Sunday, May 9, 2010

Chanel Latorre ng “Latak” ni Jowee Morel, bida sa isang Hollywood film isu-shoot sa Hong Kong

BONGGA ang kinahihinatnan ng mga alaga at tuklas ng kontrobersyal na direktor na si Jowee Morel ng mga obrang pampelikulang “Moma,” “Ec2luv,” “Mga Paru-Parong Rosas (Pink Butterflies),” “Mona, Singapore Escort,” “When A Gay Man Loves,” “Latak,” “HiStory” at “Strictly Confidential.”

Noong una ay si Mercedes Cabral na nabigyan ng pagkakataon ni Brillante Mendoza na mapasama sa kanyang mga pang-internasyunal na likhang-sining tulad ng “Serbis” at “Kinatay (The Execution of P).”

Kahit na si Rey Rana ang nakadiskubre kay Mercedes, si Jowee naman ang unang nagpaganap sa kanya sa pelikula sa kontrobersyal na “Latak.”

Ikalawa’y si Geraldine Tan na ngayon ay umaani ng maraming tagumpay sa telebisyon, pelikula at patalastas.

Marami pang iba tulad ni Pia Millado na mabili rin sa maraming proyekto.

***

Ngayon naman ay si Chanel Latorre.

Si Chanel Latorre na isa rin sa mga bida ng “Latak” ng Outline Films.

Si Chanel Latorre na nababasa na ninyo sa pitak na ito noon pa pero dahil nga napakaraming kolum sa rito sa diyaryong ito at sa iba’t ibang pahayagan, natatabunan si Chanel lalo na pa gang kasabay niyang nalalathala ay mga gumaganap sa ABS-CBN o GMA Network o ngayong nadagdag pang malaki ang marketing na TV5 o mga artista ng Star Cinema o Viva Entertainment o Regal Films o Imus Productions o OctoArts o iba pang gumagastos at sikat sa publisidad na mga produksyon.

Pag wala pang larawan si Latorre sa pahina ay lalong hindi magmamarka puwera na lang kung nakakagimbal ang kuwento tungkol sa kanya.

Pero hindi naman nagpipilit si Chanel na mapansin ng mga Filipino kundi sapat na ang siya ay mapabilang sa larangang ito.

***

Aba, huwag isnabin ang kapalarang nasunggaban ngayon ni Latorre.

Aba’y sa dinami-dami ng mga Filipinang aktres na puwedeng gawing bida sa isang banyagang pelikulang Hollywood, e, si Chanel pa ang napili ng direktor at prodyuser na maging pangunahing papel sa istorya.

Gagampanan ni Latorre ang papel at bida sa pelikulang “Tess” na ididirek at ipoprodyus ni Craig Addison, isang TV at movie director na nakatutok sa Hong Kong pero maraming koneksyon sa Hollywood.

Ang “Tess” ay kuwento ng isang Overseas Filipino Worker o OFW na nagtatrabaho sa isang Amerikana pero biglang namatay ang kanyang amo at nag-iwan ng mga misteryo sa kamatayan nito na tanging si Tess lang ang nakakaalam.

Kaya nga nananabik na si Chanel na gampanan ang kanyang karakter na magsisimulang mag-shooting sa ika-24 ng Mayo, 2010 sa Hong Kong.

Naayos nang lahat ang mga papeles ni Latorre at luluwas na lang siya patungong HK sa ika-22 ng Mayo para sa preparasyon ng pelikula.

Labing-apat na araw ang shooting sa Hong Kong pero ayon sa aktres ay makakapunta pa siya sa Mainland China, sa Beijing o kung saan pa, sa Macau din, at babalik sa HK para ipagpatuloy ang kanyang trabaho.

O, hindi ba’t karangalan na naman ng mga Filipino ang pagkakasama ni Latorre sa pelikulang ito.

***

Tanging si Chanel lang ang artistang Filipino sa “Tess” dahil ang karamihan ay mga Amerikano’t Amerikana at mga Tsino at Tsina.

“Nakaka-excite na nga po,” pahayag ni Chanel.

Nakuha si Latorre sa kanyang mga larawan at sa audition video na kanyang ipinadala sa prodyuser na direktor.

Nagustuhan agad siya anya ni Craig at nagpadala na ng kontrata sa kanya.

Ipapalabas sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang “Tess” na tiyak na magdadala na naman kay Chanel sa tugatog ng tagumpay at sa bansang Pilipinas.

Star Patrol (for Saksi, May 9, 2010)

Boy Villasanta

Aktres ni Jowee Morel, bida sa Hollywood movie na gagawin sa Hong Kong

LILIPAD na patungong Hong Kong ang Filipinang aktres na si Chanel Latorre upang mag-shooting doon.

Teka, sino nga ba si Chanel Latorre?

Bakit biglang-bigla na lang ay pumailanglang ang kanyang pangalan?

Hindi naman talaga baguhan sa showbiz si Chanel.

Sa katunayan ay natutunghayan na ninyo siya rito sa mga pahina ng Bomba Balita at Saksi sa Balita.

Wala pa ngang masyadong pangalan at hukbo ng mga tagahanga at panaka-naka pa lang ang mga pelikula at telebisyon ni Latorre pero siya ay aktibung-aktibo na sa showbiz.

Masyado tayo kasing nakatutok lang sa mga sikat pero ang mga taong walang masyadong publisidad pero may mga karapatan ay hindi natin pinaglalaanan ng pansin samantalang mga artista rin sila.

***

Gayunman, si Chanel ay isang may sinasabing bituin sa lokal na showbiz.

Naitampok na siya sa maraming palatuntunan sa telebisyon at radyo.

May mga pelikula na rin siya kabilang ang “Latak” ng Outline Films na idinirek ni Jowee Morel.

Kasama rin si Latorre sa “1017” na nagtampok sa kauna-unahang pelikulang pagtatampok kay Zig Dulay at sa “Horizonte” na gawa rin ng direktor.

Nakalabas na rin siya sa pelikula ni WilFredo at iba pang mahuhusay bagamat bagitong mga manlilikhang pampelikula.

Nakalabas na rin siya sa Nation Broadcasting Network, ABS-CBN, GMA Network, Radio Philippines Network at sa mga radyong DWBL at iba pa.

Naging workshopper din si Latorre sa pag-arte sa GMA Network at nakasama niya sa palihan sina Fernando Josef, kilala rin sa tawag na Nanding Josef, ang artistic director ng Tanghalang Pilipino ng Cultural Center of the Philippines, Gina Alajar at marami pang iba.

Sa katunayan ay kilala sa GMA Artist Center si Chanel bilang Boom Latorre.

***

Malalayo na nga ang nararating ng mga bituin ni Morel sa “Latak.”

Noong una ay si Mercedes Cabral na nabigyan ng pagkakataon ni Brillante Mendoza na mapasama sa kanyang mga pang-internasyunal na likhang-sining tulad ng “Serbis” at “Kinatay (The Execution of P).”

Kahit na si Rey Rana ang nakadiskubre kay Mercedes, si Jowee naman ang unang nagpaganap sa kanya sa pelikula sa kontrobersyal na “Latak.”

Ikalawa’y si Geraldine Tan na ngayon ay umaani ng maraming tagumpay sa telebisyon, pelikula at patalastas.

Marami pang iba tulad ni Pia Millado na mabili rin sa maraming proyekto.

***

Ngayon naman ay si Chanel.

Ganito ang naganap sa magandang kapalaran ng aktres.

Naghahanap ng leading lady o title role ang banyagang filmmaker at producer na nagngangalang Craig Addison na nakabase sa Hong Kong.

May isa siyang proyekto na ang pamagat ay “Tess” na tungkol sa isang Overseas Filipino Worker o OFW sa Hong Kong na nanilbihan sa isang Amerikanang kamamatay lang.

Misteryoso ang pagpanaw ng Kana kaya naman naiwan kay Tess ang lahat ng mga ebisdensiya sa kamatayan nito.

Kaya sentro sa istorya ang pagkatao ni Tess na gagampanan ni Chanel.

Dahil nga naniniguro si Craig na hindi na magagastusan ang mga aktres na mag-o-audition sa Hong Kong dahil hindi naman sigurado kung sino ang matatanggap, ang ginawa ni Addison ay humiling sa mga aplikante ng mga litrato at kopya ng mga pelikulang nalabasan na.

Naging intresado si Latorre kaya wala namang mawawala kung sakali at magpadala siya.

Nang matanggap ni Addison ang mga materyales ni Chanel ay nagpadala rin ito ng bahagi ng iskrip na puwedeng gawan ng audition video ni Latorre.

Namuhunan lang nang konti si Chanel kaysa naman magpunta siya sa Hong Kong na hindi sigurado ang kanyang kapalaran.

Nagustuhan ni Craig ang ginawang audition video ni Latorre na pinagtulungan nila ng isang dating kasamahan sa technical staff ng Outline Films ni Morel.

At ang lahat ay kasaysayan na.

***

Ayon kay Chanel, mga pambatang TV show ang hawak ni Craig sa HK pero ngayon lang ito gagawa ng isang obrang pang-mature kaya nananabik din ang dayuhang filmmaker.

Ipapalabas sa Hollywood at iba pang mga lagusan ng pagtatanghal ang “Tess.”

Magsu-shooting na si Latorre sa HK sa ika-24 ng Mayo, 2010 at pupunta na siya dating Crown Colony sa ika-22 ng Mayo.

Fourteen days ang bilang araw ng shooting ng “Tess” at puwede ring magbakasyon ang aktres sa Mainland China, sa Macau o sa Beijing man lang, sa pagitan ng shooting.

Kaya bongga si Chanel sa mga Filipinang aktres ngayon.

Palakpakan natin siya at huwag isnabin.

No comments:

Post a Comment