Saturday, February 27, 2010

Concert ni Willie Revillame, dinumog


PATI konsyerto ni Willie Revillame ay dinudumog.

Tulad na lang nang kanyang pagtatanghal sa Mall of Asia sa Pasay City kamakailan.

Kung paniniwalaan ang sinabi ni Andrew E. sa kanyang spiel sa pagitan ng kanyang pagra-rap, isandaang libong katao ang nanood ng kanilang show.

Ayon naman sa isang security guard ng pagtitipon, humigit-kumulang sa tatlumpung libong katao ang sumaksi sa “Wowowillie meets Rockatropa (Konsyerto para sa Bayan).”

Sinabi naman ng mahusay na peryodistang pampelikula ng ABS-CBN news on line na si Reyma Buan Deveza, noong una ay nakalimampung libong manonood ang show ni Willie pero habang lumalaon ay nadadagdagan ang mga nais mamalas ang komedyanteng singer na TV host.

“More or less po, mga one hundred thousand ang tao na ito at tingnan naman po ninyo, marami pang magdaratingan,” pahayag ni Deveza.

Kasama ni Reyma ang peryodista ring pampelikula na si Ginger Conehero, ang isa sa mga Star Patroler ng “TV Patrol.”

***

Wala namang bagong kantang inawit si Revillame pero talagang mahal na mahal siya ng mga ordinaryong tao na umaga pa lang ay nasa concert grounds na ng MOA para makapuwesto nang maganda sa panonood.

Ang unang bahagi ng palatuntunan ay ang pagkanta ng mga panauhing pandangal tulad nina Andrew at Cristine Reyes at kinalaunan sa bandang gitna ay tinawag na ng mga hosts na sina Randy Santiago, Nicole Eyala, Christsuper at John Estrada ang Kembot Girls na parang Sexbomb Girls, EB Babes, D’ Bodies, Baywalk Bodies at iba pang all-female sexy group sa showbiz.

Pagkatapos ay lumabas na si Willie kaya hindi na magkangmayaw ang mga tao.

Habang kumakanta si Revillame ng mga kuwelang “Giling-Giling,” “Ikembot Mo,” “Tararan” at iba pa ay naghahagis siya ng parang jacket ng “Wowowee” sa mga tao na lalo pang nagpataas ng lagnat ng mga tagahangang hiyaw nang hiyaw at sigaw nang sigaw kay Willie.

***

Hindi pa nagkasya ay bumaba pa si Revillame sa audience na lalo pang nagpasaya sa marami.

Kumanta rin si Sarah Geronimo na talagang pinalakpakan nang husto ng mga tao.

Masang-masa talaga sina Willie at Sarah.

Naranghita ang kabuuang kulay ng paligid na kulay pulitikal.

Ang pagtatanghal ay prinodyus ni Camille Villar.

Nagtanghal din ang mga bandang Sandwich, Juan de la Cruz, Bamboo at Parokya ni Edgar na lalo pang nagpalugso ng buong concert ground.

Dumalaw din ang mga peryodistang pampelikula, ang direktor ng “Wowowee” na si Edgar Mortiz, Valerie Concepcion, Daisy Romualdez, Bentong at marami pang iba.

***

Hindi matatawaran ang panghatak sa madla ni Willie gayundin ang kanyang talento sa golf.

Mapapatunayan ito sa paglalaro nila ng aktor na si Sergio Galang.

Nakakapaglaro ang dalawa kahit na noong wala pang masyadong ginagawang pang-araw-araw na TV show si Willie at madalas siya sa Cabantuan City sa Nueva Ecija.

Magkababayan pa mandin sina Revillame at Sergio kaya madalas silang magkita.

Kamakailan naman ay solong naglaro sa Intramuros Golf Club si Galang at ito ang kanyang pamamaraan ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Maghapong nag-golf si Sergio at ayon sa kanya, ito lang ang kanyang libangan pag walang trabaho sa showbiz at sa Ninoy Aquino International Airport.

Madalas manalo si Galang sa mga torneyo ng golf, ayon sa kanyang mga kabagang na sina Manny Paksiw, Pipoy, Jr. at Freddie Roots.

***

Nakipagdiwang kami ni Art Tapalla ng isang simpleng kumpleanyo kay Galang sa Intramuros Club noong isang linggo.

Psices din pala ang zodiac sign ng aktor tulad rin nina Ramon Revilla, Sr., Arthur Quinto, Angelique Lazo at marami pang iba.

Sinabi ni Sergio na madalas din niyang makalaro sa golf sina Arnold Clavio, Vic Sotto at marami pang iba at bilib siya sa husay ng mga ito sa pagtira sa golf course.

Star Patrol (for Saksi, March 1, 2010)

Boy Villasanta

“Wowowillie meets Rockatropa (Konsyerto para sa Bayan)” ni Willie Revillame, humugos sa tao sa MOA

MULING pinatunayan ni Willie Revillame na nakaputong pa rin sa kanya ang korona ng isa sa pagiging sikat na sikat at pinipilahang aktor sa pelikula at telebisyong Filipino.

Patunay nito ang nakaraan niyang concert sa Mall of Asia sa Pasay City kamakailan.

Pumutok sa tao ang concert grounds dahil umaga pa ay marami nang nakapila sa labas ng binakuran ng mga yerong lugar para lang makapuwesto nang maganda sa pagtanghod kay Willie na kahit walang bagong kanta ay pinalakpakan para sa kanyang pagpunta roon nang personal.

Alas siyete nagbukas ang pinto ng pagtatanghal at itinaas ang mga kurtina ng palabas sa pamamagitan ng pagho-host nina Randy Santiago at John Estrada, ang mga dating co-host ni Willie sa “Magandang Tanghali, Bayan” ng ABS-CBN noon.

***

Naabutan naming kumakanta si Cristine Reyes sa harap ng sanlaksang manonood na tinataya ng isang security guard na umaabot na limampung libong tao.

Sinabi naman ni Andrew E. sa pagitan ng kanyang spiel na mga isandaang libong pipol ang pumunta pa nang personal sa MOA para lang makasama si Revillame.

Ayon naman sa peryodistang pampelikula na si Reyma Buan Deveza ng ABS-CBN news on line, kaninang may araw pa ay mga tatlumpung libong katao ang laman ng concert grounds pero habang lumalaon ay nadaragdagan ang mga tao kaya mas malamang nga anya ay pitumpu’t lima hanggang isangdaang libong tao ang sumaksi.

Orange ang kulay ng kapaligiran at pulitikal ang pintig ng gabing ‘yon.

***

Nang tawagin na nina Randy at John ang Kembot Girls, ang regular na sumasayaw sa “Wowowee” ng Channel 2, talagang parang magigiba na ang kalupaan ng MOA.

Ito na ang hudyat ng paglabas ni Willie at hindi nga naglaon ay pumanhik na sa tanghalan ang bituin at kumanta’t sumayaw.

Bukod rito ay naghagis pa ng parang jacket na mula sa “Wowowee” si Revillame sa pagitan ng kanyang pagkanta at pagsayaw.

Bumaba pa sa tanghalan ang aktor at personal na nakipagkamay sa mga tao.

Ito ang isang nakapagpapalapit kay Willie sa mga taumbayan kaya naman mahal siya ng mga ito.

Matagal na nagsayaw at umawit si Revillame na kabuntot lagi si Bentong.

***

Si Willie rin ang tumawag kay Sarah Geronimo at sa mga batang taga-Baseco at San Juan na kumanta na parang “We are the World” na pambatang bersyon at pam-Filipinong konteksto.

Popular na popular talaga sa balana si Sarah at ang kanyang talento sa pag-awit ay hindi matatawaran.

Gayundin, nagpakuwela ang mga hari at reyna ng Love Radio na sina Christsuper at Nicole Eyala bilang kahalinhinang emcee nina Santiago at Estrada.

Pati na ang mga bandang Sandwich, Parokya ni Edgar, Juan de la Cruz at Bamboo ay hindi nagpahuli sa kanilang pagrakrak.

Kulang na lang ay sina Pokwang at Mariel Rodriguez para masabing kumpleto na ang barkada ng “Wowowee” samantalang nakaitim na dumating si Valerie Concepcion na pinagkaguluhan hindi lang nina Randy at John kundi ng mga tao, lalo na.

Kinanta ni Willie ang “Ikembot Mo,” “Giling-Giling,” “Tararan” at iba pa sa kasiyahan ng kanyang mga tagahanga.

***

Kung magaling sa concert na campy si Willie ay mahusay rin siya sa golf.

Mapapatunayan ito sa paglalaro nila ng aktor na si Sergio Galang.

Nakakapaglaro ang dalawa kahit na noong wala pang masyadong ginagawang pang-araw-araw na TV show si Willie at madalas siya sa Cabantuan City sa Nueva Ecija.

Magkababayan pa mandin sina Revillame at Sergio kaya madalas silang magkita.

Kamakailan naman ay solong naglaro sa Intramuros Golf Club si Galang at ito ang kanyang pamamaraan ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Maghapong nag-golf si Sergio at ayon sa kanya, ito lang ang kanyang libangan pag walang trabaho sa showbiz at sa Ninoy Aquino International Airport.

Madalas manalo si Galang sa mga torneyo ng golf, ayon sa kanyang mga kabagang na sina Manny Paksiw, Pipoy, Jr. at Freddie Roots.

***

Nakipagdiwang kami ni Art Tapalla ng isang simpleng kumpleanyo kay Galang sa Intramuros Club noong isang linggo.

Psices din pala ang zodiac sign ng aktor tulad rin nina Ramon Revilla, Sr., Arthur Quinto, Angelique Lazo at marami pang iba.

Sinabi ni Sergio na madalas din niyang makalaro sa golf sina Arnold Clavio, Vic Sotto at marami pang iba at bilib siya sa husay ng mga ito sa pagtira sa golf course.

No comments:

Post a Comment