Thursday, March 11, 2010

Kris Aquino, pinatawad na si Cristy Fermin sa pakikiramay sa ina ng TV hostess


DAHIL hindi sinasanto ni Cristy Fermin sa kanyang katarayan si Kris Aquino, hindi tinatantanan ng peryodistang pampelikula ang aktres sa bawat galaw nito.

Kumbaga sa paglatay ng latigo ay duguan na si Kris sa paghagupit ni Cristy sa kanyang mga sulatin at lathalain.

Dating magkasama sa “The Buzz” ng ABS-CBN sina Fermin at Aquino katuwang si Boy Abunda pero wala na nga sa programa si Cristy.

Lalo pang umangil si Fermin kay Aquino nang hindi na sila magkasama sa isang palatuntunan.

Hindi nalilingid kay Kris na tinatarayan siya ni Fermin dahil pampubliko naman ang paglalahad nito ng kanyang mga sentimiyento laban sa aktres.

***

Pero pinaandar ni Aquino ang kanyang kababaang-loob sa pamamagitan ng pagpunta sa burol ng ina ni Cristy kamakailan.

Namatay sa katandaan si Felina S. Fermin, ang nany ni Fermin sa edad na nobenta y otso.

“Dalawang taon na lang at perpekto nang siyento por siyento ang nanay ko,” pahayag ni Cristy sa tapat ng kabaong ng kanyang ina noong Martes ng gabi sa Funeraria Nacional sa Araneta Avenue sa Lunsod ng Quezon.

Ang tatay naman pala ni Cristy ay namatay sa edad na otsenta y otso.

Aba, ibang klase ng lahi nina Cristy sa tagal ng buhay.

Pagkatapos ng maikling kuwentuhan ay umupo na kami at nagyayang kumain si Fermin pero katatapos lang naming maghapunan ng peryodistang pampelikulang si Arthur Quinto sa Starmall.

Nagdiwang kamakailan ng kaarawan si Arthur pero wala silang inihandang piging bagkos ay inalayan lang siya ng fashion designer na si Albert Minguez ng isang dinner sa Mann Hann kasama ang mga movie writer na sina Emy Abuan at Art Tapalla at ang talent manager na si Nelia Lim.

Kaya huli man daw at magaling ay naghapunan din kami ni Quinto bago kami makipaglamay kay Gng. Fermin.

***

Dumating sa burol sina Ted Failon, ang batambatang aktor na si Earl Gatdula kasama ang kanyang talent manager na si Phillip Gomez, Letty G. Celi, Vir Gonzales, Rommel Gonzales, Jinggoy Estrada, Mona Patubo, Jude Estrada, Virgie Balatico, Darius Razon, Daddy Wowie, Ambet Nabus, Malu Barry, Malou Choa-Fagar, Allan Diones, Aiko Melendez at marami pang iba.

Pagkuwan ay bigla na lang humahangos ang isa sa mga alalay ni Fermin at hindi pa ito nakakalapit nang husto kay Cristy ay nandito na at pumapasok na ng kapilya si Kris Aquino kasunod si Jude.

May kasamang isang alalay si Aquino.

Dumiretso si Kris kay Cristy at nagtanim ang aktres ng halik sa TV hostess.

Sumulyap si Aquino at si Fermin sa mga huling labi ni Aling Felina at pagkatapos ay nagkuwentuhan na silang dalawa.

Nakapamaypay si Cristy at siyempre’y na sorpresa siya sa pagdalaw ng kanyang tinitira.

Pero nagpakita naman ng kanyang sibilidad si Fermin at sinabi nga niyang siya naman ay nag-aral kaya hindi siya walang modo.

***

Pagkuwan ay ipinakilala ni Cristy si Kris sa kanyang mga kaibigan at kaanak na hindi nag-aksaya ng panahon na makipag-picture-an kay Kris sa gitna ng lamay.

Buong puso namang nakibahagi ang bituin sa mga kahilingan ng mga pinsan at kaibigan ng namatayan.

Ipinakilala rin ni Cristy si Kris sa kanyang mga kasamahan sa showbiz at pangkalahatan ang ngiting isinabog ng aktres sa lahat.

Pagkuwan ay umupo na siya sa isang bakanteng silyang mahaba.

Si Cristy naman ay umupo sa kanyang unahan na nakaharap sa bisitang pandangal.

***

Isang pagpapakumbaba na naman ang ginawa ni Kris para sa kanyang kapwa.

Kung siya man ay binabato ng bato ng kanyang kaaway, binabato naman niya ng tinapay ang mga umaaway sa kanya.

Isa itong Kristiyanong katangian ng isang nilalang na isinasapraktika ng bituin sa kanyang mga ginagawa sa pang-araw-araw na buhay.

Hindi nga ba’t bago mamatay ang ina ni Cristy ay humingi naman siya ng paumanhin kay Ruffa Gutierrez na nagtampo sa kanya nang magkomento siyang “di ba, iba rin ang level ng saya rito” na ang tinutukoy ay ang ABS-CBN at ang “The Buzz”?

Lilipat na kasi si Ruffa sa Associated Broadcasting Corporation o ABC Channel 5 na mas kilala sa tawag na TV5 at nasabi nga ni Kris ang kanyang saloobin.

Nagdamdam si Gutierrez kaya nag-apologize si Aquino sa kanya kamakailan.

Nang magpaalam nga kami kay Cristy ay binulungan namin si Kris ng “that was magnanimous of you.”

Kasi nga’y kumain na naman siya ng humble pie.

Star Patrol (for Saksi, March 12, 2010)

Boy Villasanta

Kris Aquino, kumain ng humble pie sa kamatayan ng ina ni Cristy Fermin

HUWAG nang silipan ng intriga at ibang kahulugan ang ginawang pagdalo ni Kris Aquino sa lamay sa patay kamakailan.

Hindi nga ba’t namatay ang nanay ng peryodistang pampelikula na si Cristy Fermin kamakailan?

Namatay sa katandaan ang ina ng TV hostess at peryodistang pampelikula sa gulang na nobenta y otso.

Ma-take mo na ang tagal-tagal ng buhay ng ina ni Cristy?

Talagang mana sa tatag ng buhay si Fermin sa tagal ng pakikipagsapalaran sa mundo ng kanyang mga magulang.

Alam ba ninyo na sa edad otsenta y otso namatay ang ama ni Fermin?

***

Alam ng lahat na tinitira ni Cristy si Kris sa kanyang mga kolum sa mga pahayagan, isang bagay na alam ng aktres dahil lantad naman ang mga pahina ng diyaryo sa lahat para basahin.

Talagang hindi nagsasawa si Cristy na birahin si Kris.

Para kay Aquino ay kalayaan ito sa pamamahayag at alam niya ang ibig sabihin ng demokrasya.

Kaya naman siya ay mapagpakumbaba.

Nang mamatay ang ina ng tumitira sa kanya ay malungkot pa siyang nakipaglamay.

***

Mga mag-aalas nuwebe ng gabi kami nakarating sa Funeraria Nacional sa Araneta Avenue noong Martes.

Pag-akyat namin sa ikalawang palapag ng punerarya ay namulatawan na namin sa mesa si Ted Failon.

Pagkatapos ay nakita namin si Earl Gatdula, ang guwapitong bagets na alaga ni Phillip Gomez.

Gayundin, sinamahan kami ni Phillip kay Cristy at tinamnan namin ng pakikiramay na halik ang TV host.

Pagkatapos ay sabay naming sinulyapan ang mga labi ng kanyang ina at nagkuwento nga siyang malapit nang mas isandaang taon ang kanyang ina.

***

Nang paupo na kami sa isang mahabang silya ay natanaw namin si Vir Gonzales na katabi ang mga kaibigan niya sa showbiz.

Tumabi na rin kami kay Vir at sumunod sa amin sina Phillip at Earl kasama ang nakababatang kapatid niyang si Patrick Gatdula.

Pagkuwan ay dumating si Malu Barry kasama sina Daddy Wowie at Mercy Lejarde.

Naaksidente pala sa Cebu ang anak ni Malu na si Charles kaya masamang-masama ang loob ng singer.

Magsu-show sila ni Richard Merck sa Merck’s sa Greenbelt Makati City sa ika-22 at ika-29 ng Abril para maglikom ng pondong pampagamot kay Charles.

***

Nabagga ng isang van ang motorsiklong minamaneho ni Charles kaya nagkalasug-lasog ang kanyang katawan.

Marami siyang sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang mukha at katawan.

Nang dumating nga si Jinggoy Estrada sa lamay ay ipinakita pa ni Mercy ang litrato ng nakaratay sa banig ng karamdaman na si Charles.

Nakita rin ni Jude Estrada ang kalunus-lunos na sitwasyon ng anak ni Barry kaya may balak sila rito.

Nasa ICU ang anak ni Malu at marami na siyang nagagastos mailigtas lang ang kanyang anak sa kapahamakan.

Pagkatapos ng balitaan at kamayan ay lumabas na sina Jinggoy at Jude.

***

Husto naming pumapasok ang isa sa mga alalay ni Cristy na humahangos papalapit sa kanyang pinaglilingkuran.

Hindi pa man nakakalapit ang alalay kay Fermin ay dumarating na si Kris kasabay ang isang alalay at kasunod si Jude na may kilik-kilik na kung anong poster na negatibo.

Dmiretso si Kris kay Cristy at nagtanim niya nang halik sa dating kasama sa “The Buzz.”

Pagkatapos ay sabay nilang sinulyapan ang mga labi ng namatay at pagkuwan ay nagkuwentuhan na sila ng kung anik-anik.

Ipinakilala ni Fermin si Aquino sa kanyang mga kaanak at kaibigan na nagpa-picture pa sa aktres.

***

Ipinakilala rin ni Cristy ang mga taga-showbiz na kasamahan kay Kris at isang pangkalahatang pagkilala ang ginawa ng bituin.

Pagkatapos ay umupo na siya sa isang bakanteng upuang mahaba.

Si Fermin naman ay sa nasa unahang upuaan umupo habang hawak-hawak ang kanyang abaniko.

Paypay nang paypay si Cristy samantalang nakaprenta lang si Kris sa isang sulok.

***

Dumating din ani Phillip si Aiko Melendez at ang mga peryodistang pampelikula na sina Letty G. Celi at Rommel Gonzales.

Nandoon din sina Malou Choa-Fagar at Allan Diones.

Nandoon din si Ambet Nabus at Darius Razon.

Isa na namang akto ng pagpapakumbaba ang nagawa ni Kris na minana niya sa kanyang namayapa nang inang si dating pangulong Corazon C. Aquino.

Nauna nang humingi ng paumanhin si Kris kay Ruffa Gutierrez at isa rin itong pagpapakumbaba kahit na wala naman siyang dapat ihingi ng patawad bagamat nasaktan si Ruffa sa kanyang komentong “di ba, iba rin ang level ng saya rito” na ang tinitukoy ay ang ABS-CBN at “The Buzz.”

Pero para kay Ruffa ay pambubuska na naman ‘yon na lagi anyang ginagawa sa kanya ni Aquino.

Pero ang dapat sana ay pairalin ang utak at hindi ang puso.

No comments:

Post a Comment