Sunday, February 21, 2010

Manny Paksiw, Pipoy, Freddie Roots, Sergio Galang at Earl Gatdula, pinagkaguluhan sa Bagong Barrio



KUNG wala ang orihinal, bakit hindi pagtiyagaan ang gagad?

Ito ang kaugalian ng mga Filipino at kahit na ng iba pang mamamayan sa daigdig na nakapagtatawid sa atin sa mga pang-araw-araw na buhay kundi pa natin makamtan ang biyaya ng tunay.

Ganyan ang nangyari sa lamay sa patay sa Bagong Barrio kamakailan.

Sumakabilang-buhay ang kapatid ng peryodistang pampelikula at editor ng mga pahinang binabasa natin ngayon na si Art Tapalla na si Abad Tapalla at ibinurol siya sa Maneneng Street, Barangay 155, Bagong Barrio, Caloocan City.

Ang una nang pumunta at nakiramay sa patay ay kami ng kapwa peryodistang pampelikula na si Arthur Quinto.

Saksi rin ang peryodistang pampelikula na si Chat Santos sa pagkakagulo sa mga bituin sa lamay.

Ang iba pang taga-showbiz ay nagpadala na lang ng kani-kanilang donasyon at abuloy.

***

Dalawang araw bago ilibing si Abad ay nagtungo roon ang grupo ng mga artista sa pangunguna si Manny Paksiw.

Sino si Manny Paksiw?

Si Manny Paksiw ay ang gumagagad kay Manny Pacquiao na kamukha nga sa maraming anggulo ng orihinal na Pambansang Kamao.

Si Manny Paksiw ay co-host ng TV show na “Runnerspeak” sa QTV Channel 11 at naging pamoso sa mga programa ng ABS-CBN lalo na ng mga palatuntunan ni Dolphy na “Home Along Da Riles,” “Home Along Da Airport,” “Quizon Avenue” at iba pa.

Ngayon ay lumalabas si Paksiw sa “Ogag” sa Channel 5 pero ayon sa kanya, mawawala na ang programa pero ire-reformat lang.

Nang dahil sa kapapalabas lang na “Ogag,” pinagkaguluhan si Paksiw sa burol at kahit na ang isang lamay ay dapat tahimik, naghiyawan sa lugar kabilang ang mga bata sa pagtili kay Manny.

***

Hindi lang ang “Ogag” ang nagpahiyaw sa mga taga-Bagong Barrio kay Paksiw kundi ang kanyang pagiging kawangis ni Pacquiao.

Kuwela ang kanyang panggagaya sa boksingero.

Hindi mapuknat ang pag-usyoso ng mga taga-Bagong Barrio kay Paksiw at sa kanyang kasama na si Freddie Roots na impersonator naman ng manager ni Pacquiao na si Freddie Roach.

Kasama rin ni Paksiw si Pipoy, Jr., ang isa sa mga anak ni Pipoy, ang namayapang komedyanteng mataba at konsehal ng Maynila na si Larry Silva.

May grupo sina Paksiw, Pipoy, Jr. at Freddie Roots na magkiklik kung maaalagaan lang dahil pruweba ang kanilang pagtatanghal sa National Press Club kamakailan sa kaarawan ng pangulo ng National Press Club na si Benny Antiporda.

***

Hindi naman na-out of place sa grupo ang isang aktor na may pag-asa pa sa showbiz, si Sergio Galang.

Bagamat binansagan si Sergio na Joel Torro dahil kahawig umano siya ni Joel Torre, mas makabubuti na may sariling identity si Galang at hindi nanggagaya.

Matagal nang nag-aartista si Sergio at sa katunayan ay marami na siyang nalabasang pelikula at telebisyon kasama ang Hari ng Komedya na si Dolphy sa “Home Along Da Riles,” “Home Along Da Airport,” “Quizon Avenue” at iba pa at ang Pambansang Kamao sa mga pelikulang “Anak ni Kumander” at “Wapacman.”

Swak na swak si Galang kina Paksiw, Pipoy, Jr. at Freddie Roots.

Siya ang lumilitaw na lider ng barkada.

***

Pinagkaguluhan din sa lamay ng patay ang bagong alaga ng singer na si Phillip Gomez at ng beauty expert na si Ellen Lising.

Ang baguhang si Earl Gatdula ay hindi nakaligtas sa atensyon ng mga nakikipaglamay at maging ng mga kapitbahay ng patay sa mataong lugar ng Bagong Barrio.

Sino nga ba naman ang hindi hahanga sa angking kabataan, kasimpatikuhan at kasibulan ni Earl kaya nga ang mga kabataan sa Bagong Barrio ay animo’y nabulabog sa pagdalaw niya sa burol?

May mga nagpapirma na ng autograph kay Earl at namudmod siya ng kanyang limitadong bilang ng litrato sa fans.

Pero ang lagay na ‘yon ay hindi pa nasisilayan nang matagalan ang kaguwapuhan ni Gatdula sa telebisyon bagamat nakalabas na siya sa maikling papel sa “Maynila” ng GMA Network.

Nakikidalamhati sina Paksiw, Galang, Pipoy, Jr., Roots at Gatdula sa pagpanaw ng kapatid ni Art sa gitna ng parang piyestang atmospera ng lugar.

Inilibing noong Linggo ang nakababatang utol ni Art.

Star Patrol (for Saksi, February 23, 2010)

Boy Villasanta

Double ni Manny Pacquiao na si Manny Paksiw, Pipoy, Freddie Roots, Sergio Galang at Earl Gatdula, pinagkaguluhan sa lamay sa patay

MALAYO na ang naaabot ng acting career ng tagapaggagad ni Manny Pacquiao na si Manny Paksiw sa tulong ng panggagaya at telekomunikasyon.

Ito ay muling napatunayan sa lamay sa patay at iba pang okasyon na pinupuntahan ni Paksiw.

Tayong mga Filipino at kahit na ang iba pang mamamayang daigdig ay nagkakasya na rin sa pagtanghod at pagmalas sa mga impersonator ng mga sikat na tao sa mundo.

Hindi nga ba’t nang sumikat ang Beatles ay nagsulputang parang mga kabuti ang iba pang banda sa buong mundo at ginaya bagamat may inilahok na iba sa kanilang mga tirada ang mga Gary Lewis and the Playboys, Spiral Starcase, Mamas and the Papas, Monkeys at marami pang iba bukod pa sa panggagaya ng mga Filipino sa pagtatayo ng banda?

***

Hindi masamang manggaya bastat para sa kabutihan ng sangkatauhan ang mga layon ng panggagagad at hindi nagnanakaw ng mga ideya sa ginagaya kundi ang pagpapalaya sa isipan at damdamin ng mga mamamayan.

Hindi nga ba’t si Willie Nepomuceno ay kilalang impersonator ng mga tanyag at makapangyarihang mga nilalang sa planetang ito na kung tawagin ay mundo pero mapagpalaya ang kanyang panggagagad.

Sa Pilipinas at sa iba pang panig ng daigdig, sangkaterba ang nanggagaya sa mga sikat at asensadong mga tao sa iba’t ibang larangan.

At sila ay hinahangaan din.

Isa na rito si Manny Paksiw na ginagagad ang Pambansang Kamao na si Pacquiao.

***

At pinapalakpakan si Paksiw.

Saksi kami sa paghanga sa kanya ng mga tao sa kanyang pagtatanghal kasama sina Pipoy, Jr., ang anak ng yumaong komedyante na si Larry Silva, also known as Pipoy, at Freddie Roots, ang impersonator naman ng manager ni Pacquiao na si Freddie Roach, sa National Press Club kamakailan sa pagdiriwang ng presidente ng NPC na si Benny Antiporda.

May agarang espesyal na bilang sina Paksiw, Pipoy, Jr. at Freddie at may mararating ang tatlo kung hahasain at pakikinisin pa nila ang kanilang pagpapatawa.

Hindi rin nagpahuli si Sergio Galang, ang aktor na binansagan nina Paksiw na Joel Torro dahil kahawig umano siya ni Joel Torre.

Pero hindi kasama sa pagtatanghal si Sergio kundi nasa isang sulok lang siya at nagmamasid sa mga kaganapan ng okasyon.

May sarili ring drama si Galang na kaiba sa mga dula nina Paksiw, Pipoy at Freddie.

Matagal na sa showbiz ang apat na ito.

Sina Sergio at Manny ay naitampok na sa mga TV sitcom na “Home Along Da Riles,” “Home Along Da Airport,” “Quizon Avenue” at marami pang iba.

Nakalabas na rin si Galang sa mga pelikula at mahalaga ang kanyang papel sa mga pelikula ni Pacquiao na “Anak ni Kumander” at “Wapacman.”

Si Paksiw ay may sarili niyang TV show, ang “Runnerspeak” sa QTV Channel 11 at naggi-guest siya sa “Ogag” ng Channel 5.

Itong paglabas niya sa “Ogag” ang natatandaan ng mga kabataan sa lamay ng kapatid ni Art Tapalla, isang peryodistang pampelikula at patnugot ng entertainment pages ng tabloid na ito, na si Abad Tapalla sa Bagong Barrio sa Caloocan City.

Kaya pinagkaguluhan si Paksiw ng mga kabataan at iba pang klase ng tao sa burol.

***

Hinangaan naman si Pipoy kahit na manaka-naka ay nagnanakaw siya ng tulog at si Roots ay gitara lang naman ng gitara.

Nakakabilib ang pagsasamahan nina Sergio, Paksiw, Pipoy at Roots kahit na magkakakompitensiya sila sa larangan.

Magkakakompitensiya sila dahil pare-pareho sila public figure na nagnanais na makakuha ng atensyon ng publiko sa pangkalahatan.

Barkada sila at si Galang ang siyang tumatayong parang lider o tagapag-ugnay sa maraming paraan.

***

Pinagkaguluhan din sa lamay ang baguhang batang aktor na si Earl Gatdula na anak-anakan ni Cristy Fermin at opisyal na hawak ng singer na si Phillip Gomez.

Halos mga kabataang babae at bading naman ang nag-usyoso kay Earl na kahit na sa “Maynila” pa lang ng GMA Network nakalabas ay may panghalina na sa mga tagahanga lalo na ang kanyang kasimpatikuhan at kabataan.

Malapit na siyang ilunsad nang opisyal bilang pangunahin ngayong tagapag-endorso ng beauty expert na si Ellen Lising.

Sa burol ay talagang marami ang nagpalitrato at nagpapirma ng autograph kay Gatdula. May kumuha rin ng kanyang Facebook at cellphone number.

Nakikidalamhati sina Earl, Paksiw, Pipoy, Freddie at Sergio sa mga Tapalla.

Nakiramay rin ang peryodistang pampelikulang si Chat Santos.

Inihatid sa huling hantungan si Abad noong Linggo.

No comments:

Post a Comment