Thursday, June 10, 2010

Dulce, pinasalubungan ng gintong hikaw at kuwintas ng isang Kuwaiti

MARINGAL at marangal ang premiere showing kamakalawa ng gabi ng pelikulang “Emir” ng Film Development Council of the Philippines sa pakikipagtulungan ng Cultural Center of the Philippines.

Nakalagay sa imbitasyon na 6:15 pm ay kailangang nakaupo na ang mga bisita dahil darating at uupo na sa kanyang trono si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Protocol ito para sa isang pangulo ng bansa lalo na pag siya ay imbitado sa isang okasyon na panteatro.

Kaya nga marami na ang nasa loob ng Cinema 9 ng SM Megamall dahil nga sa nakalagay sa imbitasyon bagamat marami pa ring nangagtayo sa labas at nagkukuwentuhan.

Nakita namin si direktor Tikoy Aguiluz at kausap ang ANS-CBN Entertainment Bureau Chief na si Mario V. Dumaual at ang taga-GMA Network na si Lhar Santiago.

***

Nandoon din sa sosyalan sa labas ang dating presidente ng Cultural Center of the Philippines na si Nestor Jardin. Pero pagkatapos ng pagtatanghal ng “Emir” ay tinanong agad namin si Nestor kung paano maging Associate Producer ng pelikula.

Si Jardin kasi ang siyang unang nakipagnegosasyon kaugnay sa produksyon ng “Emir” nang siya ay pangulo pa ng CCP noong Pebrero noong isang taon.

Paano nakuha ng FDCP at CCP ang halagang P50 milyon para ilagak sa mga kumpanya?

“We applied for a grant. We were given partly of the budget,” pahayag ni Jardin.

Si Lupita Aquino-Kashiwahara, ang dating Lupita Aquino-Concio na kapatid ni Benigno Aquino, Jr., ang siyang katuwang ni Nestor sa pagbubuo ng ideya dahil ang direktora ang kasama ni Gloria Macapagal-Arroyo sa Kingdom of Bahrain nang magsalita ang isang bagets na Arabong lalaki ng diretsong Tagalog at Ilocano.

Ito ang ugat ng ideya ng “Emir.”

***

Maaga pa ay nasa lobby na ng sinehan si Dulce, ang mang-aawit na makabasag-pinggan ang tinig.

Kasama siyempre ni Dulce ang kanyang mister na si Bernard na talagang napakasuyo at napakamaasikasuhin sa esposa.

Makikinang ang mga alahas na nakasabit sa katawan ni Dulce—at ang mga ito ay ginto.

Mula sa isang babaing Filipinang nakapangasawa ng Kuwaiti ang mga gintong kuwintas at hikaw.

“Maria Handa came to the country all the way from Kuwait just to bring me these,” pahayag ni Dulce kaugnay sa mga alahas na suot-suot.

Maliban sa mga purselas, ang mga kuwintas at hikaw ni Dulce ay si Maria mismo ang nagdisenyo dahil may mga pagawaan siya ng mga ganitong alahas.

Mahal na mahal talaga ng mga Handa si Dulce.

Matingkad ang partisipasyon ni Dulce sa “Emir” at talagang siya ay mapagkakatiwalaang alagad ng sining.

***

Maganda ang batambatang si Frencheska Farr na siyang bida sa pelikula.

Naka-gown ng mocha si Frencheska na may dugong-English pala.

Mahusay rin si Farr sa pelikula kahit ito ang kanyang kauna-unahang paglabas sa puting tabing.

Nandoon din ang iba pang lumabas na yaya sa pelikula—na tungkol sa pag-aalaga ng OFW na si Amelia mula sa Ilocos sa asawang buntis ng sheik at nagyaya sa anak na bagets ng hari at reyna—na sina Kakila Aguilos, Beverly Salviejo at Liesl Batucan.

Sina Sid Lucero at Jhong Hilario ay hindi rin nawala sa pagtitipon dahil mahahalaga ang mga papel nila sa pelikula.

Dumating din ang prodyuser ng Premiere Productions na si Digna H. Santiago at ang asawa ni Romy Suzara na si Lally Suzara.

Nakita rin namin ang mga National Artist na sina Eddie Romero, Salvador Bernal at Bienvenido Lumbera gayundin ang tagapagtuklas at tagapag-alaga ng mga baguhan sa showbiz na si Arsi Baltazar.

Ang mga peryodistang pampelikula na sina Emy Abuan, Crispina Martinez-Belen, Arthur Quinto, Marinel Cruz, Noel Orsal, Dennis Adobas, Jocelyn Dimaculangan, William Reyes at iba pa ay dumalo.

At nakakagulat ang pagdating ng bagitong si Mavi Lozano, anak ng kaibigan ni Douglas Quijano na si Marlon Lozano at ng jazz singer na ngayon ay nagtatrabaho sa GMA Network na si Elaine Carriedo.

Pamangkin din ni Byron Lozano, ang isa sa mga StarBrighters ni Boy C. de Guia, si Mavi na nakakontrata sa Associated Broadcasting Corporation o Channel 5.

Siyempre, hindi nawala si Chito S. Roño, ang director ng obra.

Star Patrol (for Saksi, June 10, 2010)

Boy Villasanta

Gintong hikaw at kuwintas, handog ng isang Kuwaiti kay Dulce

HINDI na talaga maabot ang mahusay na mang-aawit at aktres na si Dulce.

Bukod sa kanyang masayang pamilya ay napakaligaya rin ng propesyon ng bituin.

Ito ay napatunayan sa pagtatampok sa kanya ni Chito S. Roño sa pelikulang “Emir” ng Film Development Council of the Philippines at Cultural Center of the Philippines.

Bongga ang papel ni Dulce bilang mayor-doma sa pelikulang ito na nagpapakilala kay Frencheska Farr, ang tsampyon sa “Who Will Be the Next Big Star?” ng GMA Network.

Marami ang pumuri sa pagganap ni Dulce at maluha-luha nga ang bituin sa kanyang natatanggap na mga kritisismo dahil nanggagaling sa kanyang kaibuturan ng puso at isip ang pag-arte sa kanyang karakter.

Mas malamang kaysa hindi ay nominado si Dulce sa mga award-giving body sa susunod na taon.

***

Ang isa pang kahusayan ni Dulce ay ang kanyang pakikisama sa mga tao.

Nang dahil sa kanyang taos sa pusong pakikilahok at pakikisamaluha sa kapwa, nakakamtan niya ang mga biyayang kaakibat nito.

Ang dami niyang mga kaibigan na nagmamahal sa kanya sa loob at labas ng showbiz.

Isa rito si Angelique Lazo na nagkasama lang sila noong 1988 sa mga palabas sa Gitnang Silangan ay malapit na malapit na agad sila sa isa’t isa.

Marami pa silang malapit at kaibigan ni Dulce at ang pinakahuli nga ay si Maria Handa na isang Filipina pero nakapangasawa ng isang Kuwaiti.

Nakabase sa Kuwait si Maria at may pagawaan ng mga alahas.

Si Handa rin ang nagdidisenyo ng mga alahas na ito at sinampolan niya si Dulce kamakailan.

Alam ba ninyong dumating lang si Maria sa Pilipinas kasabay ng premiere showing ng “Emir” para dahil kay Dulce ang mga hikaw at kuwintas na ginto na ipapalamuti ng mang-aawit sa kanyang katawan sa okasyon?

***

“We’re best of friends,” pahayag ni Dulce at sinang-ayunan naman ni Maria.

Nasa Pilipinas din si Handa upang tingnan ang pagpapagawa niya ng bahay sa Ayala Westgrove.

Hindi na maitatatwa ang magandang pagsasamahan nina Dulce at Maria at kahit ang asawa ng singer na si Bernard ay malapit na malapit din sa mabait na Pinay.

Wala rin namang kasimbait si Bernard kaya nagkakasundo sila ni Dulce.

Sa totoo lang, walang pakialam si Bernard kung siya man ang tagabitbit ng bag ng esposa dahil ipaglalaban at paglilingkuran niya nang tapat ang asawa.

Isa rin ito sa magagandang kapalaran ni Dulce sa kanyang buhay na hindi naman niya hinihintay kundi bastat dumarating na lang nang kusa.

***

Matagumpay ang unang araw ng pagtatanghal ng “Emir” na tungkol sa isang Overseas Filipino Worker o OFW na taga-Ilocos na nagngangalang Amelia na naging yaya ng asawa ng isang sheik sa Middle East at nag-alaga sa magiging anak nito na isang lalaki.

Nang lumalaki na ang anak ng hari at reyna na si Ahmed, si Amelia rin ang nagturo sa kanya ng mga kulturang Filipino kabilang ang wika at mga kalakaran sa buhay-Filipino.

Ito ang ugat ng ideya ng “Emir.”

Nasaksihan ito ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Kingdom of Bahrain nang siya ay tanggapin doon bilang bisitang pandangal.

Nag-alay kay PGMA ng isang masaganang tanghalian ang sheik ng kaharian.

Kasama ni Gloria nang mga panahong ‘yon si Lupita Aquino-Kashiwahara, ang dating si Lupita Aquino-Concio, ang tiya nina Kris Aquino at Benigno Simeon Aquino III at siyempre’y kapatid ni Benigno Aquino, Jr.

Nagulat na lang sina Macapagal-Arroyo at Lupita nang may magsalitang bagets na Arabo at diretso ang pagta-Tagalog at pag-i-Ilocano ng tine-edyer.

Dito nakaisip sina GMA at Aquino-Kashiwahara na bakit hindi gawan ng pelikula ang tagping ito.

***

Pagbalik sa Pilipinas ay kinausap agad ni Lupita si Nestor Jardin na noon ay pangulo pa ng Cultural Center of the Philippines.

Nag-usap nang masinsinan ang dalawa at inihain ni Aquino-Kashiwahara ang ideya na agad namang sinang-ayunan ni Nestor.

Ang ginawa ni Jardin ay nag-apply siya ng grant sa President’s Social Fund para matustusan ang proyekto.

At nakakuha siya, ani Jardin, ng bahagi ng limampung milyong piso para sa halaga ng produksyon.

Pero magreretiro na nga si Nes noong Pebrero noong isang taon kaya ipinasa niya kay Jackie Atienza ng FDCP ang proyekto na agad namang sinalo nito.

Kaya magkakatuwang sa ideyang ito sina Macapagal-Arroyo, Aquino-Kashiwahara, Jardin at Atienza.

Kaya naman ang Pangulo ng Pilipinas ay presente sa premiere night ng pelikula kamakalawa sa Cinema 9 ng SM Megamall.

Nandoon din siyempre sina Nestor at Jackie.

***

Sinu-sino pa nga ba ang nasa pagtitipong ‘yon?

A, ang peryodistang pampelikulang si Arthur Quinto kasama si Art Tapalla.

“Nandito rin nga si Emy Abuan pero nauna na nga yatang umalis,” pahayag ni Arthur.

Nandoon din sina Crispina Martinez-Belen, Nards Belen, Marinel Cruz, Jocelyn Dimaculangan, Dennis Adobas, William Reyes, Mario Dumaual, Lhar Santiago, Gorgy Rula at marami pang iba.

Ang mga gumanap na iba pang yaya sa pelikula na sina Liesl Batucan, Kakila Aguilos at Beverly Salviejo ay mga bonggang-bongga sa kanilang pormal na mga kasuotan.

Nandoon din ang filmmaker na si Tikoy Aguiluz at nasa audience na si Bodjie Pascua.

Tatlo sa magigiting na Pambansang Alagad ng Sining ay sumaksi sa makasayayang okasyong ito na sina Bienvenido Lumbera, Salvador Bernal at Eddie Romero.

Ang talent scout at tagapag-alaga ng mga artista sa GMA Network na si Arsi Baltazar ay hindi nawala sa pagdiriwang gayundin ang dalawang leading man sa pelikula na sina Jhong Hilario at Sid Lucero.

Siyempre, mawawala ba si Chito S. Roño, ang kapitan ng barko ng obra?


No comments:

Post a Comment