Sunday, January 24, 2010

Maria Isabel Lopez, dala-dalawa ang panalo sa Gawad Tanglaw; Luis Manzano, Best Supporting Actor



WALA kaming masabi sa seksing aktres na si Maria Isabel Lopez.

Aba naman, mga kababayan, bukod sa namumukadkad ang kanyang pag-ibig ay namumulaklak din ang kanyang career.

Hindi nga ba’t kagagaling lang niya sa Thailand kasama ang kanyang kasintahang si Wade Rowland at nagsanib ang kanilang mga diwa at kaluluwa?

At ngayon ay dating nang dating ang kanyang magagandang tsansa sa pag-arte at hindi lang simpleng mga pelikula kundi mga premyado pa.

Kaya nga nang kunin siya ni Brillante Mendoza para sa pelikulang “Kinatay” ng Centerstage Production at Swift Productions, napuna siya nang walang patumangga sa Pilipinas at sa ibang bansa lalo na nang ipalabas ang obra sa 2010 Cannes International Film Festival kung saan nagwagi si Brillante ng Best Director para sa pareho ring pelikula.

***

Hindi lang nominasyon ang natanggap ni Maria Isabel para sa kanyang pagganap kundi panalo na.

Sa kalalabas na hindi pa kumpletong listahan ng mga nagsipagwagi sa 2010 Gawad Tanglaw ng mga gurong sina Dr. Flaviano Lirio ng Jose Rizal University, Terry Cagayat-Bagalso ng University of Perpetual Help at Atlas Publishing House, nagwagi si Lopez ng Best Supporting Actress para sa “Kinatay.”

Ginagampanan ni Maribel ang papel ng isang puta na may atraso sa isang sindikato ng droga kaya siya ay kinatay.

“Magandang pasalubong sa akin ito sa Year of the Tiger. Hindi ko makakalimutan ito dahil sa pagsisikap ko na makaahon sa aking image. Masama ang tingin nila sa akin bilang bold star noon kaya kailangang ipakita ko ang pagbabago sa aking buhay,” pahayag ni Lopez.

Walang kagatul-gatol na pinagpasyahan ng mga kasapi ng Gawad Tanglaw, isang organisasyon ng mga titser sa mga pamantasan, na si Maribel ang siyang gawing Best Supporting Actress.

***

At ito ay batay lang sa nakarating kay Lopez na impormasyon na siya niyang ipinadala sa kanyang mga kaibigan at kasamahan sa trabaho sa pamamagitan ng SMS messaging.

May bagong istorya kay Maribel ngayon at ito ay mula muli kay Terry na isang opisyal na miyembro ng Gawad Tanglaw kaya opisyal din ang kanyang pahayag.

“Nanalo pa ng isang Best Supporting Actress si Maribel dahil ang galing-galing talaga niya. Sa ‘Tulak’ naman ito. Ang husay-husay talaga ni Maribel sa pelikula. Hindi talaga mapapantayan ang kanyang pag-arte,” pagpuri ni Cagayat-Bagalso.

Kaya nga doble ang pagdiriwang si Maria Isabel sa mga pagkakataong ito.

***

May isa pang development sa buhay-award-giving body ng Gawad Tanglaw at ito ay ang pagwawagi ni Luis Manzano sa kategoryang Best Supporting Actor ka-tie ni Roderick Paulate para sa pelikulang “Dead na si Lolo” ng APT Entertainment.

Hindi ito kasama sa listahan ng ipinadala sa amin ni Maribel.

Ayon kay Terry, unfair na hindi naisama sa mga naunang listahan si Luis dahil ang galing-galing din ng aktor sa obra.

Nitong Lunes lang nagpinal na usapan ang mga kasapi ng Gawad Tanglaw para sa opisyal talagang listahan ng mga nanalo.

“Marami pang mga category na bibigyan ng award sa TV, film at iba pang field of arts,” pahayag ni Cagayat-Bagalso.

Star Patrol (for Saksi, January 26, 2010)

Boy Villasanta

Doble ang Best Supporting Actress ni Maria Isabel Lopez; Luis Manzano, Best Supporting Actor

INILINAW ni Terry Cagayat-Bagalso, isang dating peryodistang pampelikula at ngayon ay patnugot ng mga aklat sa Atlas Publishing House, Inc. at aktibong guro sa University of Perpetual Help, na hindi pa opisyal ang listahan na kumakalat ngayon sa mga taga-showbiz kaugnay sa nanalong mga pelikula at alagad ng sining sa 2010 Gawad Tanglaw.

Ang Gawad Tanglaw ay organisasyon ng mga guro na sumisipat sa mga birtud at magagandang katangian ng mga elemento ng pelikula, telebisyon at iba pang sangay ng sining.

Ang Gawad Tanglaw ang grupo na humiwalay at tumiwalag sa nauna nang Pasado, isa ring grupo ng mga guro na nagbibigay rin ng award sa TV, pelikula at iba pang larangan ng arte.

Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mga kasapi noon ng Pasado kaya ang mga ayaw sa mga patakaran at bisyon nito ay umalis at nagtayo ng kanilang bagong asosasyon.

Isa si Dr. Flaviano Lirio sa malakas ang loob na makapagtatag ng kanyang sariling organisasyon at nagrikrut siya ng mga kasapi kabilang si Terry.

***

Nag-text kasi sa amin si Maria Isabel Lopez at ipinarating ang mga nanalo sa 2010 Gawad Tanglaw pero hindi wala kaming kaalam-alam na hindi pa pala opisyal at kumpleto ‘yon.

“Wala pa kaming ikinakalat na official results. Kanino kaya nanggaling ‘yon?” tanong ni Cagayat-Bagalso.

Pero kumalat na nga ito at kahit ang talent manager na si Dennis C. Evangelista ay nagsasaya na dahil nagwagi ng Best Actor si Allen Dizon sa “Dukot” ng ATD Entertainment.

“Monday pa kami magmimiting para pag-usapan ang official results,” pahayag ni Terry.

Noong ika-25 ng Enero, 2010 nagpulong ang mga taga-Gawad Tanglaw sa Robinsons Galleria.

Gayunman, hindi kinontra ni Cagayat-Bagalso ang itinext ni Maribel sa amin.

***

Pero may idinagdag pa si Terry.

“Naku, ang galing-galing talagang umarte ni Maribel Lopez. Kaya hindi lang sa ‘Kinatay’ siya nanalo ng Best Supporting Actress. Sa ‘Tulak’ din ni Neal ‘Buboy’ Tan,” pagatatapat ni Cagayat-Bagalso.

“Ang husay-husay ni Maribel sa dalawang pelikula,” pagpuri ni Terry.

Nagpapasalamat nga si Maribel sa pagkuha sa kanya ni Brillante Mendoza para sa “Kinatay.”

“Noong una, tinanggihan ko ‘yong offer ni Dante Mendoza. Kasi, unang ini-offer kay Rosanna Roces ang role pero tinanggihan ni Osang. Lumapit sa akin si Dante pero tumanggi rin ako.

“Pero sinabi ko kay Dante na bigyan ako ng time para makapag-isip. Kaya nag-isip ako. Tapos, nagpaliwanag si Dante sa akin kaya naintindihan kong mabuti at look, napunta pa ako sa Cannes,” kuwento ni Maribel.

***

Lalo ngayong maglululundag sa tuwa si Lopez sa kanyang karagdagang panalo.

Ginagampanan ni Maribel sa “Kinatay” ang isang puta na kinatay ng mga miyembro ng sindikatong military dahil may atraso siya sa mga pinuno nito sa hindi pagre-remit ng perang pinagbentahan ng bawal na gamot.

Samantala, sa “Tulak” naman ng Exogain Productions ay binibigyang-buhay ni Lopez ang papel ng isang durugista na kabit ni Julio Diaz.

Ang isa pang karagdagan sa listahan ng Gawad Tanglaw ay si Luis Manzano.

“Magaling si Luis Manzano sa ‘In My Life’ kaya he deserves to win,” pahayag ni Terry.

Katabla ni Lucky Manzano si Roderick Paulate sa “Dead na si Lolo” ng APT Entertainment.

No comments:

Post a Comment