukod pa sa paghahanap ng mga kaukulang aktor sa mga nakalaang papel sa pelikula.
***
Nangahas si Dennis na tawagan agad si Harold dahil malapit siya sa aktor at sa naiisip niyang talent manager nito na si Edwin.
Pero nang sagutin siya ni Montano ay nabigla siya dahil ang sabi ni Harold ay kausapin si Maryo J. de los Reyes.
“Akala ko naman ay ‘yon lang, na baka may ka-conflict sa schedule ni Maryo sa shooting ni Mario O’Hara. ‘Yon pala, ang sabi ni Harold, si Maryo J. na ang kanyang manager,” sabi ni Adobas.
Kaya tinawagan ni Dennis si de los Reyes at ipinaalam sa kanya ang pagkuha kay Montano.
Nagpasalamat naman si Adobas kay Maryo at gayundin ang direktor.
Walang problema sa pagitan nina Maryo at Harold basta ipapaalam lang ang mga gawain nito sa bawat sandal.
***
Valdomero Aguinaldo ang gagampanang papel ni Harold sa “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio.”
Si Valdomero ay kapatid ni Emilio at napakalaki ng papel na ginagampanan sa buhay ng magiging unang pangulo ng rebolusyonaryong pamahalaan ni Aguinaldo sa pagbubukas at pagpihit ng bagong siglo.
Payat si Harold pero sa iskrin siyempre ay napakalaki niyang tao.
Guwapo pa rin si Harold at ang kanyang maamong mukha ay larawan pa rin ng respeto at magandang pakikipagkapwa.
Ayon kay Montano, wala pa siyang balak na bumalik sa Japan pagkatapos ng mahabang taon na nagtatrabaho niya roon.
“Pag hindi pa po ako sinuwerte sa showbiz ngayon, baka magbalik ako sa Japan,” pahayag ni Harold.
***
Samantala, naghihintay na sina Sergio Galang at Alvin sa pagtawag ni Dennis sa kanila para makasama sa pelikula ni O’Hara.
Ipinagmamalaki ni Sergio na mahusay na direktor si Mario at ang makasama sa proyektong kanyang hawak ay karangalan ng isang maliit na bituin na tulad niya na patuloy na naghihintay ng maganda at tamang break para sa isang may talentong indibidwal na tulad niya.
Si Geda naman pagkatapos na maaksidente ay naghahanap ng magandang kapalaran na makapagpapabago sa takbo ng kanyang buhay.
Muntik nang mamatay si Alvin sa sakuna nang magpabali-baligtad ang kanyang kotseng sinasakyan sa Santa Rosa, Laguna noong isang taon.
Matagal na naratay sa banig ng karamdaman si Geda at ngayong ikalawang buhay na niya ito, nangangako ang batang aktor na magbabago na sa kanyang pang-araw-araw na buhay.
“Gusto ko po, kahit may ma-extrahan lang para naman po makapagsimula ako nang panibago. Mag-aartista na talaga ako nang tuluyan at hindi na babarkada nang walang katuturan,” pangako ni Geda.
No comments:
Post a Comment